"Dahil kailangan nating agahan ang pagkain ng hapunan."

"Bakit po? Naka-before six ka bang diet, 'la?" Pang-aasar niya.

"Damuho kang bata ka! Sa tingin mo, sa edad kong ito ay magda-diet pa ako para makapag-suot ng swimsuit?!"

"Aba, lola, wala akong sinabing magsusuot ka ng swimsuit. Ikaw lang ang naka-isip niyan!" Patuloy na pang-iinis ni Conan sa matanda. Kasama na sa lambing niya ang inisin ito sa araw-araw.

"Ay, naku! Ayoko nang patulan pa ang pang-aasar mong, damuho ka! 'Eto na nga, maaga tayong kakain ng hapunan simula ngayon dahil naputulan tayo ng kuryente. Mahirap kumain kapag madilim."

"P-paanong naputulan tayo? Akala ko ba ay sa susunod na buwan pa dapat tayo puputulan?" Ang nagtatakang tanong ni Conan.

"Malay ko ba sa electric company na iyan. Basta trip yata na magputol ay magpuputol!"

May awang humaplos sa puso ni Conan. Hindi para sa sarili niya kundi para kay Lola Marie. Alam niya na mahihirapan itong matulog mamayang gabi dahil mainit. Mainitin pa naman ang matanda.

"Hayaan mo, lola. Sa susunod na araw ay babayaran natin ang utang sa kuryente para magkaroon ulit tayo ng ilaw agad. Saka promise ko sa iyo, makakaalis din tayo sa lugar na 'to. Malapit na malapit na! Magugulat ka na lang, meron na tayong malaking bahay, sasakyan at ref na punung-puno ng pagkain at mga—aray ko!" Hindi na nagawang tapusin pa ni Conan ang pagsasalita dahil binatukan siya ni Lola Marie nang malakas.

"Tumigil ka nga sa mga pinagsasabi mo, Conan! At bakit ka nagsasalita ng ganiyan? Parang sigurado ka na mangyayari ang mga bagay na lumalabas sa bibig mo. Bakit? Magnanakaw ka? Gagaya ka sa tatay mo na nagbebenta ng droga?! Hindi kita pinalaki at binuhay para maging kriminal!" Akusa ni Lola Marie.

Tumagos sa puso ni Conan ang bawat salitang binitiwan ng kaniyang lola. Naubo pa siya nang hindi niya sinasadya. Tila nagkaroon tuloy siya ng pagdadalawang-isip kung itutuloy pa niya ang "trabaho" na nakatakda niyang gawin. Alam niya na hindi iyon ikaka-proud ng Lola Marie niya at isusumpa siya nito hanggang sa kabilang buhay kapag nalaman nito na ginawa niya ang bagay na iyon.

Patawarin mo ako, Lola Marie, pero wala na kasi itong atrasan... turan niya sa sarili.

"'La, masyado kang judgemental sa akin. Sa tingin mo ba, magagawa kitang pakainin gamit ang perang galing sa illegal? Siyempre, hindi. M-may bago na kasi akong trabaho na mas malaki ang sahod."

"Naku, Conan! Siguruhin mo lang talagang totoo iyang sinasabi mo. Kapag nalaman ko na gumagawa ka ng masama kagaya ng walanghiya mong ama, kakalimutan kong apo kita!"

"Tama na nga 'yang pagbubunganga mo, 'la. Kumain na lang tayo bago dumilim!" Pagputol ni Conan sa pag-uusap nila ni Lola Marie.


-----ooo-----


BAHAGYA ang pagtagaktak ng pawis sa noo ni Conan habang nakahiga siya sa papag katabi ang kaniyang mahal na lola. Nakatulog na si Lola Marie habang pinapaypayan siya gamit ang pinunit na karton mula sa kahon na lagayan nila ng kanilang mga damit. Dahil sa wala silang kuryente ay kailangan nilang magtiis sa init. Ngunit alam niya na iyon ay pansamantala lamang. Kapag nagtagumpay siya sa kaniyang gagawing trabaho ay magpapakabit agad sila ng kuryente. Ayaw niyang nahihirapan ang kaniyang Lola Marie. Matanda na ito kaya ang nais niya ay puro ginhawa ang ma-experience nito hanggang sa kunin na ito ni Lord sa kaniya.

Ganito kaya ang buhay ko kung nandito ka, papa? Tanong ni Conan gamit ang kaniyang isip.

Ah, hindi siguro. Baka nga mas magulo ang buhay nila ni Lola Marie kung kasama pa rin nila ang kaniyang ama. Puro ilegal ang alam nitong gawin kaya malamang ay baka kasama pa sila nito na nagtatago.

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon