Kaya iyong ibang mayaman lalong yumayaman kasi masyadong gahaman.

Tinapik niya si Boyet sa balikat. "'Yaan mo na. May karma din ang matandang iyon. Mabuti pa, mag-inom tayo. Matagal-tagal nang hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan ko, e!" yaya niya.

"Himala. Ikaw ang nayaya. Akala ko ba ay nagtitipid ka?"

"Minsan lang naman. Tara na! Bago pa magbago ang isip ko! Saka may sasabihin din ako sa iyo na malaking project!" Hinila niya sa leeg si Boyet paalis sa lugar na iyon.

Sumakay na lang sila ni Boyet ng jeep.

Hindi pa rin maalis sa isip niya si Zelda. Malakas talaga ang pakiramdam niya na isang napakagandang babae ang nagtatago sa likod ng maskara nito. Kagaya niya rin kaya ito gipit sa buhay kaya sumali ito sa ganoong kumpetisyon kahit halatang wala itong kalaban-laban?

In-imagine ni Conan ang mukha ni Zelda nang walang suot na maskara at hindi niya naiwasan ang mapangiti nang dahil sa kilig.

Bigla siyang siniko ni Boyet.

"Aray ko naman, p're!" igik ni Conan.

"Bayad natin! Wala akong barya dito. Saka, ano 'yang ngini-ngiti-ngiti mo riyan, ha? Mukha kang timang!"

"Gago!" sabi niya habang kumukuha ng barya sa coin purse na ipinamigay ng isang kandidato noong nakaraan na eleksyon. "O, 'eto. Ibayad mo na!"

Pagkaabot ni Boyet ng bayad sa driver ay binalingan siya nito. "Bakit ka nga nakangiti? Parang inlab lang, a!" tawa nito.

Umusog siya palapit kay Boyet sabay akbay. "Si Zelda kasi—naiisip ko. Parang ang ganda-ganda niya. Sayang, hindi ko siya nakilala."

"Maganda? P're, 'wag kang papabudol sa mga babaeng hindi kita ang buong mukha! Malamang mukhang ipis iyon kaya nakasuot ng maskara!"

Inalis niya ang pagkaka-akbay kay Boyet sabay batok sa kaibigan. "Gago! Hindi lahat! Basta, malakas ang pakiramdam ko—maganda si Zelda. At sana magkita pa ulit kami. Makikipagkilala na talaga ako sa kaniya!" Parang nangangarap niyang sabi.


-----ooo-----


ISANG bucket ng beer at sisig ang inorder ni Conan. Sabi niya kay Boyet, libre na niya. Ayaw niya kasing mabawasan pa ang perang meron ito dahil alam niyang may sakit ang kapatid nito. Sabi niya ay bumawi na lang ito sa susunod.

"O, ano nga pala 'yong malaking project na sinasabi mo?" Tumungga ng beer si Boyet sabay kain ng kaunting sisig.

Sinabi kasi ni Conan kay Boyet kanina na unti-untiin nila iyong sisig dahil wala na siyang budget para umorder ng isa pang pulutan.

Medyo madilim sa bar na kanilang napuntahan. Kilala iyong tambayan at inuman sa lugar nila. May bandang kumakanta sa maliit na stage kaya medyo pasigaw kung magsalita sila ni Boyet para magkarinigan silang dalawa. Disente naman ang naturang bar kahit hindi high class. Saka hindi niya kaya sa high class bar. Wala siyang budget para sa ganoon.

"'Eto na nga. Meron tayong big project na gagawin. Bale, meron tayong kikitain na tao na taong bibili ng ecstacy—"

"Ecstacy?!" Nanlaki ang mata ni Boyet.

Mabilis na tinakpan ni Conan ang bibig ni Boyet gamit ang kamay niya. "Sige! Ipagsigawan mo para may makarinig sa atin! Huwag kang maingay!" saway niya.

"Illegal 'yan, 'di ba?" tanong ni Boyet.

"Bakit? Hindi ba ilegal din ang mga ginagawa nating panloloko sa ibang tao, 'di ba?"

The Mafia Boss' Only PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon