BILING-BALIKTAD sa higaan si Thalia. Bukod sa kanina pa kumakalam ang sikmura niya ay hindi siya sanay matulog nang napakaraming kalat sa paligid niya. Noon sa mansion ay sunod lang nang sunod sa kanya ang katulong para pulutin ang kalat niya. Ngayon, inaasahan ni Genaro na ililigpit niya ito?
Tiningnan niya ang oras sa suot na relo. Pasado alas-diyes na. Isinandal niya ang katawan sa unan at iginala ang paningin sa paligid. Maya maya lamang ay inatake siya ng depresyon. Hindi niya na pigil ang luhang nagpahilam sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya'y inaapi siya ni Genaro. At wala siyang magawa kahit alam niyang wala itong karapatang tanggalan siya ng katulong na mag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan niya. Kung alam nga lang niyang ganito ang mangyayari, nagsama na lang sana siya ng isa sa mga katulong sa mansion nang pumanhik sila ng Baguio.
Na isipan niyang tawagan ang ama nang mapagtuunan ng pansin ang telepono. Hindi niya gustong bigyan pa ng alalahanin ang ama pagkatapos ng atake nito ngunit nang mga sandaling iyon ay nararamdaman niya ang pagnanais na ipaalam dito ang pang-aaping ginagawa sa kanya ang lalaking pinili nito para sa kanya.
I-dinayal niya ang linyang nakadirekta sa kuwarto nito. Hindi nag tagal at narinig niya ang boses ng ama sa kabilang linya.
"O, hija, napatawag ka?" tanong ni Don Sebastian na bahagya pang nagulat nang malamang siya ang nasa kabilang linya.
"Did I wake you up?" malungkot na tanong niya.
"No. May ilang papeles pa akong pinag-aaralan nang mag-ring ang telepono. But I'm surprised. May problema ba para tawagan mo ako sa dis-oras ng gabi?"
"Papa..." Hindi niya naituloy ang sasabihin at napahikbi. Nag-uunahang namalisbis ang luha sa magkabilang pisngi.
"Hija, what's wrong?" may pag-aalalang tanong ng matanda.
"Pa, inaapi ako ni Genaro," bulalas niya kasunod ang malakas na sigok. "Pinaalis niya ang katulong at gusto niya, ako ang mag-aasikaso rito sa bahay."
"Iyon lang ba ang ginawa niya?"
"Inaaway niya ako, Pinahihirapan. Gusto niyang ako ang mag ligpit ng mga kalat ko. 'Pa imagine, ipinagagawa niya sa akin ang gawain ng kawaksi!"
Napabuntong-hininga si Don Sebastian.
"Pa, I need a maid. Kung ayaw niyang pabalikin si Manang Meding, padalhan mo ako ng katulong bukas na bukas din!"
"Hija, dapat mong malaman na ngayon may asawa ka na ay hindi na ako puwedeng makialam sa buhay mo. Problema ninyong mag-asawa iyan kaya si Genaro ang dapat mong kausapin. Ayoko namang masabi ng aking manugang na sinasaklawan ko ang karapatan niya sa iyo bilang asawa."
"I can't believe it! Mas kinampihan n'yo pa ang manugang n'yo kaysa sa akin na sarili ninyong anak?"
"Huwag kang magalit sa akin, hija," kalmante paring sagot ni Don Sebastian. "You are his wife now, at marahil ay gusto ka lamang niya turuan kung paano maging isang mabuting maybahay."
"Maaari niyang gawin iyon ng hindi Pinaaalis ang katulong. Ang sabihin nyo, Papa, talagang gusto akong pahirapan ng Genaro na iyon dahil gusto niyang makaganti."
"No, I don't think so. Hindi nanaisin ni Genaro na pahirapan ka. Nangako siya sa akin na paliligayahin ka niya at aalagaan."
"Well, he's doing the opposite," nagmamaktol niyang sabi.
"Hija, palagay ko'y galit ka lamang ngayon kaya mo nasasabi 'yan. Call me again tommorow kung hindi pa rin nagbabago ang palagay mo sa ginagawa ni Genaro, okay?"
    Bagaman hindi tahasan ay para na ring sinabi ng matanda na walang kapupuntahan ang usapang iyon. Nasaktan si Thalia  sa hindi pagpatol ng ama sa kanyang pagsusumbong ngunit nagsawalang-kibo na lamang. Hindi rin naman niya gustong labis itong mag alala
   "Yes, I'll call you, Papa. Goodnight." Good night, hija. At isipin mo sana ang mga sinabi ko sa iyo."
  "I'll think about it," aniya kahit masama ang loob sa kinahinatnan ng paghingi niya ng sa lolo. Nadagdagan pa ang depresyon sa isiping ang kaisa-isang taong inaasahan niyang kakampi ay mas pinapanigan pa si Genaro
    Matapos ibalik ang telepono sa cradle ay muli siyang nahiga. Ang plano'y matulog na lamang. Ngunit nang hindi matiis ang gutom ay bumaba siya sa kusina at naghagilap ng pagkain. Gayon na lamang ang pagtataka niya nang makitang walang laman ang refrigerator maliban sa dalawang karton ng chocolate milk at isang pitsel ng tubig. Ang laman ng freezer ay nagyeyelong karne, hot dogs, at ice trays.
    Ngunit kung nagulat siya nang makitang walang laman ang refrigerator ay mas nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang limang tuna sardines lamang ang laman ng cabinet.
    "Yuck!" bulalas niya, sa tanang buhay ay hindi pa kumain na ang ulam ay Sardinas, straight from the can.
    "Yuck?" Bakit, ngayon ka lang ba nakakita ng sardinas?" nang uuyam ang tinig ni Genaro.
    Matalim ang sulyap na ipinukol niya sa lalaki nang lingunin ito. Talagang nananadya ang lalaki at inilalagay siya sa alanganing sitwasyon.
   "Where are the groceries?" tanong niya. "Nang kumuha ako ng pineapple chunks kahapon ay puno pa ito ng laman."
    "Ipinauwi ko nang lahat kay Manang Meding ang groceries," kaswal na sabi ni Genaro na para bang ang ginawa ay isang pagkakawanggawa.
    "Ipinauwi mo? Bakit mo ipinamimigay ang stocks dito? Kung gusto mo mag-charity, bakit hindi mo nalang siya binigyan ng pera?"
    "Pera ko ang ibinili ng groceries na iyon kaya may karapatan akong gawin ang gusto kong gawin."
    "A, gano'n?" bulalas ni Thalia, sa inis ay kinuha ang karton ng chocolate milk at binuksan. Lumapit siya sa lalaki at bago pa ito makaiwas ay mabilis na niyang naibuhos ang laman niyon sa ulo ni Genaro.
    "What the hell-!" bulalas ng lalaki na ipinilig ang ulo. Tumulo ang chocolate milk hanggang sa katawan nito.
    "O, hayaan, ipaligo mo ang tsokolate. Tutal, ikaw din naman ang bumili nito!"
   

GENAROOnde histórias criam vida. Descubra agora