Chapter 23

8.6K 217 42
                                    

Hindi ako dinadalaw ng aking antok. Kanina pa ako paikot-ikot sa kama ni senyorito. Hindi ko alam kung dahil ba bigla na lang akong namamahay o dahil nandito siya kasama ko sa kwarto. Naglatag lang siya ng kobre-kama sa gilid ng kama at doon natulog matapos kong maki-usap na samahan niya na lang ako sa kwarto niya matulog.

Mukhang nauna ng makatulog sa akin si Maximo. Ako naman ay nakatitig lang sa kisame. Ang tahimik na ng paligid. Tanging ingay lamang ng mga kuliglig ang maririnig. Napahaplos pa ako sa aking tiyan. Nararamdaman ko na ang mga pagbabago sa katawan ko dahil sa pagbubuntis ko.

Sa totoo lang, ngayon pa lang kasi pumapasok sa utak ko ang katotohanan. Hindi pala kadali na mababago agad ang buhay mo ng ganito kabalis. Alam mo 'yon, kahapon lamang ay nasa sakahan ako tapos ngayon ay nasa mansion na ako kasama ang pamilya DiMarco. Kahapon lang ay hindi kami nagtatagpo ng senyorito dahil sa nangyari pero ngayon ay magkasama na kami.

Ang dami kong iniisip. Paano kung nagpasya silang DiMarco na bumalik sa Espanya? At dahil dinadala ko ang isang DiMarco sa sinapupunan ko ay malamang ay isama nila ako sa Espanya. Baka ang kwento ko ay maging isang Aling Caridad. Namatay na malayo sa pamilya ko. Pero, nangako ang senyorito na dito pa rin kami sa Negros.

Napabuntong-hininga naman ako sabay galaw papunta sa gilid ng kama. Sinilip ko si Maximo na himbing ng natutulog. Hanggang ngayon ay iniisip ko kung paano ba talaga may nangyari sa amin? Kita ko naman na sising-sisi siya sa nangyari kahit na maski siya ay hindi tanda kung paano nangyari ang nangyari sa amin.

Kahit paano ay humuhupa na ang galit ko sa kanya. Ang hirap lang magpatawad sa ganitong kasalanan. Sapat ba na kabayaran sa nagawa niya sa akin na bumawi siya? Ang sabi ng utak ko ay hindi sapat pero iba ang nararamdaman ng puso ko. Lumalambot ulit ang puso ko sa kanya.

Pinagmasdan ko pa ang mukha niya. Kahit tulog ay ang gwapo pa rin niya. Ano kaya ang itsura ng anak namin? Kanino siya mas magmamana? Magmu-mukha kaya siyang Espanyol imbes na Pilipino? Maski ba naman sa sanggol, akong Pilipino ang magdadala ng siyam na buwan tapos mukhang Espanyol paglabas? Lahat na lang sinakop ng mga Espanyol sa atin!

Nanlaki naman ang mga mata ko nang biglang dumilat ang senyorito. Saktong nakatingin siya sa akin kaya alam kong pansin niyang pinagmamasdan ko siya. Akma na akong tatagilid pabalik sa kama nang hawakan niya ang balikat ko sabay hila sa akin.

"Ay!" Tili ko nang mahulog na ako sa kanya.

Saktong nakadapa ako sa katawan niya habang nakahawak lang ang mga kamay ko sa dibdib niya. Agad ko siyang tinignan nang masama kahit na nakapikit na siya. "Baka nakakalimutan mong buntis ako, Maximo? At talagang hinila mo ako pahulog? Paano kung makunan ako?"

Ngumiti lang siya habang nakapikit. "Walang mangyayaring masama sa pagkahulog mo dahil sasaluhin naman kita. Halata naman, 'di ba? Nasalo kita dahil magaling akong sumalo."

Naningkit naman ang mga mata ko sa kanya. Parang may iba pang ibig pakahulugan ang linya niya. Akma na sana akong babangon sa katawan niya nang pumulupot ang mga braso niya sa balikat ko para yakapin ako kaya mas napadiin ako sa katawan niya. Naamoy ko naman ang amoy ng sabon niya na halatang galing paligo bago matulog.

"Bakit may pagyakap?!" Pagtataray ko sa kanya. "Baka nakakalimutan mo na ang mga bawal mong gawin sa akin?"

Dumilat lang siya ng kaunti sabay ngiti. "Kanina mo pa kasi ako tinititigan. Baka lang gusto mong yakapin kita at para malapitan mo na rin akong matitigan."

Ito na nga ba ang sinasabi ko! Ibig bang sabihin ay nagpapanggap lang siyang tulog? At kanina pa niya alam na nakatingin ako sa kanya? Traydor! "Hindi kita tinititigan. Inaalam ko lang kung tulog ka na ba o baka hindi ka na humihinga d'yan dahil binabangungot ka na pala."

El VioladorWhere stories live. Discover now