Kabanata 1 - Edeya

Magsimula sa umpisa
                                    

Kung si Keren ay mahinahon sa tuwing pagmamasdan at nagtataglay ng napakabanayad na mga mata, ang binibini namang ito ay kakaiba kung tumingin. Wari bang may palaging kislap ng kapilyahan sa abuhin niyang mga mata. Makikita rin na mas bata ito kumpara sa kanya. Ang babae ay walang iba kundi si Laira, ang kanyang nakababatang kapatid.

"Maligayang kaarawan, mahal kong kapatid," mabilis na wika niya at niyakap si Keren mula sa likuran. Isang mabining halik ang iginawad nito sa kanyang pisngi. Napangiti na lamang siya sa paglalambing nito. Kahit paano ay nagkaroon ng gaan ang nabibigatang damdamin ng prinsesa na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Nang hindi siya nagsalita ay bumaling muli sa kanya ang kapatid. Napansin marahil nito ang kanyang pananahimik. Napatingin si Laira sa kanyang mukha sa salamin at mataman siyang pinagmasdan na animo ay binabasa ang kanyang saloobin. Bahagya itong napakunot-noo ng may napagtanto.

"Diyata't mapanglaw ang wangis ng aking libaya.* Anong dahilan at nagkakaganyan ka? Hindi yata ako sanay na nakikita kang malungkot," aniya na nasa tinig ang pag-aalala para kay Keren.

Nagkibit-balikat lamang siya bago sumagot.

"Wala ito, Laira. Huwag mo na lamang akong intindihin. Lilipas din ito." Hangga't maaari ay ayaw niyang sabihin sa kapatid ang kinikimkim na suliranin.

"Maaari ba namang hindi kita intindihin? Ayaw ko namang lalabas ka sa iyong silid na napakalungkot ng iyong anyo. Tiyak na mapapansin ka ng mga panauhin. Ayokong pag-usapan ka nila sa hindi kanais-nais na paraan. Kaya ngayon pa lang ay sabihin mo na kung ano ang gumugulo sa iyong isipan upang matulungan kita."

Humugot siya ng malalim na buntong hininga. Wala nga yatang  mapagpipilian si Keren kundi ibahagi kay Laira ang bagay na nagpapabigat sa kanyang kalooban. Hindi man halata sa hitsura ng kanyang kapatid ngunit sensitibo ito sa mga nararamdaman ng mga tao sa kanyang paligid.

"Alam mo naman marahil ang kasunduan sa pagitan ng ating amang hari at ng mga maharlika ng reyno ng Polmari," pag-uumpisa niya. Si Laira naman ay nagtungo sa katabing dulang ng kanyang kinauupuan at kampanteng naupo roon. Handa sa pakikinig.

"Sa pagsapit ko sa gulang na dalawampu't isa ay ipakakasal nila ako sa kanilang anak na prinsipe sapagkat ninanais ng dalawang panig na mas mapagtibay pa at mapalawig ang samahan ng bawat kaharian. Ngunit kahit naihanda ko na ang aking sarili ay hindi pa rin pala ganap ang pagpayag ng aking puso. Lalong-lalo na at kahit minsan ay hindi ko pa nakaharap ang prinsipe na nakatakda kong makaisang dibdib."

Saglit na dumaan ang katahimikan sa pagitan nilang magkapatid. Pinagmamasdan lamang siya ni Laira. Ang mga mata ay may nakapagkit na kuryusidad. Kumislap iyun kapagdaka.

Bahagya itong humalukipkip bago nagsalita.

"Sinasabi ng marami na si Prinsipe Ingus ay tanyag sa mga kababaihan ng buong Calliopeia. Hindi ba nakapagtataka na wala ka man lamang alam tungkol sa kanya? Ano ba ang iyong ginagawa sa mga panahong dapat ay kinikilala mo ang iyong magiging kabiyak?" Kahit na seryoso ang pananalita ni Laira ay nahihimigan pa rin ni Keren  ang panunudyo sa tinig nito.

Bahagya siyang nagkibit-balikat. Inayos niya ang pagkakalapat ng ilang bahagi ng kanyang kasuotan sa gawing dibdib.

"Ang totoo'y sinadya ko na huwag siyang kilalanin. At mukhang ganoon rin siya sa akin. Sa tingin ko ay pareho naming iniiwasan ang isa't isa. Marahil tulad ko ay hindi pa ganap ang pagpayag niyang magpakasal."

"Kung gayon ay bagay nga kayong dalawa. Pareho kayong hindi handa. At kapwa walang alam sa ugali at pagkatao ng bawat isa."

"Laira, hindi lang naman iyun ang dahilan kung bakit-"

Iwinasiwas ng kanyang kapatid ang isang kamay nito sa ere.

"Alam ko na." Bigla itong sumeryoso at tumitig sa kanya. "Tiyak na mahihirapan kang ilihim kay Prinsipe Ingus ang tungkol sa iyong pagiging tagapagbantay ng puno ng Idiyanale. Kahit batid natin na may lahing Avezia ang maharlikang angkan ng kahariang Polmari,  hindi nila dapat malaman ang kaugnayan mo sa labindalawang Edeya*. Dapat na manatiling lihim ang lahat kahit pa kay Prinsipe Ingus."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 25, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Your Voice (Ang Iyong Tinig) Book 1 ng Enchanted Tales Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon