Napatitig na naman ako sa mapupusyaw niyang mga mata. Kilala ko na ang senyorito. Lahat ng mga sinasabi niya ay seryoso siya. Kung gayon ay babalik na talaga siya sa Espanya?

Nag-iwas naman ako ng tingin sa kanya. Minsan ay hindi ko na kinakaya ang mga titig sa akin ng senyorito. Napatingin na lang ako sa mga batang masayang kinakain ang emparedado na hinanda ni senyorito. Nakikikain na rin sa kanila si Hilda.

Malaki ang pinagbago ng mga bata simula nang umpisahan namin ni senyorito ang pagtuturo sa kanila na magsulat at magbasa. Ayoko namang isipin na ako ang rason ng senyorito kaya siya babalik na ng Espanya. Nang dahil lang sa problema naming dalawa ay madadamay ang mga bata. Kung magko-kolehiyo ako, malamang ay sa Cebu ako kaya wala ng magtuturo sa mga bata kung sakaling mawala na rin ang senyorito.

At kung aasa lang ako sa ipon ko, baka matagal pa ako makabalik sa kolehiyo. Kung akin namang tatanggapin ang alok ng senyorito ay tiyak na magagalit si Armando. Ang hirap.

Napabuntong-hininga na lang ako sabay tingin ulit sa senyorito. "Pag-iisipan ko ho, senyorito."

Sinubukang ngumiti ng senyorito. "Wala na akong ibang nais Esme kung hindi ang makita kang maging matagumpay na isang guro." Iyon lang ang sinabi ng senyorito at tumalikod na at naglakad pabalik sa sakahan.

Napahawak naman ako sa dibdib ko. Lagi na lang ganito ang tibok ng puso ko sa tuwing nagtatagpo o nagkakausap kami ng senyorito. Lagi na lang gumugulo ang tibok ng puso ko. Napatingin naman ako sa pigura niyang naglalakad palayo. Alam kong mabuti ang puso niya pero iba na ngayon na may pagtingin pala siya sa akin.

Napa-iling na lang ako at bumalik sa pawid. Nakikain na lang din ako ng emparedados para matikman ko naman kung ano'ng lasa ng gawa sa Espanya. Masarap naman. Iba talaga ang pagkaing gawa sa Espanya. Matapos kumain ay bumalik kami sa pag-aaral ng pagsulat at pagbasa.

Kinagabihan ay nasa bakuran kami ni Nora at nagpapa-baba ng kinain matapos naming maghapunan. Nakaupo lang kami sa papag namin at nakatingin sa mga bituin sa langit.

"Nora," Tawag ko sa kanya.

"Hmmm?" Sagot niya na nakatingin pa rin sa madilim na langit.

"Sigurado ka na ba sa pagiging madre?" Tanong ko sa kanya.

Hindi niya ako sinagot agad kaya napatingin ako sa kanya. Nakatingin pa rin siya sa langit. Napabuntong-hininga naman siya sabay tingin sa akin. "Minsan nakakatakot isipin, ate. Alam mo 'yon, iyong makukulong ka sa loob ng kumbento. Sila-sila lang ang makakasama mo. Bawal kang magka-asawa. At buong buhay mo ay sa D'yos ka lang maninilbihan. Minsan, iniisip ko kung kakayanin ko 'yon pero gusto siya ng puso ko, ate."

Napakunot-noo naman ako sa huling sinabi niya. "Gusto ng puso mo? Paano mo naman nasabi 'yan?"

Nagkibit-balikat naman siya. "Kapag magulo ang tibok ng puso ko. Iyong naghahalo ang kaba at saya sa'kin, ibig sabihin ay gusto siya ng puso ko. Kasi kapag normal lang ang tibok ng puso ko sa isang bagay, ibig sabihin ay walang kagalakan ito sa akin, ibig sabihin ay hindi ko siya gusto."

Napatahimik naman ako sa sinagot ni Nora. Ayokong isipin. Iyong magulong pagtibok ng puso ko kay senyorito ay walang ibig sabihin. Baka sa kanya lang 'yan, iba-iba naman ang mga tao.

"Basta kung saan ka masaya Nora, susuportahan ka namin. Matagal pa naman 'yan kaya mapag-iisipan mo pa ng maigi." Sagot ko naman sa kanya.

"Ikaw ba, ate? Itutuloy mo pa rin ba ang pagiging guro mo?" Tanong naman niya sa akin.

Tumango naman ako. "Kapag may pera na siguro ako, Nora."

"Akala ko ay maging haciendera na ang gusto mo, ate." Pang-aasar naman niya sa akin.

Binatukan ko naman siya. "Baliw."

Tumawa naman si Nora habang hinihimas ang ulo niyang binatukan ko. "Masyado kasi kayong malapit ni Kuya Maximo. Akala ko ay aahon na tayo sa hirap ate. Kung gan'on ay hindi na ako magma-madre."

"Gaga. Tumigil ka nga d'yan." Sita ko naman sa kanya. Hindi ko lang masabi na may nobyo na ako dahil magagalit ang inay at itay.

Matapos naming tumambay sa bakuran ay pumasok na kami ni Nora sa loob para mahiga na at matulog para sa panibagong araw.

"Esme, dalian mo!" Tawag sa akin ni Hilda na nagmamadali.

Nandito kami ngayon sa plaza sa bayan dahil pista ng San Guillermo ngayon. Maraming tao ang nagdidiwang ngayon sa simbahan ng San Guillermo kaya halos siksikan. Dumalo kami sa misa ni Hilda. At dahil sa dami ng tao kaya sumiksik lang kami sa gilid.

Nagsimula na ang misa kaya taimtim lang kaming nakikinig sa pari. Nasa kalagitnaan na kami ng misa nang may matanaw ang aking mga mata. Ang pamilya de Gracia. Inisa-isa ko silang tinignan na nakaupo sa unahan ng simbahan. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang likod ni Armando.

Kailan pa siya bumalik galing Cebu? Bakit hindi man lang niya pinaalam sa akin? Dati ay nagpapadala pa siya ng liham sa akin kapag maaga siyang makakauwi dahil magkikita muna kami bago siya umuwi diretso sa Hacienda de Gracia.

"Si Armando..." Bulalas ko.

Napatingin naman sa akin si Hilda sabay tingin sa tinitignan ko. "O, hala siya nga. Hindi ba niya nasabi sa'yo na babalik na siya?" Tanong ni Hilda sabay tingin sa akin.

Umiling naman ako. "Hindi."

Hinawakan naman ni Hilda ang kamay ko. "Baka biglaan lang Esme kaya hindi na niya nasabi sa'yo. H'wag mo munang isipin. Pag-usapan niyo na lang ulit sa tagpuan niyo."

Tumango-tango naman ako. Baka nga biglaan lang. Kasi, kahit pista ng San Guillermo, ipapaalam pa rin ni Armando sa akin kung uuwi siya ng Negros o hindi. Dahil sa mga ganitong pagdiriwang ay nakakakuha kami ng oras para makalibot kami nang magkasama dahil hindi kami mapapansin sa dami ba naman ng mga tao. Baka nga wala na siyang oras para masabihan ako sa pamamagitan ng liham.

Buong misa ay hindi na ako masyadong makatutok sa mga sinasabi ng pari. Hindi ko pa rin maiwasang hindi titigan si Armando. May agam-agam sa puso ko na may tinatago siya sa akin. Kahit ano pang isipin ko na baka nagkataon lang pero sinasabi ng puso ko na may kakaiba ngayong araw.

Iniisip ko na baka galit pa rin siya sa akin dahil sa nakita niya sa amin ni Senyorito Maximo. Pero, nagkaayos na kami bago siya bumalik sa Cebu. Susubukan ko siyang lapitan mamaya para alamin kung ano'ng nangyari sa kanya.

Matapos ang misa ay tumayo sa unahan ng altar ang ama ni Armando at humarap sa mga tao. Isa sa makapangyarihan ang de Gracia kaya kaya nilang magawa ito sa simbahan at sa harap ng mga taga-Negros.

"Magandang umaga ho, mga kababayan." Banggit niya sa harap ng mga taong dumalo sa misa kay San Guillermo. "Nakikiisa po ang pamilya namin, ang pamilya de Gracia sa pagdiriwang ng kapistahan ng San Guillermo. Naghanda po kami ng makakakain sa labas ng simbahan, pwede po kayong kumuha ng pagkain."

Nagpalakpakan naman ang mga tao na masaya dahil sa libreng pagkain. Hindi ko magawang magsaya. Nakatingin pa rin ako kay Armando. Alam kong alam niya na lagi akong dumadalo sa pista ng San Guillermo kaya alam kong alam niyang nandito ako ngayon.

"Tinatawag ko naman ang aking unico hijo na si Armando de Gracia." Tawag niya kay Armando.

Muli namang nagpalakpakan ang mga tao. Sinundan ko naman ng tingin si Armando na naglakad papunta sa tabi ng ama niya. Inakbayan pa siya ng ama niya nang magkatabi na sila sa harap ng altar.

Muli namang tumingin sa amin ang ama ni Armando. "Kasabay po ng pagdiriwang ng kapistahan ng San Guillermo, gusto ko lang pong ibalita sa inyo na ang aking unico hijo ay nakatakda ng ikasal sa kanyang nobya."

Nagbulong-bulungan naman ang mga tao sa binalita ng ama ni Armando. Napatingin naman sa akin si Hilda. Walang humpay naman ang puso ko sa pagtibok. Nobya? Ano'ng ibig sabihin niya na ikakasal na si Armando sa nobya niya e hindi naman nila alam ang relasyon namin ni Armando.

"Opo," Pagpapatuloy pa ng ama ni Armando. "Mag-iisang pamilya na ang de Gracia at Sta. Maria dahil ikakasal ang aking binata na si Armando sa unica hija ng Sta. Maria na si Jacinta Sta. Maria."

At tumulo na lang ang mga luha ko sa narinig ko.

—MidnightEscolta 😉

El VioladorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon