Chapter 12

8.6K 195 19
                                    

Nagpatuloy pa ang biyahe namin papunta sa daungan ng mga bangka sa Dumaguete. Kailangan kasi naming tumawid ng karagatan para makarating sa Mindanao. At ba-biyahe na namang muli papuntang Bukidnon. Ang haba pa ng magiging biyahe namin.

Inabutan na kami ng pagputok ng araw sa daan. May mga sandaling humihinto ang kalesa para makapagpahinga ang kabayo at ang kutsero kaya kumakain din muna kami para hindi gutumin sa biyahe.

"Ano hong plano niyo matapos niyang katagpuin ang pamilya ni Aling Caridad?" Tanong pa ni Hilda habang nasa ilalim kami ng puno para magpalilim. "Babalik na po kayo sa Espanya, senyorito?"

Umiling naman ang senyorito habang kumakain ng tinapay na hinanda niya para sa biyahe namin. May palaman itong keso na galing pa atang Espanya dahil kakaiba ang lasa niya. Masarap naman. Sayang, hindi ko mapapatikim kina Jose at Nora.

"Iyan sana ang una kong plano." Sagot naman ng senyorito. "Pero, napamahal na ako sa hacienda dahil sa inyong mga magsasaka. Kaya mananatili muna ako sa Negros."

Ngumiti naman si Hilda na kilig na kilig sa sinagot ng senyorito. "Mahal na mahal mo talaga kami, senyorito. Sana ako ay hacienda na lang para minamahal din. Biro lang!"

Natawa naman ang senyorito kay Hilda. "Gan'on din naman kasi kayo sa akin kaya binabalik ko lang. Hindi ko inaasahan na mainit pa rin ang pagtanggap niyo sa kagaya naming dayuhan matapos ang nangyari sa mga bansa natin."

Kayo lang ho ang mahal ng mga magsasaka ng Hacienda DiMarco. Ang Don at Donya DiMarco ay hindi mainit ang pagtanggap namin sa kanila dahil sa mga pang-aalipusta nila sa aming mga magsasaka. Buti na lang talaga ay mabait ka, senyorito.

"Paano ho ang buhay niyo sa Espanya?" Singit ko naman kaya napatingin sila sa akin. "Wala ho ba kayong naiwan na trabaho? Iyong mga kaibigan niyo rin po?"

Ngumiti naman sa akin ang senyorito. "Matapos ang guerra, hindi mo na mababalikan ang mong buhay noon. Ang daming nagbago kaya parang nagsisimula ulit ako pagbalik ko galing guerra. At dito ako sa Pilipinas nagsimulang muli kasama kayo."

Tumango naman ako habang kumakain din ng tinapay. "Dito na ho kayo maninirahan?"

Nag-isip muna ang senyorito bago sumagot. "Pwede naman. Kung Pilipina siguro ang aking mapapang-asawa, pipiliin kong dito na manirahan habang-buhay. Pero, gusto ko rin siyang dalhin sa Espanya para makita niya rin ang lugar na kinalakihan ko. Ang saya siguro n'on, 'no? Pareho niyong inaaral ang kultura ng dalawang bansa habang nagmamahalan kayo." Sambit niya habang nakatitig sa akin.

Napatitig lang din ako sa kanya. Mukhang totoo nga ang mga sinasabi niya. May plano talaga siyang magmahal ng isang Pilipina at plano nang manirahan dito sa Pilipinas ng matagal. Gan'on lang kadali sa kanya ang talikuran ang buhay niya sa Espanya?

"Ang swerte naman ng babaeng 'yon." Singit naman ni Hilda kaya napatingin kami sa kanya. Nakatingin pala siya sa akin. "Sino kaya 'yong babaeng 'yon 'no, Esme?"

Heto na naman si Hildaria sa mga parinig niya. Sasagutin ko na sana siya ng sumigaw na ang kutsero. "Halina ho kayo!"

Bumalik na kami sa kalesa at sumakay para ipagpatuloy ang biyahe. Buti na lang ay kami na ni Hilda ang magkatabi at ang senyorito na ang nasa harap namin. Pero kahit saan pala siya nakaupo ay nakakailang pa rin. Ibang klase talaga ang presensya niya. Espanyol nga siya, ang lakas manakop ng presensya niya.

Matapos ang mahigit tatlong oras na biyahe sakay ng kalesa ay narating na namin ang daungan ng bangka patawid sa Mindanao. Bumaba na kami sa kalesa at nagpaalam sa kutsero. Iniwan na lang namin sa kanya ang gasera at kukunin na lang namin sa pagbalik namin sa Negros.

Dumiretso naman ang senyorito sa bilihan ng bilyete para sa aming tatlo. Malakas ang hangin sa pampang kaya nililipad ang buhok namin ni Hilda. Nakatingin lang kami kay senyorito na nagbabayad na sa bilyete namin. Hindi talaga siya pala-utos, kung kaya niya ay siya ang gagawa.

El VioladorWhere stories live. Discover now