Episode 1 - Hate at First Meet

Start from the beginning
                                    

“Sira! Nasa bahay ako ng mga Gulmatico,” umpisa ko. “Ako ang bagong housekeeper, ang pumalit kay Tita Pamila. Alam n’yo naman ang nangyari, ’di ba?” Rumehistro bigla ang lungkot sa kanilang mukha. At para pagaanin ang sitwasyon, mabilis kong binago ang usapan: “Maiba ako, ba’t nangingitim na ang ilalim ng mga mata mo, Aneeza?”

Uminat ang mga labi niya sabay sagot ng, “Ito lang naman naipon ko kanonood ng K-drama, hehe.”

Natuon ang atensyon ko kay Soichi. Inilapit niya ang bibig niya sa camera. “Puyat pa, Aneeza! Bukas-makalawa, baka bigla ka na lang tumagos sa pinto!”

Bumunghalit kami ng tawa. Hinampas-hampas pa ni Soichi ang mesa, habang si Aneeza naman ay sobrang laki ng bunganga habang nakatingala sa kisame. Kung magkakasama lang kaming tatlo ngayon, nanghahampas na ’yan sa balikat.

“Teka nga lang . . . ba’t ka tumawag?” Tumigil sila sa katatawa nang muli akong magsalita.

“Ewan ko riyan kay Soichi. Nag-join na lang din ako no’ng nag-ring ang GC. ’Lam n’yo na, baka may tsismis na naman. Aksheli, lately kasi, tsismis na ang lumalapit sa ’kin, hehe. Siyempre, I welcome them with open arms—Kimmy!”

Tumindig ako saka naglakad patungo sa ref para kumuha ng tubig.

Hindi agad sumagot si Soichi, sa halip ay inangat muna niya ang kanyang plato na punong-puno ng pagkain: lumpiang shanghai, spaghetti, pansit, at maja blanca. “Tumawag talaga ako para dito, guys. Kani-kanina lang, kumatok ang mapagbigay naming kapitbahay ’tapos binigyan niya ’ko ng pagkain. Birthday raw ng bunso niyang anak. And now . . . gagawan ko ’to ng honest review! Lezgo!”

Naibuga ko ang tubig na ininom ko. “Yawa ka, Soichi!” Gamit ang paa ko, dagli kong sinungkit ang basahan na nakatambay sa sahig para gawing pamunas.

Humagalpak naman sa katatawa si Aneeza. “Hayup ka, Soichi! Ha-ha-ha!”

Marahan akong natawa sabay gatong sa nauna kong sinabi: “Binigyan ka na nga ng libreng hapunan, gagawan mo pa ng honest review? Naneto.”

Sinimangutan niya kaming dalawa. “Walang basagan ng trip.” Una niyang itinaas ang lumpiang shanghai ’tapos kumagat siya. “Paborito ko ’to sa mga handaan, e. Ito palagi ang target ko, sa totoo lang. Luto naman ang nasa loob ’tsaka malutong din kaya 1000/10!”

“Ang daya! Sana, dinala mo na lang ’yan dito sa bahay namin!” Humalukipkip si Aneeza saka itinulak niya ang kanyang ibabang labi pasulong.

Sunod, sinaksak ni Soichi ng tinidor ang pasta at pinaikot niya ito. ’Tapos, doon na niya inangat ang tinidor saka tinikman ang spaghetti. Malikot ang mga mata niya habang ngumunguya. “Ordinaryo lang naman siya. Walang kakaiba. ’Di ako masyadong na-impress sa lasa. At saka isa pa, ako pa ang nagpatong ng mga damo-damo sa ibabaw para magmukhang aesthetic kaya 5.5/10 ang rating ko rito.”

Muli akong humalakhak. “Naneto! Damo ka riyan?”

’Pansin kong nanlaki ang mga mata ni Aneeza; para bang gaya sa cartoons na may bumbilyang lumiwanag sa itaas ng kanyang ulo. “What if pupunta ako riyan? ’Tapos, palakad-lakad ako sa harapan ng bahay ng kapitbahay n’yo?”

“Huli kong titikman ay ang pansit”—inilapit niya ito sa camera—“ng mabait naming kapitbahay. And this one”—itinuro niya ang maja blanca gamit ang hawak niyang tinidor—“mamaya ko na ’to kakainin. Kailangan pa nitong isalang sa ref.”

“Sumosobra ka na! Made-dedo ako nito sa inggit, Soichi. Ie-end ko na ’to.”

Pero ’di siya pinansin ng kaibigan namin. Tanaw naming sinubo na nito ang pansit. “Masarap naman siya. In fairness, maraming sangkap, a. Kaya lang, kaunti lang ’yong nilagay nilang atay kaya 9.67/10 na lang ang rating ko rito. And that’s that! Salamat sa panonood, guys! Bye-bye!”

Pagkatapos ng video call, pinatay ko na rin ang TV. ’Di ko na napansin, kanina pa pala ’yon nakabukas. Naisipan ko ring maligo kaya dumiretso ako sa bathroom. Hinubad ko ang lahat ng saplot ko kasi wala naman akong dalang pamalit. Wala namang ibinalita sa ’kin si Mrs. Gulmatico na uuwi sila rito ngayong buwan kaya ayos lang.

Pangalawang beses ko na ’tong gumamit ng shower at gustong-gusto ko talaga ang water pressure. ’Yong tipong habang bumabagsak sa ’kin ang tubig, parang may mga kamay na nagtatanggal sa mga libag ko sa katawan.

Hindi ako pamilyar sa mga sabon at shampoo na ginagamit nila. Parang noodles kasi ang nakasulat. Bahala na, mabango naman, e.

“Ahh—oo nga pala! Nakuwento sa ’kin ni Tita Pamila noon na may kaibigang half-Thai ang mga Gulmatico. ’Di na nakapagtataka na ganito ang ginagamit nila,” sabi ko sa sarili ko.

Nang matapos akong maligo, sumilip ako sa labas ng banyo para sungkitin ang puting tuwalya sa isang towel holder na mistulang payat na punong may maraming sanga. Pagkatapos nito, kailangan ko nang mag-report kay Mrs. Gulmatico saka didiretso na ’ko sa ospital upang dalawin at kumustahin si Tita.

Pinulupot ko ang puting towel sa ibabang bahagi ng katawan ko ’tapos naglakad na ’ko papuntang sala para magbihis. Akmang isusuot ko na ang damit ko nang mapansin kong bukas ’yong front door. Yawa! May nakapasok na magnanakaw!

Dahan-dahan akong pumanhik sa hagdan nang tuwalya lang ang nakatakip sa ’king katawan. Kailangan kong mahuli ang magnanakaw. Lagot ako nito sa may-ari ng mansyon na ’to ’pag nalaman niya ang tungkol dito at ’pag may mawala sa mga gamit nila. Siguradong masasabon ako n’on!

Pagkaraan ng ilang sandali’y bigla na lang lumukob ang kaba sa ’king sistema nang magpatay-sindi ang ilaw. May masamang-loob ngang pumasok dito! Para ako ngayong nakikipagtaguan sa isang mamamatay-tao na nakasuot ng itim na balabal at may hawak na kutsilyo. Agad akong umiling at dinispatsa ko ’yon sa ’king isipan.

Hindi pa man ako nakatatapak sa panghuling baitang ay bumalik na ulit sa normal ang lahat. ’Tapos, bigla na lang may nagsalita sa likuran ko: “Sino ka?”

Dagling nanlaki ang mga mata ko. Sa sobrang gulat ko’y nadulas ako at muntikan nang mahulog sa ibaba, ngunit may naramdaman ako sa likod ko na matigas na bagay, na siyang sumalo sa ’kin. Umangat ang presyon ng dugo ko nang mapagtanto ko kung ano ’yon. Potek! Sapatos! Baka kung ano-ano ang natapakan nito sa labas!

Karaka-raka akong umayos sa pagtayo saka tuluyang humarap sa kanya. Isang lalaki ang bumungad sa ’kin. Moreno, sakto lang ang laki ng mga mata niya, mukhang mas mataas siya kumpara sa ’kin kung pantay ang aming inaapakan, at may nahagip pa akong nunal sa kaliwang bahagi ng kanyang noo.

Masama ang tinging ipinupukol niya sa ’kin. Kung nakamamatay lang ang titig na ’yon, siguro ay pinaglalamayan na ’ko ngayon.

Bagama’t naghuhuramentado ’tong puso ko, nagawa ko pa ring magsaboy sa kanya ng kuwestiyon: “A-ano ang ginagawa mo rito? Magnanakaw ka, ’no?”

Nagtangis ang bagang niya sabay sigaw ng, “Mukha ba ’kong magnanakaw?”

Pinasadahan ko siya ng tingin. Mukhang skater ang atake ng isang ’to. Nakasuot siya ng pink na T-shirt na may nakaimprintang ulo ni Lil Peep, brown na short, at classic white chucks na pinaresan niya ng medyas na The Scream—’yong sikat na painting ni Edvard Munch. Kulang na lang ay magbitbit siya ng skateboard.

Muling dumapo ang mga mata ko sa kanyang mukha. Dahil wala akong maapuhap na angkop na salita, nagpukol na lang ako sa kanya ng matalim na tingin.

Kung nasa nobela ito, parang ito ’yong “Nagkasalubong ang mga tingin ng dalawang binata. Unti-unti nilang pinutol ang distansya sa pagitan ng kanilang mukha hanggang sa nagkalapit ang kanilang mga labi.”

Kaya lang, nasa totoong buhay kami!

Ayon kay Dubrow, ang love at first sight daw ay kapag may naramdaman kang “instant connection” sa isang tao. Parang may fireworks pa sa paligid, kung ilarawan ng iba.

Pero ang nangyari sa ’min ng lalaking ’to, kabaliktaran!

Sa halip na fireworks, tila sinabuyan siya ng gas ’tapos sinundan ng lighter, dahilan para maglagablab ang buo niyang katawan. Sa panig ko naman ay parang dumilim ang paligid; sinugod ako ng makulimlim na ulap saka may kidlat na gumuhit sa itaas ko ’tapos tumuloy sa tainga ko ang nakabibinging tambol ng kulog.

Titig pa lang, parang nagpapahiwatig na nagdedeklara siya ng digmaan laban sa ’kin.

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Where stories live. Discover now