DEAR TATAY

704 21 3
                                    

Dear Tatay,

Hello. Kamusta ka na dyan? Ayos ka lang ba? Wala na bang masakit sayo? Alam kong hindi mo na mababasa 'to kahit kailan, pero gusto ko lang sabihin dito lahat. Gusto kong ilabas lahat kasi, masakit parin.

Naalala mo ba noong bata pa ako? Gumagawa kayo ng tsinelas noon ni Nanay. Anong oras na noon pero pinipilit ko parin gumising para makita at mapanood ko kayo ni Nanay. Tandang-tanda ko pa yung sinabi mo noon,

"Di ka pa ba matutulog? Anong oras na."

"Hindi pa ako inaantok, eh." Sagit ko sayo.

"Magha-hating-gabi na. Matulog ka na."

"Mamaya na lang. Kapag naka-dalawang antok na ako." Sagot ko na ang ibig sabihin ay dalawang hikab.

Tumawa ka noon dahil after kong sabihin iyo, naghikab ako. Tapos sabi ko, "May isa pa akong antok."

Kaso hindi yata nagtagal ang sampung minuto nang maghikab ulit ako. Tapos tumingin ka sa akin at sinabing, "Matulog ka na kasi. Inaantok ka na."

"Eh, hindi pa nga. Mga sampung antok tapos matutulog na ako."

Hindi ka na sumagot noon. Pero natatandaan kong nakatulog rin ako kaagad matapos kong sabihin iyon.

Napapangiti parin ako kapag naaalala ko yung araw na yun. Kasi pilit kong nilalabanan yung antok ko nung mga gabing iyon para lang sabay-sabay tayo na matulog. Kaso, natalo ako, eh.

Ako yung bunso mo. Noong bata ako, pasaway ako. Palagi kong ginugupit ang buhok ko hanggang sa maubos na. Hanggang sa maurod na. Naalala ko rin na yung mga pinag-gupitan ko ng buhok ko, nilalagay ko sa takure, sa pinag-iinitan ng tubig ni Nanay. Tapos magugulat na lang kayo na may nakalutang na mga buhok aa tubig na ininit niyo. Takot na takot ako noon na baka pagalitan niyo ako kaya nagtago ako sa likod ng pinto. Hindi ko na naalala ang mga sumunod.

Nagupit ko rin ang daliri ko noon. Natatandaan ko pa na iniikot ko yung daliri sa damit ko para di niyo makitang may sugat ako, pero halatang-halata naman dahil tumagos sa damit yung dugo. Nagalit kayo nang nakita niyo yun. Pero ginamot niyo parin.

Noon nga, nung pupunta ka sa palengke, sabi ko, bilhan mo ako ng tela na nilalagay sa sugat tsaka betadine. Pero ang isinagot mo, "Malayo sa bituka yan."

Hindi ko nagets kaagad yan kaya napaisip ako ng matagal hanggang sa lumipas ang mga taon, nalaman ko na ang kahulugan niyan.

Dati, naaalala ko rin na nagpapabili ako sayo ng manika na malaki. Yung pumipikit yung mata. Sabi ko, gusto ko ng bagong laruan. Yung manikang malaki na pumipikit yung mata kapag hinihiga ko siya. Tapos isang umaga, umuwi ka galing palengke, may dala ka na mga paninda sa tindahan natin. Akala ko hindi mo na naman ako binili ng manikang gusto ko kaya tinanong kita.

"Nasaan na yung manika ko?" Sabi ko.

Tapos imbes na sumagot ka, may inilabas kang manika galinga sa plastic ng mga paninda. Doon pala nakalagay. Kinuha ko kaagad sayo yun at niyakap ng mahigpit. Hindi ko makakalimutan ang itsura ng manika na yun dahil maganda siya. Kulay violet ang damit niya. Kulay puti na may highlights na violet naman ang buhok niya. May sapatos pa nga, eh.

Sobrang saya ko nung araw na yun. Kasi ibinigay mo sa akin ang matagal ko nang gusto.

Naalala ko rin, palagi kong kinakanta yung mga kanta ni Jolina Magdangal. Tsaka yung kanta ni Aiza Seguerra na Pagdating ng Panahon. May mic ako noon tapos palagi akong kumakanta. May sarili akong CD ni Jolina dati na palagi ko pinapatugtog at sinasabayan ng kanta. Palagi mo rin sa akin kinukwento na kapag pinapatugtog mo yung mga kanta ni Jolina, bigla akong babangon sa higaan at sasabayan ang kanta.

DEAR TATAY [2015]Where stories live. Discover now