February 14, 2007 8:23 PM
Dear Diary,
Grabe! Ang saya pala kapag madaming nakaka-appreciate sa presensya mo ano, dear diary? Hindi naman ako naghangad na makatanggap ng mga regalo pero may mga tao pa din na lumapit para magbigay nito.
Pero bago yan, ikekwento ko muna yung mga gift ko kina Momsy at Papsi, Kring, D, Ice at sa mga magulang niya.
Kina Momsy at Papsi at sa magulang ni Israel, nagpagawa ako ng customized na tumbler para sa kanila. Oh, diba? Dapat nagagamit. Eh pare-pareho naman silang mahilig magkape, eh. It's the thought that counts naman daw. At buti naman! Natuwa sila sa regalo ko.
Kay Kring naman, dahil mahilig siya sa hair accessories, binigyan ko siya ng hair band na kulay pink, tapos may puso sa gitna. Pagkatanggap niya nun, niyakap niya ako nang mahigpit na halos hindi ako makahinga at isinuot ang regalo ko. Ang saya niya kanina!
Kay Dale naman, niregaluhan ko siya ng isang pares ng bagong medyas na magagamit niya sa paglalaro ng soccer. Hindi iyon ganun kamahal kagaya ng mga medyas niya pero ikinatuwa niya nang husto ang natanggap niya galing sa akin. Binigyan ko din pala siya ng sulat. Pero, huwag mo nang itanong, dear diary, kung anong nakasulat dun!
Hindi ko naman alam kung anong ibibigay ko kay Israel kaya napagdesisyunan kong bigyan siya ng bracelet. Pero hindi mamahalin, ha! Sinulatan ko na lang din siya. Sana hindi niya tinapon yung sulat at binasa niya man lang muna. Sabi ko lang dun na masaya akong nagiging malapit na siya sa akin. Yun lang yun!
Pero hindi ko din naman inaasahan maging sila may ibibigay sa akin! Ano bang nagawa ko at binigyan ako ng blessing ni Lord na ganitong mga tao? Ang bait ko po ba, para ibigay Niyo sila sa akin?
Kaya, dear diary, iche-cherish ko ang mga great moments with them at hindi ko sasayangin ang mga pagmamahal na binibigay nila sa akin.
It is a gift from above, indeed.
Happy Heart's Day, dear diary!
-Bei
P.s. Nag-text si Mystery kanina, kunin ko daw ang regalo niya sa pintuan ng bahay namin, at nakatanggap ako ng hair clip na butterfly. Ang ganda, sobra! Pero, paano niya nalamang dun ako nakatira?
YOU ARE READING
Dear Diary...
RandomIto ay tungkol sa isang teenager na sinusulat ang lahat ng kanyang nararamdaman sa kulay asul niyang kwaderno.
