KUNWARI HINDI NANGYARI

21 5 0
                                    

Hindi niya masasabing pinabayaan siya ng mga magulang ngunit halos walang oras ang mga ito sa kaniya. Abala ang mga ito sa pagkayod ng salaping pambayad sa renta, sa pag-aaral niya, sa pagkain nila at sa iba pang mga bagay. Hindi niya sinisisi ang mga ito, sapagkat nauunawaan niya ang sitwasyon. Mas sinisisi niya ang sarili sapagkat hindi siya nagbukas ng saloobin o nagsalita. Hindi niya nasabi ang mga katagang – nami-miss ko na kayo. Hindi siya nagyayang lumabas tuwing Sabado, upang magtungo sa resto o sa parke. Wala siyang ginawa upang mapagtibay ang kanilang relasyon.

At ang malayong damdamin sa mga magulang na walang oras— ay nagdulot ng lamat sa kanilang tahanan. Hindi siya nagpapaalam kung hindi uuwi at mananatili sa labas ng halos buong araw. Mas nagkaroon din siya ng oras sa ibang bagay, sa barkada, at sa masamang bisyo. Ngunit sadyang gusto lamang niyang makatikim ng saglit na kasayahan— kahit walang saysay o kahit hindi sila matuturing na tunay na mga kaibigan.

Sa kabataan niya'y natutong uminom. Naturuan ng mga hindi tunay na kaibigan na tumambay sa labas ng tahanan hanggang hating-gabi. At natuto nga siyang magbulakbol, magsinungaling at magnakaw ng pera sa sariling mga magulang.

Ngunit lahat ng ito'y pinagsisisihan niya. Sana nang gabing iyon ay umuwi na siya. Sana nakinig siya sa mga tawag at text ng kaniyang ina.

"Dalhin natin do'n sa kwarto...."

Isang gabi ng kaniyang pagrerebelde, lumagapak siya sa mesa dahil sa sobrang kalasingan. Ngunit nanlalabo man ang diwa, naririnig niya ang mga pag-uusap nila. Nakilala niya ang mga tinig—- ang dalawang babaeng katropa. Parehong mas matanda sa kaniya at pinagkakatiwalaan na hindi gagawa ng masama.

Hindi niya maigalaw ang buong katawan dahil sa epekto ng alak. Naramdaman na lamang niya na may mga kamay na humila sa kaniya at sinubukan siyang buhatin. Naramdaman na lamang niya nang ipasok siya sa pribadong silid at ibinagsak sa kama. Naramdaman na lamang niya ang mga kamay na nagtanggal sa kaniyang butones— sa polong suot at pati na rin sa ibaba.

Hindi na maunawaan kung anong nangyayari subalit sigurado siya sa mga nararamdaman. At hindi niya gusto ang mga nagaganap. Nagawa niyang imulat ang mga mata at nakita ang tinuring niyang kaibigan na may ginagawang kahalayan sa ibabang bahagi ng kaniyang katawan. Sinubukan niyang magpumiglas ngunit umikot ang buong paningin niya dahil sa epekto ng alak.

Kinabukasan ay nagising siyang nakahubong mag-isa sa kama. Mabilis niyang pinulot ang damit at salawal na nasa sahig saka sinuot. Walang pasabi o pamamaalam na tumakas siya sa bahay na iyon pauwi sa sariling tahanan. Wala sa sarili na nakapasok siya sa loob ng sala, pag-upo roon ay sermon agad ng kaniyang ina ang naging bungad, ngunit hindi niya pinakikinggan. O sabihin nating wala pa sa wisyo ang kaniyang utak upang intindihin ang mga salita.

Pakiwari niya'y nalulunod siya sa sunod-sunod na karanasan. Laman ng utak niya ang labis na kalituhan. Anong nangyari?

Itinago niya ang nakapandidiring karanasan. Pinilit niyang burahin ang lahat ng dungis gamit ang sabon, subalit kahit gaano katindi ang pagkuskos ay hindi natatanggal.

Ngunit ang pagtatago niya ng mga bakas ay hindi nakabuti, lalo siyang nalulunod, nababaon, napupunta sa hukay... Nakapagtataka rin na kahit napakabigat ng damdamin ay hindi siya umiyak.

At natatakot siya, subalit saan siya natatakot? Sa sarili? Sa walang -hiyang babae? Sa nangyari? Sa ano? Kapag nakakasalubong niya ang kaibigan sa pasilyo ng paaralan, umiiwas siya na parang dagang nakakita ng pusa. Marahil natatakot siyang maulit muli iyon.

Ginagambala siya ng mga pagbabanta nito, lalo pa nang sabihin nitong, "Sasabihin ko na ako ang ginalaw mo. Sa tingin mo, sino ang paniniwalaan sa ating dalawa? Babae ako, lalaki ka."

Nagtataka ang kaniyang mga magulang sa biglang pagbabago ng kaniyang kilos. Hindi na siya sumasama sa barkada at mas pinipiling magkulong sa loob ng sariling kwarto. At kahit ano pang pag-uusisa ng kaniyang ina't ama ay hindi siya makapagsalita. Hindi niya magawang magbukas ng damdamin.

Mga Tauhang Walang PangalanWhere stories live. Discover now