"Anong nangyayari, mama?" Inosente niyang tanong.

"Hindi ko alam. P-pero dapat na siguro tayong—"

"Papatayin ko kayong lahaaat!!!" Mula sa kung saan ay may isang lalaki na sumigaw.

Isang nag-aamok na lalaki ang humahabol sa mga tao kaya pala nagkakagulo. May dala itong baril. Huminto ang lalaki malapit sa terminal ng jeep at napatingin ito sa mga taong nakapila.

"M-mama, takbo na tayo," sabi ni Conan. Takot na rin siya sa kaniyang nakikita.

Pero hindi makagalaw ang kaniyang ina. Natulala ito nang tumakbo papunta ang lalaki sa mga nakapila. Lahat ay nagtakbuhan na pero tanging sila lang ang hindi.

"Ikaw! Nakita mo ba ang asawa ko?! Sumama siya sa lalaki niya! Sabihin mo kung nasaan ang asawa ko!" sigaw ng lalaki sa ina ni Conan. Tinutukan pa nito ng baril ang mukha ng kaniyang ina.

Nanginig ang mama niya sa takot. Nagsimula nang umiyak si Conan nang malakas.

"H-huwag mo kaming sasaktan. M-maawa ka!" Pakiusap ng kaniyang ina.

"Sabihin mo kung nasaan ang asawa ko!"

"M-maawa ka! Maawa ka!"

"Ayaw mong sabihin talaga! Mabuti pang patayin na lang kita!"

Tumalikod ang mama niya sa lalaki. Tatakbo na sana ito pero bigla itong nadapa. Nabitawan siya nito. Napasubsob si Conan sa lupa at dumagan ang katawan ng ina niya sa kaniya. Ang kasunod niyang narinig ay ang tatlong magkakasunod na putok ng baril. At ang huling bala ay naramdaman niyang bumabon sa likod ng kaniyang ulo...


-----ooo-----


KASALUKUYAN...

Tinabig ni Conan ang kamay ng kaibigang si Boyet dahil kanina pa nito kinukutkot iyong isang parte ng likod ng ulo niya. "Ano ba, Boyet? Ginawa mo nang laruan iyang peklat ko sa ulo!" asik niya.

"Wala lang, p're. Ang sarap lang paglaruan ng peklat mo sa ulo. Medyo palubog kasi. It reminds me of something..." Mahilig talaga mag-English si Boyet kahit minsan ay mali na. Mabagal itong magsalita. Parang palaging tinatamad na inaantok. Parang palaging "high". Tapos ang laki pa ng mata nito na malamlam. Payat ang katawan nito at kulot ang buhok.

Totoo ang sinabi ni Boyet. Medyo palubog kasi ang peklat na iniwan ng bala ng baril na bumaon sa ulo niya. Nakuha niya iyon nang pinagbabaril ang nanay niya ng isang lalaki habang nakadagan ito sa ibabaw niya. Tumagos ang bala sa katawan ng ina niya at naglagos iyon sa likod ng kaniyang ulo.

Ang sabi ni Lola Marie ay natanggal na rin noon ang bala sa ulo niya. Iyon nga lang, nagkaroon siya ng palubog na peklat sa pinagbaunan no'ng bala. Pero ayos lang kasi makapal naman ang buhok niya kaya natatakpan iyon. Loko lang talaga si Boyet kasi alam nito ang tungkol sa peklat niyang iyon kaya kapag bored ito ay pinaglalaruan nito iyon.

Speaking of Boyet. Matagal na silang magkakilala. Naging magkaklase sila noong Grade 12. Tapos dahil hindi na kayang mag-college ay tumigil na rin silang dalawa. Naghanap sila ng trabaho pero dahil sa kalokohan nila ay hindi sila nagtatagal sa mga trabaho na kanilang pinasukan. Palagi silang nasisisante.

Hanggang sa nakaisip siya ng kakaibang paraan upang kumita ng pera. Na-inspire kasi siya sa isang anime noon na isang sikat na magnanakaw. At iyon na nga ang gagawin nila ni Boyet kaya sila nasa labas ng simbahan. Sunday. Maraming tao na nagsisimba at nagdadasal. Sakto para sa "raket" nila.

The Mafia Boss' Only PrincessWhere stories live. Discover now