Tinatahak na namin ang malubak, maputik at masukal na daan papunta sa tahanan ng pamilya ni Aling Caridad. May dalang pagod itong ginagawa namin dahil ilang bahay na ang pinuntahan namin pero ibang Caridad pala ang kilala nila.

Huminto muna kami saglit sa gilid ng isang ilog para magpahinga. Nagpunas lang si senyorito ng katawan niya habang kami ni Caridad ay inaalis ang dumi sa aming mga binti. Siniko naman ako ni Hilda sabay nguso sa senyorito kaya napatingin ako sa senyorito.

"Hindi ka ba talaga natatakam sa ganyang katawan ng dayuhan?" Pangde-demonyo sa akin ni Hilda.

Napairap naman ako at tinuloy na lang ang paglilinis sa binti ko. Oo nga, maganda ang katawan ni senyorito. Pero hindi ko inasam na matikman 'yan dahil linalaan ko ang sarili ko kay Armando kapag nag-asawa na kami.

"Hilda, hindi pagkain ang senyorito. Tumigil ka d'yan." Sita ko sa kanya kaya tumawa naman siya.

Muli naman kaming nagpatuloy sa paglalakad. Patapos na ang araw pero hindi pa rin namin natatagpuan ang pamilya ni Aling Caridad. Sana itong pupuntahan namin ay ang pamilya na niya dahil nauubos na ang aking lakas.

"Aling Caridad..." Tawag ni Hilda sa mga puno. "Multuhin mo na lang kami at ituro ang daan pauwi sa inyong bahay. Kung nandito pakigalaw ng puno at ituro ang iyong bahay!"

Nababaliw na si Hilda. Hinihingal na rin ako pero buti na lang ay may dalang lalagyan ng tubig ang senyorito. Nakailang igib na rin kami sa mga bahay-bahay na napagtatanungan namin kaya mayroon pa rin kaming baon hanggang ngayon.

Medyo matarik ang inaakyatan namin kaya nauna muna si senyorito sa pag-akyat dito para alalayan kami ni Hilda. Nauna muna si Hilda na hilain niya paakyat kaya nang ako na ang tutulungan niya ay medyo nagka-ilangan kami.

Inalok niya sa akin ang kamay niya. Ito ang kamay niyang hinawak sa akin kanina nang umamin siya nang nararamdaman niya. Ano ba, Esme! Ang sabi mo ay kakalimutan mo na ang nangyari kanina pero bakit may pag-alala pa rin?

"Sige na, abutin mo na, Esme." Sambit ng senyorito kaya napatingin ako sa kanya.

Pawisan na ang mukha niya sa maghapong paglalakad namin. Maski ang buhok niya ay basa na rin ng pawis niya. Kita ko rin ang pagod sa kanyang mukha pero pursigido talaga siyang mapuntahan ang pamilya ni Aling Caridad.

Napabuntong-hininga naman ako dahil ayoko nang mag-inarte kaya hinawakan ko na ang kamay niya. Hinila niya ako paakyat sa matarik na daan kaya nagkaharap ulit kaming dalawa. Nagkatinginan kaming dalawa. Buti na lang ay mas matangkad siya sa akin kaya 'di nagtapat ang mga mukha namin. Agad kaming kumalas sa isa't isa.

Napatingin naman ako kay Hilda na pinapanood pala kami ni senyorito. Nagpigil ng ngiti si Hilda na tila kinikilig. Hindi ko pa kinu-kwento sa kanya ang ginawang pag-amin ng senyorito. Wala rin akong planong ikwento dahil alam kong tataas ang pag-asa niya na magkatuluyan kami ng senyorito.

Nagpatuloy pa kami sa paglalakad hanggang sa makita na namin ang isang maliit na kubo na nasa paanan ng bundok. Agad naming nilapitan ito na tila isang gasera lang ang nagsisilbing liwanag sa buong kubo nila.

"Magandang gabi po..." Tawag ni Hilda mula sa labas ng kubo.

May isang babae ang lumitaw mula sa likuran ng kubo. Medyo bata pa ang babae na tila kasing edad lang ng senyorito. Nagpunas muna siya ng basa niyang kamay sa suot niyang saya bago lumapit sa amin.

"Sino ho sila?" Tanong niya nang makalapit na siya sa amin.

Tinignan naman namin si Senyorito. Linabas niya ang kanyang pitaka at humarap sa babaeng lumapit sa amin. Binuksan niya ang pitaka niya at pinakita sa babae. "Kilala niyo ho ba ang babaeng nasa larawan?"

El VioladorWhere stories live. Discover now