"Sabi mo sa bookstore lang tayo." Nilingon niya ako at ngumisi, inilipat sa noo ko ang librong ipinanghaharang niya sa mukha niya para hindi ako masilaw mula sa araw.

"Pupunta po tayo sa space museum sa Naqui."

Umiwas ako ng tingin sa kaniya at ngumuso habang nakatingin sa kabilang-gilid ko. Hindi siya marunong tumupad sa usapan. 'Pag sinabing bookstore, bookstore lang, hindi 'yong nagpaplano siya ng kung ano-anong lakad.

"Evie." Hinawakan niya ang ulo ko at isinanday sa gilid niya. Hindi ko pa rin siya nilingon at masamang nakatingin lang sa kalsada. "Last na 'to, promise, pagkatapos uuwi na tayo."

Naglaho ang inis sa mukha ko at tumahimik muna.

Ano nga ba'ng masama sa pagpunta sa isang space museum, Evie?

Lumingon ako sa kaniya at tumango . . . hanggang ma-realize ko na sobrang lapit ng mukha ko sa kaniya. Agad akong umayos ng tayo at lumayo nang kaunti mula sa kaniya.

"Sabi ko na nga ba malakas talaga ako sa 'yo," bulong niya sa sarili na alam kong sinadya niyang iparinig sa akin.

Bukod kay Kuya ay sa kaniya at kay Brent lang ako komportable. Kaya ayaw na ayaw ko talagang absent si Brent, dahil kapag wala siya ay mag-isa lang talaga ako sa university.

Bumiyahe na kami sakay ng bus papunta sa space museum na sinasabi niya. Medyo malapit lang naman at sa tingin ko ay twenty minutes lang ang itinagal namin. Nang makarating doon ay tiningala ko ang isang malawak at may kataasang building kung saan may nakalagay na Naqui's Space.

"Nasa loob pa ang space natin." Nakasunod lang ako sa kaniya habang nakahawak siya sa palapulsuhan ko. Palinga-linga ako sa paligid, kakaunti lang ang tao. Karamihan ng nandito ay mga bata.

Nang makapasok sa pinakaloob ay agad na lumamig ang paligid. Inilibot ko rin ang paningin at nakitang sobrang lawak nito at taas.

"For two po." Tiningnan ko ang ginagawa niya at nakitang nag-aabot siya ng bayad sa babaeng nasa entrance counter ng building.

"W-wait, para sa'n 'yong two hundred?" bulong ko sa kaniya na siniguradong hindi maririnig ng babae sa harapan.

"Entrance fee," sagot niya sa akin.

Taranta kong hinila ang braso niya. "Mahal, Gabriel." Binili na nga niya ako ng libro tapos pati ba naman dito ay gagastusan niya pa. Dapat ay ang sarili niya lang ang ginagastusan niya rito, o kaya ang mga gamit sa pagta-tattoo. Hindi ako na wala namang relevance sa kaniya.

Nang tingnan ko siya ay napakalawak ng ngiti niya sa akin. Parang kumikinang-kinang din ang mga mata niya dahil sa tuwa. Kunot noo lamang ang isinalubong ko sa kaniya.

"'Yon na ba ang endearment natin?"

Hindi natanggal ang pagtataka sa mukha ko. Muli kong inisip ang sinabi ko kanina.

"Mahal, Gabriel."

Nag-init ang pisngi ko dahil sa hiya. Sa lahat ba naman ng sasabihin ko ay bakit iyon pa?

"H-hindi, 'no. A-ano. . . ." Napatingala siya dahil sa pagtawa na nagpahinto sa akin.

"Joke lang." Inubos muna niya ang tawa niya at muling nagsalita. "Ngayon na lang kita nakita. 'Tsaka may kakayanan na akong gastusan ka, bakit hindi?"

Napayuko na lang ako nang umiwas na siya ng tingin sa akin habang nakangiti. Okay lang kayang ganito kami kalapit sa isa't isa? Pa'no kung sabihin ng ibang tao na kakakilala ko pa lang sa kaniya ay ganito na niya ako itrato. Masyado bang mabilis?

Inalis ko na lang sa isipan ko ang mga iyon at sinundan siyang naglakad papunta sa loob. Binuksan niya ang isang itim na pinto para sa akin at agad kong nakita ang loob niyon.

Inihakbang ko ang mga paa ko papasok at tumingala sa madilim na kuwarto. Nakita ko ang maliliit na bituin na nasa pinakataas. Para akong nanonood ng mga bituin tuwing gabi. Nakakalat sila at parang pinapanood din ako.

Naramdaman ko ang bahagya niyang pagtulak sa likod ko at naglakad ako nang dahan-dahan. Nanggagaling ang ilaw sa loob sa pamamagitan ng mga planetang nakasabit sa harapan namin. Hindi masakit sa mata at maaari naming tingnan nang maayos ito. May ibang tao ngunit hindi ko maitago ang sayang nararamdaman.

Tumingin ako sa likuran ko at nakitang nakatingin na sa akin si Gabriel. Halos mukha lang niya ang nakikita ko, ang maganda niyang ngiti at ang laging masaya niyang mga mata. "Ang ganda, pwede ko 'tong gamitin para sa story ni Cosmos at Starr."

"May gusto akong sabihin sa 'yo."

Muling bumaba ang ngiti sa mga labi ko. Ayaw na ayaw ko 'yong mga ganitong salita. Hindi ko kasi alam kung ang kasunod ba niyon ay maganda o masama.

Aalis na ba siya? May nagawa ba 'kong masama na hindi niya nagustuhan?

Huminga ako nang malalim at hinintay ang sasabihin niya.

"Liligawan kita." 

Your UniverseWhere stories live. Discover now