Kita ko namang ngumiti ang binata sa aking ama. "Hindi ho ba nakakahiya, Ginoong Ybardolaza?"

Tama, nakakahiya kaya tumanggi ka. Una, sakto lang ang pagkain namin para sa limang miyembro ng pamilya. Kung makiki-salo ka pa, anim na tayong maghahati kaya liliit ang hatian ng mga pagkain. Hindi katulad sa mansion, na kahit ilang pagkain pa ang kainin mo ay hindi ka mauubusan. Kami ay nagtitipid sa pagkain!

Pero, hindi naman nagpaawat ang aking ama at lumapit pa sa binata para hilain papasok sa aming bahay. "Wala hong hiya-hiya rito, Senyorito Maximo. Tuloy ka sa aming tahanan."

Bagsak na lang ang mga balikat ko nang tuluyan nang pumasok ang binata sa aming munting bahay. 'Di ko lubos maisip na darating ang araw na ito na may isang DiMarco ang makakapasok sa aming bahay at makaka-salo namin sa agahan. Kung ano'ng iniwas ko sa mansion ang siya namang paglapit ni Maximo sa aming bahay!

Napatingin naman ako kay Nora nang marinig ko ang hagikhik niya. "Kay gandang umaga na makasalo ang gwapong senyorito sa agahan!" Kinikilig niyang sambit sabay sunod na sa pagpasok sa bahay.

Bwisit!

Naiwan naman akong hawak lang ang walis. Napabuntong-hininga ako. Ang lawak-lawak ng hacienda ngunit laging pinagtatagpo ang landas namin ng binata. Bakit hindi na lang sila ni Hilda ang magtagpo tutal ay may paghanga ang aking kaibigan sa binatang kastila! Bakit laging ako?!

Wala na akong nagawa at sumunod na rin sa loob ng bahay. Nadatnan ko si Senyorito Maximo na nakaupo na sa aming hapag. Kita ko namang tapos na rin si Jose sa kanyang pagligo at tumutulong na sa pag-aayos ng lamesa. Ang akin namang ina at ama ay pinagsisilbihan ang binatang kastila.

"Paumanhin ho at hindi kami nakapaghanda masyado sa inyong pagdalaw, Senyorito." Banggit pa ng aking ina habang hinahain na ang nilutong sinangag sa lamesa. "Pasensiya na po't itlog lang ang ating ulam."

"Naku po, ayos lang ang pagkain na ito, Ginang Ybardolaza. Mukha hong masarap ang inyong pagkakaluto sa kanin. Kay tagal na nang huli akong makatikim ng sinangag. Masarap talaga itong ipares sa pritong itlog." Pagpuri naman ng binata na hindi ko alam kung pagpapanggap lang.

Akala ko ay tapos na kami na pananakop ng Espanyol, pero heto, may binatang Espanyol sa aming tahanan. Hindi na natuto ang mga Pilipino. Kay daling lumimot sa kasarimlam na dinulot ng pananakop ng mga Kastila.

"Kayo ho ba ay nagkakape?" Tanong naman ni itay sa binata.

Bakit ba ang giliw nila sa bisita? Pero kapag kaming mga anak, kanya-kanyang sandok ng kanin at ulam. Kanya-kanya ring timpla ng kape. Galit pa kapag nanghingi kami kesyo ang tamad namin.

Tinignan naman ako ni itay at hindi ko gusto ang tingin niyang 'yon. "Anak, pagtimplahan mo nga ang senyorito."

Ito na nga ba ang sinasabi ko. Napalingon pa sa akin ang binata at nginitian ako. Ano ang ngini-ngiti mo d'yan?! Gusto ko sana siyang tarayan pero baka batukan lang ako ng aking ama at sabihing hindi ako napalaki ng maayos. Wala na akong nagawa at nagtungo na nga lang sa kusina para pagtimplahan ang binata.

Kumuha ako ng tasa na medyo may lamat na sa gilid dahil sa kalumaan na. Sumandok din ako sa kutsarita ng kape at asukal. Binulungan ko naman sa utak ko ang kape habang hinahalo ito. Parang awa mo na, h'wag na tayong magtagpo ng landas. Ayokong mapalapit sa pamilya niyo.

Huminga ako nang malalim at naglakad papunta sa lamesa. Linapag ko ang tasa ng kape sa gilid ng plato ng binata. Tinignan naman niya ako at nginitian. "Salamat, Esme. Halika't kumain ka na rin."

Sinubukan kong ngumiti kahit ayoko sana pero nandito kasi ang mga magulang ko. "Walang ano man, ho."

Naupo na ako at nakisalo sa agahan. Ako pa tuloy ang huling naupo. Si Senyorito Maximo at itay ang magkatapat. Katabi naman ni Senyorito si Jose, na katapat naman ni Nora at kami naman ni inay sa dulo ang magkatapat.

El VioladorWhere stories live. Discover now