Ilang saglit nga lang ay bumababa na ang senyorito sa hagdan. Nagtama naman ang mga tingin namin kaya nginitian niya ako. Sinubukan ko naman siyang ngitian. Tumayo na ako agad sa inuupuan ko. Nahinto naman siya sa harapan ko.

"Halika na?" Paanyaya niya sa akin.

Tumango naman ako. Nauna na siyang naglakad kaya sumunod lang ako sa kanya. Bigla naman akong nagtaka nang kumaliwa siya papunta sa kusina. "S-saan po tayo pupunta?"

Napalingon naman siya sa akin. "Ah, sa likod ng bahay."

May lihim na dahan sa likod ng bahay nila papunta sa sakahan? Tumango na lang ako kahit naguguluhan ako. Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad habang nakasunod lang ako. Dinaanan lang namin ang kusina nila kung saan ay may pinto ito papunta sa likod ng bahay nila.

Paglabas namin ay kita ko ang isang kabayo na nakatali. Linapitan niya ito at hinaplos muna ang katawan bago ako tignan. "Marahil ay nakasakay ka na ng kabayo, Esme?"

Napakurap naman ang aking mga mata. Sasakay kami ng kabayo papuntang sakahan?! Ano na lang ang iisipin ng iba kung makita nila kaming dalawa na sakay ng kabayo. At baka makarating pa ito kay Armando.

Napa-iling naman ako agad. "Ah, senyorito, maglalakad na lang po ako. Sanay po ako sa lakaran."

Akma na akong tatalikod para muling pumasok sa bahay nila pero narinig ko ang boses ni Senyorito Maximo. "Saglit lang, Esme."

Muli ko naman siyang nilingon. Naglakad siya palapit sa akin. Nakatingala lang ako sa kanya nang huminto siya sa harap ko. "Ako ang mangangabayo. Sa likuran lang kita. Hwag kang mag-alala, hindi ka mapapahamak sa akin."

"Pero---" Tututol pa sana ako nang hawakan niya ang kamay ko para hilain palapit sa kabayo.

"Ito si Igna," Pagpapakilala niya. "Noong isang araw lang siya nabili mula sa kabilang rancho. Naisip ko na maganda ring magkaroon ng mga alagang hayop dito sa hacienda. Sa tingin mo, ayos lang kaya ang magkaroon tayo ng mga alagang hayop na pwedeng pagkakitaan bukod sa sakahan?"

Nagpalipat-lipat naman ang tingin ko sa kanya at sa kabayo. "Ah, senyorito, wala po akong alam sa mga ganyang plano sa hacienda. Marapat na ang inyong mga magulang na lang ang iyong tanungin."

Napanguso naman siya sabay buntong-hininga. "Ayos lang, Esme. Salamat. Ang nais ko lang ay manatiling masigla ang hacienda para sa inyong mga magsasaka para gumanda ang inyong kita."

Napatitig na naman ako sa mapusyaw niyang mga mata. Gusto ko ng paniwalain ang sarili ko na isa siyang mabuting DiMarco, malayo sa kanyang mga magulang na mababa ang tingin sa aming mga magsasaka.

"Wala po kami sa posisyon para magmungkahi para sa hacienda." Sagot ko naman sa kanya.

Gan'on naman talaga ang kalakaran ng buhay-trabaho. Ang mga totoong naghihirap para sa isang kumpanya ay walang boses sa kumpanya. Ang mga taong nagpapalakad lamang ang pwedeng masunod kahit na ang mga trabahador nito ang siyang may alam sa kung ano ang pwedeng ayusin sa pamamalakad.

Maraming mga trabahador ang nagiging alipin ng hindi patas na trato ng mga may-ari ng kumpanya. Ngunit hindi tayo pwedeng magreklamo dahil magagalit si Donnalyn.

"Nauunawaan ko." Sagot na lang ng binatang kastila.

Tinanggal na ni senyorito ang tali ni Igna bago ako muling harapin. "Ako muna ang sasakay para maalalayan kitang sumakay."

Tumango naman ako kaya nagsimula na siyang sumakay sa ibabaw ni Igna. Tinapak muna niya ang isa niyang paa sa isang tali sa gilid ni Igna bago lumundag pasakay kay Igna. Ang tangkad niya kasing tao kaya madali lang sa kanya ang sumakay.

