Chapter 43 Nunca Me Dejes, Mi Amor

Start from the beginning
                                    

"Ma." Bigkas ko ng maabutan siyang nagwawalis sa labas ng bahay.

Agad niya akong sinalubong ng yakap. Hindi ko na napigilang mapahagulgol. Habang yakap-yakap ako ni mama. Para bang lahat ng sakit ay muling nabuksan. Buti na lang at hindi sumasabay ang kondisyon ni mama. Kung nagkataon, baka hindi ko na talaga kakayanin. Sinabi niyang huwag ko siya alalahanin.

Pumasok ako sa loob ng bahay at pumanhik sa kuwarto. Nagpasya akong maligo muna para makapagpalit ng damit. Naisip ko ring kumuha na rin ng ilang gamit sa pagbalik ko sa hospital para may pamalit ako.

Nang matapos akong makabihis ay kumuha ako ng ilang damit at gamit tsaka isinilid ang mga ito sa get-to-go bag. 'Yong gamit ni Angie na na-recover sa kanya ay itinago ko muna pwera sa damit niya na inilagay ko sa marumihan.

Pinilit akong kumain ni mama kahit konti lang para daw may lakas ako. Sinabihan pa nga niya akong matulog muna kahit saglit lang pero sinabi kong iidlip na lang ako sa hospital. Gusto rin niyang sumama sa hospital para dalawin si Angie ngunit hindi ako pumayag. Nagpumilit siya kaya sa huli ay kasama ko siyang bumalik ng hospital.

Nang dumating kami ni mama sa hospital ay nadatnan namin doon si Arch. Belmudes. Dinalaw daw niya si Angie at gusto rin daw niya akong makausap. Kaya naman pansamantalang lumabas muna kaming dalawa para makapag-usap.

Tungkol pala iyon sa sasakyan ni Angie at sa naging resulta ng imbestigasyon. Base daw sa nakita sa CCTV footage sa kalsada, may iniwasan daw na closed van si Angie, na bigla daw nag-overtake, mabilis daw ang patakbo kaya nawalan ng kontrol hanggang sa sumalpok ang kanyang sasakyan sa isang poste.

Sinabi rin niya sa akin na dadalhin sa casa ang sasakyan ni Angie para magawa. Naka-insured naman daw iyon kaya minimal lang ang ilalabas na pera. Kakatapos lang pala niya itong mabayaran. Haist...

Bago ako nagtungo sa kinaroonan nina mama at Lino ay tumuloy muna ako sa maliit na chapel, dito rin sa loob ng hospital para magdasal. Napaluhod ako para ipagdasal ang kaligtasan ni Angie. Kung pwede nga lang na makipagpalit ako sa kanya ng sitwasyon ay gagawin ko. Malaki ang tiwala ko sa kakayahan ng Diyos at sa mga dahilan Niya kung bakit nangyayari ang lahat ng 'to. Pero tao lang din ako, hindi ko maiwasang magtampo. Dahil kung kailan pakiramdam ko ay perpekto na halos ang lahat ay saka nagkaganito si Angie...

Ang hirap... ang hirap ng ganito na umaasa, natatakot, nangangamba... ngunit pilit akong nagpapakatatag para sa kanya.

Naupo ako sa mahabang upuang gawa sa kahoy. May mangilan-ngilan akong kasama ditong nagdadasal, marahil kagaya ko ring ipinagdarasal ang kaligtasan at paggaling ng kanilang mga mahal sa buhay na kasalukuyang narito sa hospital.

Hindi ko agad napansin ang taong naupo sa tabi ko dahil nakayuko akong tahimik na umiiyak. Naramdaman ko na lang ang pagdantay ng palad niya sa magkasiklop kong kamay. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin para makita ito.

"M-Maxine..." Lumuluhang sambit ko.

Ngumiti siya ng tipid sa akin na hindi naman umabot sa kanyang mga mata. Marahan niya akong kinabig para yakapin. Nag-iiyakan na kaming dalawa habang magkayakap. Nang mahimasmasan kami pareho ay sabay kaming kumalas sa yakap.

"Kailan pa kayo dumating?" Tanong ko habang nagpupunas ng luha sa pisngi.

"Ngayon-ngayon lang." Sagot niya.

"Si tita?" May pag-aalala kong usisa.

"Nandoon, kasama ng mama at kapatid mo." Tugon niya. "Ano bang nangyari?" May lungkot sa kanyang tinig.

Ikwinento ko sa kanya ang sinabi ni Arch. Belmudes kanina. Sinabi ko rin ang mga nangyari noong isang araw, no'ng bago mangyari ang aksidente.

"Ang tanga-tanga kasi niya minsan nakakabwisit." Sabay singhot na sabi niya.

ABKD Mahal KitaWhere stories live. Discover now