Pag-angat niya ng kaniyang ulo ay napansin niya ang dalawang magkasintahang nag-i-stroll din katulad nila, ang mga nasa likuran nila sa coffee shop kanina.

"Jace, sa'n ka pupunta?" sigaw ni Ximena na humahangos na sinusundan ang nagmamadaling si Jace.

Pagtingin ni Ximena sa kanilang unahan ay napagtanto na niya kung bakit nagmamadali si Jace. Hinabol niya ito at hinawakan sa braso. "J-Jace, anong gagawin mo?"

"Wag ka mag-alala, Ximena. Kakausapin ko lang sila."

But Ximena doubted that. Sa seryosong mukha na iyon ni Jace ay hindi lang ito makikipag-usap. She tagged Jace's hand again to catch his attention. "Jace, h-hindi naman natin alam kung sila nga ang nanguha. Suspetsa ko lang naman iyon."

"That's why I will talk to them. To know the truth." Hinila ni Jace ang kamay nito sa pagkakahawak ni Ximena.

"Pre, baka p'wede kayong kausapin?"

Nangunot naman ang noo ng dalawa na halatang nagtataka sa paghawak ni Jace sa balikat nung lalaki.

"Okay, ano ba iyon?" seryosong sagot na rin ng lalaki.

"Galing ba kayo sa Sky Cafe d'yan sa may entrance?"

Nagtinginan ang dalawa bago tumango ang lalaki.

"Hmm, galing din kasi kami doon. Kayo ata ang nasa likuran namin. May napansin ba kayong wallet sa likuran ko kanina?"

Pinagmasdan ni Ximena ang dalawa. Ang lalaki ay nagtataka habang ang babae naman ay nagsimula ng magseryoso na humalukipkip pa habang nakatingin sa kasama nitong lalaki.

"Wala, pre. Wala akong napansin. W-wala kaming napansin," sagot ng naka-orange na lalaki.

Inakbayan na ng lalaki ang kasintahan nito para igiya na bago umalis ngunit hindi nagpatinag ang babae.

"May problema ba, hon?" tanong ng lalaki.

Pinagtaasan lang ito ng kilay ng babae. "May problema tayo, hon," sagot nito.

"Huh? Anong problema?"

Sa halip na sumagot ay kinapkapan ng babae ang lalaki.

"Hey, hon. Ano bang ginagawa mo?" naiiritang wika ng lalaki.

"Sabi mo magbabago ka na? E, bakit nangungupit ka na naman?!" sigaw na ng babae.

Nanghihingi ng paumanhing tiningnan ng lalaki si Jace at Ximena. "S-sorry. H-hindi ata kami nagkakaintindihan ni..."

"Anong hindi nagkakaintindihan? Ilabas mo na 'yung wallet ng lalaki!"

"H-huh? Anong wallet bang sinasabi mo? T-teka nga..." Walang tigil sa kasasalag ang lalaki sa ginagawang pagkapkap ng babae.

"Ibigay mo na nga kasi!" sigaw ng babae.

"Wala nga akong ibibigay dahil wala sa akin! Ang kulit mo!" sigaw na rin nito sa kasama.

Hinila na ni Ximena si Jace na napatulala sa magkasintahang may balak pa atang magrambol sa harapan nila. Sa itsura ng lalaki, mukha naman talaga itong nagsasabi ng totoo na wala talaga. Sa tindi ng pagdama ng babae sa katawan nito at parte na p'wedeng pagsuksukan ng wallet ay wala naman itong nakapa. Baka nga hindi rin ang mga ito ang kumuha.

Bago pa makalayo sila Jace at Ximena ay marahas na nahatak ng lalaki si Jace. "Pre, hoyyy! Ikaw may kagagawan nito! Wala akong kinuha sa'yo. T-tulungan mo naman ako."

Di naman sinasadya na natumba si Jace sa puno ng rosas na medyo mababa lamang kung kaya't nasugatan ito ng mga tinik niyon.

Natauhan ang magkasintahan na dali-daling iniwan si Ximena at Jace.

Inilabas ni Ximena ang kanyang panyo at ipinunas sa braso ni Jace na nasugatan. "S-sorry."

"Wala ka namang kasalanan. Bakit ka nagso-sorry?"

Natahimik si Ximena hanggang dumating si Kayla.

"Napa'no ka?" tanong ni Kayla.

"Wala naman. Ihatid ko na kayo sa bahay, baka hinahanap na kayo ni Tito Dario. Maggagabi na."

Ibinalik naman na ni Jace ang panyo kay Ximena.

LABINLIMANG MINUTO na ang nakararaan pagkabalik nila Ximena sa bahay. Ihing-ihi na siya ngunit hindi pa rin tapos ang kaniyang ama na nasa loob pa rin ng banyo.

"Dario, mahal ko, matagal ka pa ba d'yan? Kailangan na ako sa grocery."

Hindi sumagot si Dario kaya't napailing na lang na bumalik sa sala si Amihan.

"Mommy, h-hindi na po ata normal ang paliligo ni Daddy ngayon. Mas malala pa sa thirty minutes kong paliligo. 'Wag n'yo po sabihin sa aking kanina pa siya dun sa banyo pag-alis namin." Ximena joked.

But Amihan remained serious that Ximena can't believe. Tatlong oras na ang daddy niya sa banyo na naliligo!

"Totoo, Mommy?" gulat na gulat na tanong ni Ximena.

Marahang tumango si Amihan. "Napapadalas nang ganyan ang daddy mo."

Matagal naman talaga maligo ang tatay niya ngunit ni minsan ay hindi pa ito lumampas ng isang oras sa banyo. Napapansin na rin niya na nagiging pangit na ang balat nito, mukhang magaspang na. Marahil ay dulot ng madalas nitong paghuhugas ng kamay na minsan ay may kasama pang alcohol sa buong katawan. It was like her father is afraid of germs or dirt.

Pumunta na si Amihan sa kanilang terrace at doon na lamang daw hihintayin ang ama.

Naisipan na rin ni Ximena na bumalik ng kwarto nila. Si Kayla ay umalis ng bahay at pumunta sa may kanto. May nakalimutan daw itong bilhin kanina.

Pagpasok sa kwarto ay ni-lock ni Ximena ang pintuan. Binuksan niya ang ilalim ng kaniyang cabinet at kinuha ang cloth organizer box na nasa pinakadulong bahagi niyon.

Binuksan din ni Ximena ang kaniyang sling bag na dala niya kanina at kinuha doon ang isang leather wallet. Pinag-iisipan pa niya kung ibabalik pa ba niya iyon o itatapon na lang 'pag ayaw na niya makita. Inilagay niya iyon sa loob ng box at kinuha naman ang isang black buckle belt na animo kumikinang pa sa kaniyang mga mata.

Ibinalik ni Ximena ang paningin sa wallet. First time niya manguha niyon. Nang makita niya kasi ito kanina na tanaw na tanaw niya mula sa kinauupuan ay nakaramdam na naman siya ng 'di maipaliwanag na pananabik. Pakiramdam niya pa ay kinikilig siya na animo kinukuryente. Kating-kati ang kaniyang kamay na kuhanin iyon. Mas lalo pa nga siyang kinabahan nang nabunggo siya ng lalaki na nasa likod nila sa coffee shop. Nakikipagharutan kasi ito sa kasamang babae.

Sinilip niya ang sling bag upang i-check kung may kailangan pa siyang i-deposito sa kaniyang munting taguan. Sa paghugot niya ng panyo ay nakita niya ang bahid ng dugo ni Jace. Dali-dali niyang isinarado ang box at ibinalik sa lagayan nito.

Inipit niya ang kaniyang mga tuhod at ipinatong doon ang kaniyang baba. Inihele niya ang sarili habang kinakagat-kagat ang kaniyang hintuturo. Nagu-guilty siya dahil dalawa ang naging kasalanan niya kay Jace ng araw na 'yun. She is admitting it. She took his wallet. She drove Jace to confront the lovers, who she was certain were faultless.

She felt so tense.

Hindi siya mapakali at nag-iisip siya nang susunod na gagawin. Natanaw niya muli ang black belt at hinimas iyon sa muling pagkakataon.

Hindi ako masamang tao.

Hindi ako masamang tao.

Hindi ako masamang tao.

Paulit-ulit niyang wika sa sarili habang patingkayad na lumalakad papunta sa kinaroroonan ng sabitan ng belt ng ama.

Ibinalik niya roon ang belt nito.

Unruly HandsWhere stories live. Discover now