Siningkitan ko nang tingin si Hilda. Hindi pa rin siya natigil sa pagbibigay malisya sa amin ng senyorito. "Hilda, gumagawa ka na naman ng mga kwentong pantasya sa utak mo. Hindi totoo ang kwento ng mga prinsipeng nagmahal sa mga mababang uri ng mga tao. Kaya itigil mo na 'yan."

Ngumisi naman si Hilda habang dinidilaan ang mga daliri niyang may katas ng itlog na pula at kamatis kaya nandiri ako sa kanya. "Iba talaga ang aking kutob, Esme. Aking nadarama na may isang magsasaka ang magiging haciendera."

"Pwes, hindi ako 'yon." Sagot ko naman sa kanya.

Nagpatuloy na lang kaming kumain ni Hilda dahil kailangan din naming bumalik sa sakahan. Sa sobrang lawak ng hacienda kaya hindi matapos-tapos ang mga gawain sa sakahan. At hindi talaga matapos-tapos dahil sa kakaunting bilang ng mga magsasaka.

Bandang hapon ay nakipagkita ako kay Armando sa dulo ng batis kung saan ay may lihim na daan papunta sa kabilang hacienda. Lolo ni Armando ang may-ari ng Hacienda de Gracia. Purong pinoy sila at naka-angat sa buhay dahil sa pakiki-salamuha nila sa mga kastila noon kaya nakabili sila ng kalupaan dito sa Negros. Tubong Maynila talaga ang mga de Gracia pero dito na rin sila naninirahan matapos mabili ang hacienda.

Pero, ang Hacienda DiMarco pa rin ang may pinakamalawak na hacienda at masasabing pinakamayaman na pamilya sa Negros.

"Esmeralda..."

Napalingon ako sa tumawag sa akin at kita ko si Armando na tumatakbo palapit sa akin. Tumayo ako para salubungin siya. Agad kaming nagyakap dahil ilang araw din kaming hindi nagkita.

"Kumusta?" Tanong niya sa akin matapos niyang kumalas sa pagkakayakap sa akin.

Nginitian ko naman siya. "Ayos lang ako, Armando. Marami lang gawin sa sakahan pero kaya naman. Ikaw? Kumusta ang kolehiyo sa Cebu?"

Nginitian niya rin ako sabay hawak sa pisngi ko para haplusin ito. "Tutok lang sa pag-aaral para sa ating kinabukasan pero lagi akong uwing-uwi dahil gusto na kitang masilayan, Esme."

Umaapaw talaga ang nararamdaman ko para kay Armando. Hindi ko lubos maisip na aabot kami sa ganitong pagmamahalan. Bago pa lang siya noon sa Negros, galing siya sa Maynila nang magtagpo kami sa sekundarya. Agaw-pansin talaga siya dahil iba talaga ang tingin ng mga taga-probinsya sa mga taga-Maynila. At halatang galing talaga siya sa may kayang pamilya.

Magkamag-aral kaming dalawa kaya kami nagkakilala. Pareho kaming nasa unang pangkat ng mga mag-aaral. Matalino si Armando kaya humanga ako agad sa kanya. Sa totoo lang, siya ang unang lalaking nagustuhan ko. At nang lumaon ay pareho pala kami nang nararamdaman sa isa't isa kaya niligawan niya ako. Pero dahil sa strikto ang aming mga magulang at mukhang mahihirapan kami dahil magsasaka lang ako habang apo si Armando ng isang haciendero kaya maraming balakid bago namin ilabas sa iba ang aming relasyon.

Naupo na lang kami ni Armando sa ilalim ng puno ng mangga. Dito sa Hacienda de Gracia ay mga prutas ang kanilang inaani kaya puro puno ang makikiya mo sa buong hacienda. Dito kami sa dulo ng hacienda, na kadikit ng Hacienda di Marco, laging nagkikita para tago kami sa mga tao.

"Bali-balita ngayon sa bayan ang pagdating ng anak ng DiMarco." Banggit ni Armando habang nakahilig ang aking ulo sa kanyang balikat at magkahawak ang aming mga kamay. "Ang dami kong naririnig na may dating daw ang binatang Espanyol."

Iyan na nga ang lagi kong naririnig. Kahit saan ako magpunta, bukambibig ng mga dalaga ang binatang Espanyol dahil sa kanilang pagkamangha sa taglay na ka-gwapuhan ni Maximo. Ang ibang kalalakihan naman ay inggit dahil nasasapawan sila ni Heneral Maximo.

"Naninibago lang sila dahil minsan lang sila makakita ng isang banyaga rito sa Negros." Sagot ko naman. "Agaw pansin talaga siya dahil iba ang kanyang itsura, malayo sa ating mga Pilipino."

El VioladorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon