"II- ANG HINDI INAASAHANG BISITA"

1 0 0
                                    

Maliit pa lamang si Aldo, alam na niyang may kakaiba sa kanya. Hindi dahil sa kung ano ang taglay niyang talento o nagmula siya sa maharlikang angkan, kundi dahil siya ang laman lagi ng kwento sa kanilang distrito. 

Hindi niya makalimutan na minsan ay narinig niya ang mga marites sa isang tindahan malapit sa kanilang bahay at siya ang pinag-uusapan.

"Kakaiba ang batang 'yan biro mo nagawa niyang buhayin ang patay kong halaman. May mahika."

"Naku Aling Senya, kwentong Marites na naman!" Pang-aasar ni Kanor, ang intsik na may-ari ng tindahan.

"H-hindi, nakita ko mismo, sa sarili kong mata. Maniwala kayo," Depensa ni Aling Senya.

"Ano ka ba, kalat na iyong balita, na noong isinilang 'yang batang 'yan– biglang naging umaga iyong gabi. Jusmeyo! Kinikilabutan ako!" Pagbabahagi ni Rosing ng pabulong.

"Huwag niyong pag-usapan ang bata at baka marinig kayo. Dito pa kayo sa tindahan ko." Paalala ni Kanor ng pabiro.

"Kanor naman, hayaan mo na kami."

Maging sa kanyang paaralan, hindi maiwasang mapagtawanan si Aldo ng kanyang mga kaklase. Lumaki siyang laging nagtatanong na ano ba ang mayroon sa kanya at laging siya ang nakikita at sentro ng lahat ng mata. 

Ipinagkibit-balikat na lamang ng bata dahil siya ang inaasahan ng kanyang pamilya. Kulang ang oras para gastusin niya ito sa mga walang kabuluhang bagay. Maaga siyang namulat sa kahirapan ngunit hindi siya sumusuko. Marami siyang pangarap. Marami siyang nais abutin sa buhay.

"P-pasensyaa na po at namali ata ako ng p-pasok. Baka sa kabila po, a-ang mga tinapay na ito," Paghingi ng paumanhin ni Aldo nang mapagtanto niyang nakasulyap ang karamihan sa kanya na tila ba'y hindi siya imbitado sa pagtitipon.

"Purihin si Bathala! Aming hari! Nasa tamang lugar ka sa tamang oras." Bulalas ni Irog, ang tagapagsalin.

Tumayo sa kanyang pagkakaupo ang punong ministro ng Distrito ng Alkam, ang lahing inatasang mangasiwa sa palasyo. Napatingin ito sa tagapagsalin, nanghihingi ng kasiguraduhan at nang binigay niya ito ay napalingon ito sa bata.

"Nasa labas na po ang mga tinapay. Ipapasok ko po ba?" Nagtataka si Aldo sa biglang nakabibinging katahimikan. Ramdam niya na lahat ng mata ay nasa kanya pero ano pa ba ang bago? Buong buhay niya, iyon naman lagi ang ipinararamdam ng mga taong nasa paligid niya– na may mali sa kanya.

"Pumarito ka, H-hijo." Hindi matukoy ng ministro kung ano dapat ang itawag niya dito. Hari? Batang Hari? Bagong Hari? Tagapagmana? Ni hindi niya rin inaasahan na ito ang magiging kahihinatnan ng propesiya. Ang akala niya ay mula sa apat na mandirigma ang mapipili o kung hindi man ay isang maharlika, isang disente, at kilala.   

Dahan-dahang naglakad si Aldo papunta sa kinaroroonan ng ministro, pinipigilan ang pagtunog ng kanyang lumang bakya. Binubulabog kasi nito ang katahimikang bumabalot sa paligid.

"Anong klaseng pagkakamali ito? 'Yan na ba ang uso ngayon? Plain white shirt with a black short tapos bakya?" Bulong ni Piper sa katabi niyang si Tomas na panay himas sa kanyang tiyan. Umiling lang si Tomas.

"Kayo ho ba si Mang Tano? B-bali limang piso po lahat. Sinunod ko pong maigi ang inyong bilin sa liham hinggil sa pagluluto at mainit na mainit pa po ang tinapay."

Napatitig lamang ang punong ministro sa pagkamangha. Tiningnan ang bata mula ulo hanggang paa. Hindi alam kung ano ang kanyang gagawin. Yuyuko ba siya sa harap ng hari? Hindi niya pa nailalahad ang magandang balita. Kailangan niya ring tanggapin ang nakasulat.

Nanginginig naman ang tuhod ni Aldo sa hiya. Nakaramdam siya bigla ng kaba at hindi niya matukoy ang dahilan. Pagnaabot na nito sa kanyang palad ang bayad ay napagdesisyunan na nitong kaagad umalis.

Napabuntong hininga ang punong ministro at tuluyan na nitong binasag ang katahimikan. "M-mga kasama at kapatid, ang ating bagong hari, ang bagong mandirigma!"

Lumikha ng ingay ang anunsyo mula sa mga nagbubulungang manonood. Hindi mawari ng mga ito ang dapat na gawin. May pumapalakpak, may naghihiyaw, at ang iilan ay mas pinili na lang na walang gawin.

"Bigyang-pugay ang bagong hari!" At sa wakas ay nagsimula ng tumayo ang mga ito, kahit hindi sabay-sabay at sapilitaang nagpalakpakan.

Hindi matanggap ni Banjo ang naging pasya ng libro. Ako dapat ang pinapalakpakan. May mali. Ako dapat iyon at hindi ang batang ito. Bilang pagprotesta ay nilisan nito ang bulwagan.

Ang dalawa ay sinusubukan pang tanggapin ang katotohanan habang si Tomas ay todo na ang palakpak na tila ba alam na niya ang mangyayari. 

Kita sa mukha ni Aldo ang pagkalito. Sino ba ang pinapalakpakan ng mga taong ito? Sino ba ang sinasabi nilang bagong hari? Napatingin siya sa paligid. Inuusisa ang bawat isa. Hindi niya lubos maintindihan.

"Tama ang iyong narinig, kamahalan. Kayo ang itinakda. Kayo ang ituro ng libro. Kaya ang propesiya na matagal na naming hinihintay," At yumuko si Ministrong Nandre bilang pagbibigay-galang.

"A-ako? H-hari? ha! Hindi po, ang totoo niyan– anak po ako ng salamangkero. At least iyon ang sabi ng kapitbahay namin."

"Lumapit ka dito sa aking tabi, kamahalan."

Sa wakas ang bayad. Napangiti na lamang si Aldo. Huling trabaho na niya ito sa araw bago umuwi. Teka, ibabalik niya pa pala ang librong hiniram mula kay Mang Kanor. Lumapit siya sa punong ministro. Hinihintay na iabot sa kanya ang barya.

Ngunit bigla na lamang niyang naramdaman na parang may matulis na bakal na tumusok sa kanyang dibdib. Mabilis ang pangyayari. Nabitawan niya ang dalang bayong at napaluhod sa sakit at pagkabigla. Hawak-hawak niya ang punyal na nakabaon sa kanyang puso. Walang-tigil ang agos ng dugo. Naging kulay pula ang puting marmol na sahig.

Sinaksak siya ng punong ministro.

"Ang Hari!" Sigaw ni Irog.

Nagkagulo na sa palasyo. Nabalot ng takot at pag-aalala ang bawat isa. Inilabas ni Tomas ang kanyang dalawang espada, handa nang dumipensa para sa Itinakda ngunit bigla itong nakaramdam ng hilo. May nilagay sa inumin ko. Bigla nitong nabitawan ang kanyang sandata at tuluyan nang bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.

Si Nandre ay biglang nag-ibang anyo. Isang huwad ang kanilang kaharap. Biglang nabalot ng maitim na usok ang buong katawan nito at sa isang iglap ay inihayag ang kanyang tunay na wangis.

"Si Saturno!" Ang taksil na mandirigma at ang puno't dulo ng kaguluhan sa Dyantu.

Nagtagumpay ang pinuno ng kadiliman. Isang malakas at nakakatakot na tawa ang pinakawalan nito at bago pa man makakilos ang iba pang mandirigma ay kaagad itong naglaho sa hangin at nag-iwan ng masangsang na amoy.

Nabalot ng sindak at alanganin ang buong kaharian. Ang maliwanag na sikat ng araw ay natakpan ng madilim na ulap na tila ba may paparating na delubyo. Nagsimula nang magkatotoo ang propesiya.

Simula na ng kaguluhan sa Dyantu.

THE MAN IN THE PROPHECYWhere stories live. Discover now