"Kilala mo ba iyon, Raquel? Baka modus iyan para maniwala ka at sa huli ay mapahamak. Talamak pa ngayon ang mga ganyang modus." Seryosong paliwanag ni James na tumingin sa hawak kong bulaklak bago tumingin sa mukha ko.

"Baka tama ka nga siguro, James. Wala naman kase akong kakilala dito at lalong wala akong kakilala na lalaki para magbigay sa akin ng bulaklak na ito." Pagsang-ayon ko sa kaniya. Siguro din ay nagkamali lang ang bata sa pagbigay sa akin ng mga bulaklak.

"Ibalik mo na 'yan sa bata—"

"Sa kaniya po talaga iyan e! Sabi pa nga ni kuya pogi na galit po siya kase may kasama po kayong lalaki, ate! Kaya po layuan mo po siya kung ayaw mong tuluyang magalit si kuya pogi!" Pagkasabi niya nun ay mabilis na tumakbo ang bata.

Naiwan akong natigilan sa mga sinabi nung bata. Agad na pumasok sa aking isip si Colosas. Siya lang naman kase ang lalaki na kilala kong may ugali na ganun. Malakas ang kutob ko na siya talaga iyon pero bakit hindi siya ang personal na magbigay nito sa akin?

Colosas, sana ikaw nga ang lalaking iyon..

"Saglit lang, James!" Sambit ko at saka nagmamadaling lumakad para hanapin si Colosas sa labas. Narinig ko naman na tinawag ako ni James pero hindi ko na siya pinansin.

Lumibot agad ang paningin dito sa labas nang makarating ako dito.  Palakad-lakad ako sa gilid at tinatanaw ang presensya niya pero nalungkot ako nang hindi ko siya makita. Tanging mga sasakyan lang and nakaparada dito sa gilid ng daan, at mga sasakyan naman na dumadaan sa gitna ng daan ang nakikita ko.

"Raquel! Nakita mo ang estrangherolalaki na sinasabi ng bata?" Umiling ako kay James nang makalapit siya sa tabi ko.

"Hindi." Mahina kong pagtugon. Nais kong umiyak na baka umalis na siya o baka nagkakamali lang ako ng hinala.

"Sabi ko sa'yo modus lang 'yon at binayaran ang bata para maniwala ka sa kwento nun." Saad ni James at bigla kong naramdaman ang pagdantay ng palad niya sa balikat ko.

Kasabay din nun ang biglang pagbusina ng isang sasakyan na kaharap lang na'min. Sa lakas ng busina ay napatili pa ako at muntik ng matumba kung hindi agad nakaalalay si James sa aking beywang.

"Ayos ka lang?" Pag-alalang tanong nito na kinatango ko naman bago ito bumitaw at saka nagmadaling pinuntahan ang umaabanteng kulay itim na kotse. Hindi ko maaninag ang tao sa loob kase tinted iyon. "Hoy! Gago ka lumabas ka diyan! Walang modo!" Galit na pinagsisipa ni James ang kotse na siyang kinabahala ko.

"James! Tama na 'yan!" Pigil kong sambit pero hindi ito nakikinig at panay ang suntok nito sa pinto ng kotse. Pero parang mas matigas pa 'yata ang pinto kaysa sa kamao ni James kase parang ngumingiwi ito.

Nakalabas na ang kotse sa parking at nasa gilid ng daan na ito at panay doon ang pagmumura ni James. Parang wala namang balak na lumabas ang driver kase hinahayaan lang nito si James sa ginawa.

Pero halos himatayin ako sa takot nung mabilis na umabante ang kotse at saka biglang napaatras at sumagitsit ang pagpreno sa mismong kinaroroonan ni James. Gahibla na lang ang distansya ng kotse mula kay James, na biglang natulala sa kinatatayuan nito.

"J-james!" Nahimasmasan ako nang marinig ang malakas na pagbusina ng kotse bago ito humarurot paalis. Agad kong dinaluhan si James na nakatulala pa din sa pwesto niya. "James!" Pagyugyog ko sa balikat niya dahilan para mapakurap ito.

"Gagong driver iyon a! Huwag lang siyang magpapakita sa akin at tiyak na wasak ang mukha nun!" Malakas na bigkas nito at saka sinusuntok-suntok ng isang kamao nito ang isang niyang kamay na para bang handang sumugod sa suntukan.

"Kumalma ka lang, James. Nakaalis na ang kotse at hindi na na'tin makikita pa. Huwag mo na din pansinin iyon at hindi maganda na magtanim ka ng galit diyan sa puso mo." Kalma kong pagpapaalala.

Tumingin siya sa akin at saka sumilay ang isang matamis na ngiti sa kaniyang labi, bago siya tumango at marahan pa niyang pinisil ang kaliwang pisngi ko.

"Nakaligtaan ko na isa ka pa lang madre dati, pasensya." Sensero ang paghingi niya ng paumanhin at ngayon ko lang napansin ang dalawang biloy niya sa magkabilang pisngi, ang lalim at ang cute tingnan.

"Okay lang. Pwede na ba tayong umuwi? Magdidilim na kase at naiwan pa doon mag-isa si Nanay Cathy." Agad naman tumango si James sa sinabi ko.

_*_*_*_*_

"Hindi ka na ba tutuloy sa loob?" Tanong ko nang makababa ako. Nakita ko naman ang pag-iling niya bago sumulyap sa bahay.

"Hindi na at pakisabi na lang kay Lola na umalis na ako— teka lang, nag-enjoy ka ba sa pamamasyal kanina?" Agad naman akong ngumiti at saka tumango sa tanong niya.

"Oo at maraming salamat dahil sinama mo 'ko. Kahit papaano ay nawala ang lungkot ko.." Mahina kong sabi na agad naman kinangiti ni James. Lumapit siya at saka mahinang pinisil ang kanang pisngi ko.

"Kung malungkot ka ay sabihin mo lang sa akin dahil pasasayahin agad kita, ha?" Marahan niyang sabi at kita ko pa ang kumikislap niyang mga mata. Nakakahalina at parang pamilyar ang mga mata niya sa akin.

"Salamat, James. Sigurado ka na talaga na hindi ka papasok para magkape man lang?" Ulit ko at nakita naman ang pag-iling niya.

"Hindi na. Sige, pumasok ka na sa loob at mahamog na dito sa labas." Ako naman ang tumango.

"Sige, mag-iingat ka sa pagdrive at pag-uwi mo." Paalala ko na kinatango niya at doon ay tumalikod na ako para pumasok sa loob ng bahay.

Nasa pinto na ako nang marinig ko ang tunog ng motor ni James dahilan para lingunin ko siya. Sakto naman ang pagkaway nito at saka umalis na.

Napahinga ako ng malalim pero bigla na lang din ang pagbilis ng tibok ng puso ko na hindi ko maintindihan kung bakit. Pakiramdam ko kase ay may nakatitig sa akin at parang ramdam ko ang galit doon.

***
© 2022 MAYAMBAY

Hunstman Series #:7- The Mafia BodyguardWhere stories live. Discover now