Nang makasakay na siya ay muli niya akong tinignan. Ini-abot naman niya sa akin ang kanyang kamay. "Itapak mo muna ang isang paa mo rito para mahila kita paakyat kay Igna."

Tumango naman ako at humawak sa kamay niya. Kailangan ko na atang sanayin na lagi kaming magkaka-daupang palad ng senyorito. Tinapak ko na ang isa kong paa sa tali kaya lumundag na rin ako pataas pero hinila na rin ako ni senyorito para tuluyang makaupo sa ibabaw ni Igna. Bale ako ang nasa unahan at si senyorito ang nasa likuran ko.

"Handa ka na, Esme?" Tanong niya sa akin.

Tumango naman ako na hindi man lang siya nililingon dahil heto na naman ako sa kabog ng aking dibdib dahil halos nakalapat ang likod ko sa katawan ng binatang kastila. Akala ko ay ayos na ang lahat nang gumapang pa sa gilid ko ang mga braso ng binata para humawak sa tali ni Igna kaya parang nakakulong ako sa kanyang mga bisig.

Marahan na niyang hinampas ng tali si Igna kaya gumalaw na ang kabayo. Medyo nagulat pa ako nang nagsimula nang maglakad si Igna. Lakad lang ang ginagawa niya, malayo sa normal nitong pagtakbo.

"Tama bang nag-aaral ka pa, Esme?" Tanong naman sa akin ni senyorito sa gitna ng paglalakbay namin sa sakahan habang sakay kay Igna.

Tumango lang ako na hindi pa rin siya nililingon. "Nasa kolehiyo na ho ako pero napahinto lang saglit dahil sa digmaan ng mga bansa. Ang mga kapatid ko lang ngayon ang tumutuloy sa pag-aaral dahil isa sa nasira ng digmaan ang kolehiyo na aking pinapasukan."

"Ano ba ang pangarap mong trabaho?" Patuloy niyang pagtatanong sa akin.

"Gusto ko pong maging guro." Sagot ko naman sa kanya. "Sobrang kulang ho kami rito ng paaralan at mga guro kaya maraming mga magulang ang pinasyang h'wag ng papag-aralin pa ang kanilang mga anak. Kaya gusto kong maging guro para maturuan ko sila kahit magbasa at magsulat lamang dahil hindi lahat sa amin dito sa probinsya ay nakakatuntong ng kolehiyo. Swerte na kung makaabot ka sa sekundarya."

Namamatay ang mga pangarap ng mga bata dahil sa walang kakayahan na makapag-aral. Kung may libreng edukasyon lang, pero tila hindi ito ang prayoridad ng mga nasa pwesto. Paano na ang sinabi ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan kung ang mismong bayan ang kumikitil sa pangarap ng mga kabataan dahil sa hindi masugpong kahirapan?

"Halos lahat ba ng bata na anak ng mga magsasaka rito ay hindi nag-aaral?" Tanong pa ni senyorito na may himig ng pag-aalala.

Tumango naman ako. "Mas pinipili na lang ng mga bata ang tumulong sa sakahan para kumita ng pera pangkain sa araw-araw."

Sa murang edad ay kay aga nilang magbanat ng buto. Imbes na mag-aral at maglaro lang sila para pasiyahin ang kamusmusan nila pero hindi sila pinapapili ng kahirapan. Dahil gutom ang nag-aabang kung hindi sila magta-trabaho agad.

Rinig ko naman ang pagbuntong-hininga ni senyorito. "Ang lungkot. Kay aga nilang naging biktima ng kahirapan. Marami pa palang dapat ayusin dito sa hacienda. H'wag kayong mag-alala, gagawa ako ng paraan."

Doon ako napalingon sa sinabi niya kaya halos magtapat ang mga mukha namin. Napababa naman ang tingin ko sa mga labi niya. Namumula ang kanyang labi. Umangat pa ang tingin ko sa ilong niya. Kay tangos ng kanyang ilong. At muli ko siyang tinignan sa kanyang mga mata.

"A-anong pong paraan?" Taka kong tanong sa kanya.

Ngumiti lang siya. "Malalaman mo sa susunod na mga araw."

—MidnightEscolta 😉

El VioladorWhere stories live. Discover now