"Wow! Bagong buhay na ba? Isama mo naman ako riyan!"

"Hindi pwede—a-ang ibig kong sabihin ay saka na. Kapag natanggap ako at okay ay saka kita sasabihan na mag-apply na rin."

Nakarating na siya sa tabi ng kalsada kaya pinaalis na niya si Boyet. Baka makita pa nito ang susundo sa kaniya at maghinala pa ito. Iniwanan na rin siya ni Boyet dahil anito ay bibili pa ito ng pandesal.

Huminga si Conan nang malalim. Kahit mali ang gagawin niya ay nagdasal pa rin siya sa Diyos na sana ay protektahan siya at huwag hayaan na may mangyaring masama sa kaniya dahil ang gagawin niya ay para sa kaniyang mahal na lola.

Sandali lang na naghintay si Conan at isang itim na kotse ang huminto sa kaniyang harapan. Walang imik siyang sumakay sa backseat at medyo nagulat pa siya nang malaman na may katabi siya roon na malaking lalaki na nakasuot ng itim na suit. Balbas-sarado ito at ang buhok na may kahabaan ay nakatali sa likuran.

"G-good morning po sa inyo." Ang nag-aalinlangan niyang pagbati. "Ako po si Conan. Kayo po? Anong pangalan ninyo?" Inilahad pa niya ang isang kamay upang makipag-shake hands.

"Alam mo na ba ang gagawin mo?" tanong ng malaking lalaki.

Nahihiyang binawi niya ang kamay nang hindi iyon tanggapin ng lalaki. "Opo. Nasabi na sa akin ni boss ang gagawin ko," tugon niya.

"Hindi ko alam kung paano ka pinagkatiwalaan ni boss sa trabahong ito. Mukha kang lampa. Kaya huwag kang papalpak dahil ako ang makakasama mo, totoy. Kapag pumalpak ka, pati ay ay papalpak!"

"Y-yes, sir!" Mabilis at kinakabahan niyang sagot.

Grabe naman ang lalaking ito! Makapanghusga naman! Aniya sa isip.

Ngunit tama ito. Hindi siya maaaring pumalpak. Dapat ay galingan niya upang makuha niya ang malaking halaga ng pera na ibabayad sa kaniya. Malaki ang magagawa no'n upang tuluyan na silang makaalis ni Lola Marie sa kahirapan na kinasasadlakan nila ngayon. Saka pwede niya ring magamit ang naturang pera upang mas maging madali ang paghahanap niya sa kaniyang tatay.


-----ooo-----


NANINGKIT ang mga mata ni Grizelda sa galit matapos na mapanood ang lahat ng CCTV footage na sinend ni Ninong August sa email niya. Sa pamamagitan ng mga footage ay nalaman niya na ang Conan na iyon nga ang kumuha sa bracelet na ibinigay ng papa niya. Nakuha nito iyon nang hawakan siya nito sa braso. Nakakabilib ang bilis ng kamay nito dahil hindi man lang niya naramdaman ang pagkuha nito sa kaniyang bracelet. Pero ang pagkabilib niya rito ay may kasamang galit at inis!

"Tama pala talaga ang hinala ko sa kumag na 'yon! Gwapo pero hindi mapagkakatiwalaan!" Nagngingitngit na sambit ni Grizelda.

Ang totoo, wala lang sa kaniya ang manakawan. Kahit nga kunin nito ang cellphone niya o pera o kaya ay ang iba niyang alahas ay hindi na siya mag-e-effort na hanapin pa si Conan. Ibang usapan na nga lang kapag ang ninakaw ay ang isang bagay na mahalaga sa kaniya lalo na kung bigay ito ng kaniyang papa. Ang bracelet na iyon ang huling bagay na ibinigay ng papa niya sa kaniya kaya ganoon ito kaimportante.

Kinalma muna niya ang sarili saglit at saka niya tinawagan si Ninong August.

"Hello, ninong. I watched all the CCTV footages..."

"Okay. Nakumpirma mo na ba kung sino ang kumuha ng bracelet?"

"Yes, ninong! At tama nga lahat ng hinala ko. Ang walanghiyang Conan na 'yon ang kumuha sa bracelet ko. Ninong, pwede mo ba akong tulungang malaman kung saan nakatira ang lalaking iyon?"

The Mafia Boss' Only PrincessOù les histoires vivent. Découvrez maintenant