"I- ANG ITINAKDA"

4 0 0
                                    

Biglang nagpatawag ng pagpupulong. Dumating na ang oras ng pagtatakda. Papangalanan na kung sino ang hinirang– hinirang na mandirigma at magiging susunod na tagapagmana ng Kaharian.

Handa na si Banjo para sa kanyang tungkulin. Pakiramdam niya siya ang itinakda. Sa apat na magigiting na mandirigma, siya ang pinakamatanda at pinakamatagal na nagsanay.

"Ang tagal kong hinintay 'to." Naiwika niya sa kanyang sarili habang sinusuot ang kanyang pinakamagandang suot pandigma. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang espada at tumungo na sa templo.

Iba naman ang dating kay Silas. Nagdadalawang isip siya na iprisinta ang kanyang sarili. Kung utak lang ang pag-uusapan, siguradong lamang siya sa lahat ngunit hindi naman pagdating sa digmaan. Napabuntong hininga na lamang siya.

"Ano Tomas at hindi ka pa naghahanda?"

"Lola, paano kung ako ang itinakda at hindi ako handa? Paano ko pangangasiwaan ang buong Kaharian?" Alam ng lahat na sa kanilang apat, si Tomas ang walang planong mamuno. Buhay niya nga hindi niya maayos-ayos, ang buong isla pa kaya.

"Hindi nagkakamali ang propesiya, Tomas. Kung ibinigay man ito sa'yo ay tanggapin mo ng buong puso. Hindi ka pababayaan ng langit," Sinusubukan ni Lola Sibya na pagaanin ang damdamin ng mandirigma.

Tumayo si Tomas mula sa pagkakahiga at nagsimula ng mag-ayos pagkatapos ay nilisan na niya ang kanilang munting tahanan. 

Namomroblema naman si Piper sa kung ano ang kanyang susuutin. Sa kanilang apat siya ang bunso ngunit nagmula sa mayamang angkan. Dapat lamang na siya ang may pinakamagandang suot at pustura roon. 

First impressions last. Kinuha niya ang kanyang dalawang pinakamagarang suot at pinapili ang kanyang hanyeo. "Abi, which one? This gold or this? Iyong mapapaimpress sila."

"Ang babaw ng iyong batayan, senyor. Pero kung ako ang papipiliin mo ay kahit saan sa dalawa dahil wala naman silang pinagkaiba."

Napatingin si Piper sa mga damit ng may pagkalito. Para sa kanya, magkaibang-magkaiba ang mga disenyo. Mas detalyado ang pagkakatahi ng nasa kaliwa kaysa sa kanan. Pero ano ba naman ang punto kung hindi naman naiintindahan ng kanyang katulong.

Matapos ang halos isang oras na paghahanda, lumisan na ang anak mayaman sakay ng kanyang karwahi.

Nagkakagulo na ang mga tao sa labas ng Palasyo ng makarating si Piper. Ang lahat ay nasasabik sa kaganapan. Dalawang libong taon din ang lumipas. Sa wakas ay magkakaroon na muli sila ng hari, protektor, o pinuno.

Isa itong tradisyon. Isa itong okasyon. Minsan lamang sa napakahabang taon. Lahat ng pamamahay sa Kaharian, binuksan ang kanilang tahanan para sa isang pagsasalo, lahat ay imbitado. Maririnig mo ang mga naggagandahang awitin. Mga bata ay naglalaro sa daan.

"Nagtipun-tipon tayong lahat dito sa palasyo para sa isang napakandang araw. Dalawang libung taon din ang lumipas. Ngayon, muli na naman nating maririnig ang propesiya. Malalaman natin kung sino ang itinakda." Anunsyo ng punong ministro. 

Nagpalakpakan ang mga tao at isa-isang lumabas ang apat. Si Banjo, Silas, Tomas, at Piper at isa-isang pinakilala.

"Sa inyong harapan, ang apat na pinakamahusay at magigiting na mandirigma sa buong Kaharian. Nagmula sa iba't ibang angkan. May kanya-kanyang angking galing at talino. Isa sa kanila ang maging susunod ninyong pinuno."

Naghiyawan ang mga tao. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang gusto. Maririnig mula sa karamihan na tila ba nag-uusap ang bawat isa. Sinusubukang hulaan kung sino ang itinakda. May iba't ibang opinyon ngunit isa lamang ang pakikinggan. Dadaan sa isang paligsahan. Ang mananaig ang hinirang ngunit ang libro ang pipili at magpapatunay.

Biglang tumunog ang trumpeta. Oras na para buksan ang libro. Napuno ng katahimikan ang buong paligid ng palasyo. Hinihintay ang pasya ng punong tagapagsalin.

Tumayo mula sa kanyang upuan ang tagapagsalin at tumungo sa gitna kung saan naroroon ang libro, nakapatong sa isang lumang lamesa. Napabuntong hininga ang matanda at sabay nagwika, "Isa sa apat ang mapipili. Magkakaroon ng paligsahan. Sundin ang iniutos ng mga pahina." pagkatapos ay binuklat ang libro.

May puting liwanag na lumabas mula sa libro at pinuno ang buong harapan ng palasyo. Hindi na maaninag ng mga tao ang trono, pati ang mga mandirigma sa harapan. Ang lahat ay napatakip sa kanilang mata. Ang liwanag ay unti-unti lumiliit hanggang sa parang naging mga alitaptap. Namangha ang bawat isa.

Maya-maya ang tila maliliit na alitaptap ay naging letra– naging mga salita. Sinubukang basahin ngunit hindi maintindihan. Walang kawawaan ang sulat. Biglang nagsalita ang tagapagsalin, "Makinig kayong lahat at babasahin ko .." Napatigil ang matanda at napatingin sa kakapalan ng tao na tila nalilito. "W-wwalang mangyayaring paligsahan?"

Nagkatinginan ang mga tao sa isa't isa lalo na ang mga matatanda. Walang paligsahan? Paano natin matutukoy ang karapat-dapat? Bago ito.

"Nakapili na ang Langit. Nandito sa ating presensya ang Hinirang at itinakda!"

Pagpapatuloy ng tagapagsalin. Nagkatinginan ang mga mandirigma sa isa't isa. Hindi matukoy kung ano ang mararamdaman ng bawat isa. May halong kaba at tuwa– tuwa ba dahil wala ng gaganaping paligsahan? Mas madali na lamang ang pagpili?

Sa mga nakalipas na taon, nabuhay ang buong Isla ng Dyantu ng walang hari. Tanging mga punong lider lamang na nagmula sa Distrito ng Yano, ang tahanan ng mga manggagawang may ginintuang talento sa pamamahala, ang nagbibigay ng utos na nagmumula sa libro. 

Naging kwentu-kwento na lamang na darating ang Hinirang, ang Batayan, balang araw para iligtas ang Isla mula sa paparating na kapahamakan mula sa mananakop nito.

Alam ni Banjo sa kanyang sarili na siya ang itinakda. Hinihintay na lamang niya na banggitin ng tagapagsalin ang kanyang ngalan.

Si Silas naman ay tahimik lamang pero naliligayan na wala ng kapagsubukan na pagdadaanan. Hindi biro ang mapabilang sa nominasyon ng susunod na tagapagtanggol.

Si Tomas naman ay hindi mapakali. Hindi siya nababahala sa propesiya kundi sa kanyang tiyan. Kanina niya pa gustong magbanyo. Napasarap ata ang kain niya ng letson at umepekto na ito.

Taas-noo naman si Piper. Tama siya. Siya nga ang pinakakumikinang ngayon sa apat. Walang binatbat ang kanilang kasuotan sa kanyang gintong damit na bumagay sa kanyang mala-niyebe na kutis. Ang gwapo ko. Naibulong niya sa kanyang sarili.

Nagulat ang mga mandirigma ng tumingin sa kanila ang punong tagapagsalin na tila ba may mali sa kanyang binasa. "Ang bagong Hari, tagapagmana, at mandirigma na gagapi sa lahat ng kaaway, ang pamantayan, batayan ng isang matiwasay na pamumuhay, walang iba —- kundi siya!" 

Napaturo ang matanda sa dulong bahagi ng palasyo, sa may pintuan. Napalingon ang lahat ngunit wala silang makita. Biglang pumasok ang isang gusgusing bata. May bitbit na bayong.

"Siya! Siya ang Hinirang! Ang inyong tagapagmana."

THE MAN IN THE PROPHECYKde žijí příběhy. Začni objevovat