Nag-iwas ulit ako ng tingin sa kanya at nagpunas na naman ng mga luha dahil naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang araw na 'yon. Ang masakit pa, kailangan kong makasal sa lalake na umabuso sa akin. Habang-buhay ko siyang pakikisamahan.

"Bakit ako?" Tanong ko sa kanya "Ang dami-daming babae ang mataas ang antas na pwede mong ibigin, na nababagay sa'yo na isang haciendero. Bakit ako pa? Ako pa na isang magsasaka."

Binalot ulit kaming dalawa ng katahimikan. Rinig ko pa ang pagbuntong-hininga ng senyorito. "Dahil nag-iisa ka lang, Esme. Walang katulad mo ang kapantay ko ng antas sa lipunan dahil ang puso ko ay hindi tumitingin sa estado ng buhay. Ang puso ko ay tumitibok dahil gusto ko siya at wala ng ibang rason. At sa iisang babae lang ako tumitingin, kaya ikaw lang ang kayang makita ng mga mata ko, Esmeralda."

Napatitig naman ako sa kanya. Ang sarap sanang pakinggan pero wala na siyang kahulugan sa akin dahil ang naaalala ko lang ay ang ginawa niya sa akin. Aaminin ko noong una, may halina talaga sa akin ang senyorito dahil ang bait niya. Kung walang Armando sa buhay ko, baka katulad lang ako ni Hilda na magkagusto rin sa senyorito.

Tumulo lang ang luha ko dahil alam kong masasaktan siya sa sasabihin ko. "Pero hindi kita mahal para pakasalan..."

Nag-isang linya ang labi niya at huminga siya nang malalim bago lumuhod sa harapan ko at yumuko. "Esme, hindi ko ipipilit na mahalin mo ako. Alam kong mahirap para sa'yo ang makasama ako. H'wag kang mag-alala, hindi tayo magtatabi sa kama. Magta-trabaho pa rin ako sa hacienda kaya madalang mo lang akong makikita rito sa mansion. Ayoko lang maging bastardo ang anak natin dahil isisilang siya na hindi kasal ang mga magulang niya. Gusto ko lang siyang lumaki na kumpleto tayo."

Napatakip na ang kamay ko sa mukha ko at humagulgol. Sobrang hirap ng sitwasyon ko. Ayoko nitong kasal pero ayokong maging makasarili sa anak ko. Iyong mga iniisip ko kahapon sa amin ng anak ko na huhusgahan kami ng mga tao dahil nabuntis ako at nabuo siya dahil sa isang kahayupan ay pwedeng hindi na mangyari dahil ikakasal kami ng senyorito.

Pero habang-buhay naman akong makukulong sa taong hindi ko mahal.

"Esme..." Tawag sa akin ng senyorito. "Tahan ka na, maselan ang pagbubuntis mo. Hindi maganda sa bata ang umiiyak ka lagi."

Nagpunas ulit ako ng mga luha ko at tinignan siya. "Ayokong maiwan dito kasama ang mga magulang mo."

Napakunot naman ang noo niya. "E, ano'ng gusto mong mangyari? E, ayaw mo akong makita. Hindi naman ako pwedeng hindi magtrabaho sa sakahan."

"Mas titiisin ko na lang na makasama ka kaysa makasama ko ang mga magulang mo na wala ka sa paligid ko." Sagot ko naman sa kanya. "Sasama ako sa'yo pagpunta sa sakahan. Kahit sa kubo na lang ako o sa pawid para magturo. O, i-uwi mo ako sa bahay at sunduin para sabay ulit tayo pauwi."

Tumango-tango naman siya sabay punas ng mga luha ko gamit ang palad niya. "Kung 'yan ang gusto mo. Pero kapag malaki na ang tiyan mo, kailangan mong manatili rito sa mansion."

"Sige." Pagpayag ko dahil ayoko namang mapahamak ang bata dahil lang sa mga kagustuhan ko.

Tumayo na siya sa harap ko at pinagpag ang tuhod niya bago niya ako muling harapin. "Hindi ka pa nag-aagahan. Ipapaakyat ko na lang ang pagkain mo. Kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa mga kasambahay. Mamaya pa ako makakauwi."

Tumango lang ulit ako kaya tinalikuran na niya ako at naglakad na papunta sa pintuan para lumabas ng kwarto. Naiwan na naman akong mag-isa sa kwarto. Pagod na akong umiyak, kailangan ko ng tanggapin ang nangyari sa akin ngayon. Tumayo na ako at pumunta sa balkonahe.

Nilibot ko ang paningin ko sa paligid ng mansion. Kita ang malawak na hacienda. Ang layo na pala ng sakahan mula rito. Sa paligid ng mansion ay mga puno-puno pa at ilang hardin. Ang sariwa rin ng hangin. Kita rin pala rito ang ilang parte ng Hacienda de Gracia pero malayo na kung nasaan ang mansion.

El VioladorWhere stories live. Discover now