Nanalo ng Unang Parangal sa patimpalak na Photo Essay noong Buwan ng Waka sa loob ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Quezon City taong 2012.
"Humuhubog"
Hindi ganoon kadaling mabuhay sa mundong ating ginagalawan. Napakaraming suliranin sa ating lipunan may mga hindi nagkakaunawaan, walang pagkakaisa at pagkawala ng boses ng maamamayan. Tunay ngang napakahirap maging tao kahit na ito'y isang biyaya mula sa Maykapal subalit maaaring maging madali ang lahat. Ito ay mag-uugat sa isang bagay lang, ang napakagandang regalo ng Diyos sa tao, ang kanyang wika.
Wika ang patuloy na nagbubuklod-buklod sa bawat mamamayang Filipino. Ito ang nagsisilbing tulay tungo sa pagkakaisa at pagkakaunawaan ng mga tao sa iba't-ibang larangan, sa iba't-ibang kapaligiran at sa iba't-ibang sitwasyon. Malaki ang naitutulong nito sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa kapatid, kapwa guro, kapwa manggagawa at sa mismong Dakilang Lumikha.
Sa mas malalim na pagtingin, ang wikang Filipino ay isang simpleng "panghalo ng semento". Isa itong makina kung saan inilalagay ang semento upang maihalo ng maayos at nang magamit sa pagtatayo ng gusali. Hindi lang basta makapagpatayo bagkus ito'y nagmimithing makapagtaguyod ng isang matibay, mataas, maganda at may malakas na pundasyon na gusali. Tulad ng wika, ginagamit bilang kasangkapan na humuhubog sa pagkatao ng isang indibidwal upang siya'y maging mahusay, may matatag na paninindigan at maging matibay na mamamayan na kahit sino ay walang makakatibag. At gaya ng semento na matapos maihalo, ang taong pinatatag na wika ang susi sa pagkakaroon ng mataas na kalidad ng lipunan, magandang gobyerno at maunlad na pamayanan.
Wika pa rin ang pinakamahalagang sangkap upang maabot ang ating mga pangarap, sa madaling salita: kinakailangang matuto ka muna ng wastong pagkamit ng wika para umunlad. Tulad nga ng nabangit kanina, ang wika ay isang kasangkapan o bagay na dapat gamitin sa wasto, mabuti, at mahusay. Sapagkat kapag ito'y ginamit sa maling paraan, malaki ang posibilidad na ang gusaling pinaghirapan mong buuin at itayo kahapon ay babagsak lang sa isang kisap-mata ngayon.
