Dalawang araw pa lang buhat nang makilala ko ang heneral pero ang dami nang kaganapan sa aming dalawa. At mukhang magtatagpo pa lagi ang aming landas kung lagi siyang mamamalagi sa sakahan. Marapat lang na iwasan ko siya paa makaiwas sa anumang usapin na malilikha nito.

Napailing na lang ako at tinanggal ang panyo ng heneral na nakabenda sa aking sugat. Matapos konng matanggal ang panyo ay linublob ko ang kamay ko sa malamig na tubig ng sapa. Ang sarap ng lamig na tila gumagamot sa sugat ko. Pinanood ko pa ang dugo na humahalo sa tubig at nagpapatianod sa agos ng tubig.

Habang pinapanood ko ang agos ng tubig ay bigla namang may kamay na tumakip sa aking mga mata kaya napakapit ako rito.

"Sino 'to?!" Singhal ko sa kanya at sinubukang tanggalin ang kamay niyang nakatakip sa aking mga mata pero mas lalo lang niyang tinigasan ang kamay niya para hindi ko ito maalis sa aking mga mata.

"Isa! Sino ka ba?! Hindi ako natutuwa sa ganitong biro." Singhal kong muli sa kanya. Hindi siya nagsalita at tanging ang pagpigil lang ng kanyang pagtawa ang aking narinig. Kinapa ko pa ang kamay niya. Malaki ang kamay niya kaya imposibleng si Hilda ito.

Napabuntong-hininga naman ako. "Armando..."

Rinig ko ang halakhak niya sabay bitaw ng kamay niya sa mga mata ko. Agad naman siyang naupo sa may katabing bato na inuupuan ko. "Kumusta aking Esme?" 

Nginitian ko naman siya pero inirapan din dahil sa kalokohan na ginawa niya. "Ayos lang. Medyo may sugat lang pero wala naman 'to." Sagot ko sa kanya sabay pakita sa kanya ng daliri ko.

Agad naman niyang hinawakan ang kamay ko at inilapit ito sa mukha niya para titigan ang sugat ko. "Tsk. Ang paalala ko sa'yo na lagi kang mag-ingat sa pagtabas ng tubo. Esme, nag-aalala naman ako sa'yo nito."

Sasagot na sana ako nang makita at maramdaman ko na lang na hinipan niya ang sugat ko. Sa aming dalawa ay siya talaga ang malambing. Masaya ako sa relasyon naming dalawa kahit patago ito. Nanggaling kasi sa may kayang pamilya si Armando, habang ako naman ay bawal pa sa aking mga magulang ang pagkakaroon ng nobyo dahil nangako akong magtatapos muna sa pag-aaral.

"Malayo naman ito sa bituka saka ang liit-liit ng sugat na aking natamo, Armando." Sagot ko naman sa kanya.

Napabaling ang tingin niya sa akin na binigyan ako ng seryosong tingin. "Sa ngayon ay maliit. Paano kung sa susunod ay tuluyan mo nang maputol ang iyong daliri? Sinasabi ko sa'yo, Esme. Mag-ingat ka lagi. Kailangan ay kumpleto ang iyong mga daliri kapag tayo ay ikakasal ng dalawa." Sambit pa niya sabay ngiti at kinindatan pa ako.

Kinagat ko naman ang aking ibabang labi para magpigil ng kilig. "Magtigil ka nga, Armando. Kasal agad ang nasa isip mo e hindi pa nga nila alam ang relasyon natin."

Ngumiti naman siya sabay hawak ng isang kamay niya sa pisngi ko para haplusin ito. "Alam kong mahirap pang ilabas ang relasyon natin. Pero kapag kapwa nakapagtapos na tayo, ipapakilala kita sa aking pamilya at ako naman ay pupunta sa inyo mismo para magpakilala rin sa pamilya mo."

Nginitian ko rin si Armando at inayos ang buhok niya na nililipad ng hangin. "Hindi naman ako nagmamadali. Ang mahalaga ay alam natin kung ano ang gusto muna nating gawin sa mga buhay natin para hindi na mahirap para sa atin na sabihin sa mga pamilya natin ang tungkol sa atin."

Hinawakan pa ni Armando ang isa kong kamay sabay hatak sa akin para yakapin ako. "Hintay lang aking Esme. Darating din tayo sa tamang panahon. Mahal na mahal kita."

Gumanti rin ako nang pagkakayakap sa kanya. "Mahal din kita aking Armando."

Nag-kwentuhan pa kami saglit ni Armando bago ako tuluyang magpaalam sa kanya dahil kailangan ko pang bumalik sa tubuhan, habang siya naman ay bumalik sa kanilang tahanan na hindi na sakop ng Hacienda DiMarco. Buti na lang ay wala na si heneral kaya payapa akong nakabalik sa aking trabaho.

Matapos ang maghapong trabaho ay pumila na kami sa aming pinuno ng sakahan para makuha ang aming sahod. Nakapila kami habang isa-isa naming kukunin ang sahod namin kay pinuno. Nang matapat na ako sa kanya ay ini-abot niya sa akin ang dalawang .25 at isang .05 sentimo.

At matapos ang maghapong trabaho ay umuwi na ako sa aming bahay. Nadatnan ko naman si nanay na nagluluto na ng aming hapunan. Lumapit ako sa kanya para magmano at inabot ko na rin ang kinita ko sa pagsasaka dahil siya ang namamalengke at nagbibigay ng baon sa mga kapatid ko.

"Magandang gabi po, 'nay." Sambit ko.

"Kaawaan ka ng D'yos." Tugon pa niya at muling nagpatuloy sa pagluluto.

Inayos ko naman ang lamesa kung saan subsob ang dalawa kong kapatid sa pag-aaral gamit lamang ang gasera bilang liwanag. Napangiti ako sa kanila at ginulo ang kanilang mga buhok. "Tama na 'yan, Jose at Nora. Iligpit niyo na 'yan at kakain na tayo."

Maliit lang ang pamilya namin. Si tatay, nanay, ako na panganay, si Nora na sumunod sa akin at si Jose ang aming bunso. Maliit lang din ang aming tahanan pero sapat na sa amin. Gawa ito sa kahoy at pawid.

Habang nililigpit ni Nora at Jose ang kanilang mga libro ay ang siyang pagpasok din ni tatay sa kusina. Galing din siya sa pagsasaka at ngayon lang nakauwi. Nagmano kaming magkakaptid kay tatay. At sabay-sabay na kaming nagsalo sa hapunan.

Nang matapos ay kami naman ni Nora ang nagligpit ng pinagkainan gamit ang tubig na inipon namin mula sa poso. Sa may likurang bahagi na kami ng aming tahanan naghugas habang tanging gasera lang ang aming gamit pang-ilaw.

"Ate," Tawag sa akin ni Nora habang busy siya magbanlaw ng mga pinggan na hinugasan ko. "Ang gwapo ni Senyorito Maximiliano..."

Siningkitan ko naman siya ng tingin dahil hindi ko inaasahan ang sinabi niya. "Nora, ang bata mo pa para magkagusto. Saka, anak siya ng don at donya. Hindi tayo pwedeng lumapit sa kanya."

Kita ko namang napanguso siya. "Alam ko naman, ate. Humahanga lang ako sa kanyang ka-gwapuhan dahil ibang-iba ang itsura niya sa mga Pilipino. Bakit ate? Hindi ka ba naga-gwapuhan man lang sa kanya?"

Mabilis akong umiling dahil mas gwapo ang Armando ko kaysa sa Maximiliano na 'yon. "Naninibago ka lang dahil Espanyol siya. Pero mas maraming may itsura sa kanyang mga Pilipino."

"Sino?" Pangungulit pa ni Nora.

"Ah, basta Nora. Hindi tayo pwede sa mga kagaya ni Senyorito Maximiliano. Kagaya lang siya ni Don at Donya DiMarco. Mamatahin lang din niya tayo." Palusot ko na lang kay Nora para tumigil na siya.

Tumango na lang din siya bilang pagsang-ayon. Tinapos na namin ang paghuhugas at muling bumalik sa loob para magpunas ng aming mga katawan bago matulog.

Kinabukasan ay nagising na lang ako sa tilaok ng mga manok. Bumangon na kami kahit wala pang araw dahil ganito naman talaga ang buhay namin, matutulog ng wala ng araw at magigising ng wala pang araw.

Nagluto agad si nanay at tatay ng aming almusal. Si Jose naman ay nauna nang maligo para maghanda sa pagpasok habang kami ni Nora ay nagwalis sa bakuran. 

"Ate..." Tawag sa akin ni Nora kaya napahinto ako sa pagwawalis para tignan siya.

"Ano?" Taka kong tanong sa kanya dahil hindi siya nakatingin sa akin pero tinawag niya ako.

"Ang senyorito..." Bulalas niya.

Napakunot ang noo ko at sinundan ng tingin ang tinitignan niya. Sa hindi kalayuang parte ng malupang sakahan ay si Heneral Maximiliano na tila mabagal ng tumatakbo habang walang suot na pang-itaas. Ano'ng ginagawa niya sa ganitong oras?

Kita kong napatingin siya sa gawi namin ni Nora kaya tumungo siya sa aming magkapatid. Ngumiti siya agad nang mahinto siya sa aming harapan.

"Magandang umaga sa inyong dalawa." Bati niya sa amin.

"Magandang umaga po Kuya---este, Senyorito." Bati naman ni Nora.

Ngumiti si heneral kay Nora at hinaplos ang ulo nito bago ako tignan. Binaba muna niya ang tingin niya sa kamay ko bago ako muling tignan.

"Maayos na ang sugat mo?" Tanong niya sa akin.

Tumango lang ako. Hindi ako makatuon sa sinasabi niya dahil may sumasagabal sa aking paningin. Ang aga-aga ay si heneral agad ang bumubungad sa akin. Bakit ba siya lumalabas ng mansyon na walang suot na damit. Nakakapukaw pansin tuloy sa akin ang pawisan niyang...

...anim na pandesal sa tiyan.

—MidnightEscolta 😉

El VioladorWhere stories live. Discover now