"Siguro." Pagsisinungaling ko para lang magpatibay sa kwento na maririnig ng anak namin ni Maximo. "Siguro kaya ayos lang sa akin nang gawin namin 'yon."

Tumango-tango ulit siya. "Ano'ng plano mo---niyong dalawa?"

"Sa mansion na ako nakatira simula kahapon nang malaman nila ang pagbubuntis ko." Pag-amin ko naman sa kanya. "Plano rin naming magpakasal sa lalong madaling panahon bago lumaki ang tiyan ko. Kaya kung maaari sana, Hilda, ay h'wag mo munang ipaalam sa iba ang kalagayan ko."

"Oo naman." Mabilis niyang pagsang-ayon. "Hihintayin ko na lang ang araw na maibalita niyo na 'yan ng senyorito para makita ko kung ano ang reaksyon ni Armando. Ang babaeng dati niyang minahal na para na lang tinapon na parang basura ay isa na ngayong haciendera. Mas mayaman ka pa sa kanya dahil ang DiMarco ang pamilyang may pinakamalawak na hacienda sa Negros."

Ito rin ang iniisip ko. Alam kong makakarating din kay Armando ang balitang ito. At alam kong isusumbat lang niya sa akin na nagsinungaling lang ako sa kanya na may gusto pala talaga ako sa senyorito.

Pero, wala akong kasalanan sa kanya dahil tapos na kami bago pa may mangyari sa amin ng senyorito. Nangyari ang lahat ng ito nang dahil sa kanya. Kung hindi ako sawi sa pag-ibig ay hindi kami iinom ni Hilda at walang mangyayari sa amin ni Maximo.

"Ayoko na siyang isipin, Hilda. Higit isang buwan na buhat nang maghiwalay kami. Sa ngayon, ang buhay ko kasama si Maximo at ang paparating naming anak ang iisipin ko." Sagot ko naman sa kanya.

Ngumiti naman si Hilda sabay hawak sa kamay ko. "Masaya ako para sa'yo, Esme. Hindi ko lang akalain na ganito kabilis na ika'y makakapag-asawa. Alam kong hindi na magiging madalas ang pagsasama natin dahil may pamilya ka na, pero nauunawaan."

Tama si Hilda. Sa bagong pamilya ko ay kailangan kong tutukan ang pagiging asawa ko kay Maximo at pagiging ina ko sa anak namin. Mababawasan na ako ng oras kay Hilda. "Dalawin mo na lang ako sa mansion lagi. Pumayag naman si Maximo na samahan mo ako dahil hindi na ako pwedeng magsaka dahil maselan ang aking pagbubuntis."

Kita ko ang saya sa mga mata niya. "Talaga ba, Esme? Mararanasan ko na rin ang mamalagi sa mansion. Magpapanggap akong isang haciendera. Ako si Hildaria HindiMarco!"

Natawa naman ako sa kanya. "Baliw ka talaga. Pero tandaan mo, nandoon ang Don at Donya DiMarco."

Bigla naman siyang napangiwi. "Ay, oo nga pala. Pero, ayos lang. Kasama naman kita kaya wala silang magagawa."

Ilang saglit pa kaming nagkwentuhan sa batis bago kami magpaalam sa isa't isa dahil kailangan pang magtrabaho ni Hilda sa sakahan. Ako naman ay dumiretso sa aming bahay dahil nangulila ako sa aking mga kapatid.

"Ate!" Bungad sa akin ni Nora nang makita niya akong papasok sa bahay. Agad siyang yumakap sa akin at naluluhang napatingin sa akin. "Ate, hindi ka na ba talaga dito tutuloy sa bahay?"

Hinaplos ko naman ang ulo niya at nginitan siya. "Kailangan ko ng sumama kay Maximo, Nora. Siya na ang mapapang-asawa ko kaya kailangan ay magsama na kaming dalawa. Dadalaw naman ako rito lagi."

Nakabusangot pa rin siya na naiiyak pa rin. "Ganito pala kalungkot ang mawalay sa pamilya. Ganito rin siguro ako kapag pumasok na sa kumbento. Maiiwan ko na sina inay, itay, at Jose."

Nginitian ko naman siya at inayang maupo muna. Hinarap ko naman siya at inayos ang buhok niya. "Alam mo, Nora, darating talaga ang panahon na mawawalay tayo sa pamilya natin dahil magkakanya-kanya na tayo. Tulad ko ngayon na mag-aasawa na. Ikaw na magma-madre sa mga susunod na taon. Si Jose na baka magtrabaho sa malayong lugar. Pero kahit mawalay tayo, dapat ay bumalik pa rin tayo sa pinanggalingan natin kaya kailangan nating dalawin lagi sina inay at itay."

El VioladorWhere stories live. Discover now