"Ikaw, maganda ka nga pero sigurado ako, wala kang alam kung paano paligayahin ang isang kagaya ni Seb. Kailan ka lang ba dumating dito? Noong isang buwan? Kilala mo na ba si Sebastian? Alam mo ba kung ano ang gustong-gusto niya? Gusto niya ng isang babaeng mahinhin pero agresibo pagdating sa kama. Iyong magaling umibabaw—"

"Lumayas ka. Layasss!" Halos lumuwa ang mga mata niya sa galit. Hindi niya alam kung alin sa mga sinabi ni Rosette ang pumatid sa pagtitimpi niya. Ngayon nangangatog pati ang baba niya at nag-uuntugan ang mga ngipin niya.

"Alam mo, Adrienne, concerned lang din naman ako sa iyo. Ayokong ipagkamali mo ang ipinapakita sa iyo ni Seb. Kasi sa bandang huli, sa akin pa rin naman siya. Pasalamat ka nga, pumapayag akong makiamot ka. Okay lang iyon. Alam ko namang pansamantala lang kayo. Saka delayed na ang period ko. Sa ayaw mo at sa gusto, sa akin pa rin si Seb."

Bago pa niya muling naipagtabuyan si Rosette ay nagawa na nitong lumabas. At bukod sa maanghang na salita nito ay iniwanan pa siya ng isang nakakainsultong tingin.

KUYOM ni Adrienne ang mga palad na napaupo na lang. Hindi pa niya naranasang magalit nang ganoon. Pakiramdam niya, lahat ng himaymay sa katawan niya ay nangangatal. She pressed her lips tightly. At kahit na ginawa niya iyon ay naramdaman pa rin niya ang pagkibot ng mga labi.

"Ayen?" tawag sa kanya ni Manang Ising. "Ayen! Ano ang nangyari sa iyo? Bakit pulang-pula ka?"

Tanging mga mata niya ang nag-react sa paglapit nito.

"Nakita ko si Rosette. Nagmamadaling umalis. Nag-away ba kayo?"

"M-manang Ising, puwede ho bang pakikuha na lang ako ng tubig?"

Nang bigyan siya nito ng inumin, inilang lagok lang niya ang laman ng mataas na baso. "Salamat ho. Iwan ninyo na lang muna ako."

Tumango naman ang matanda at tahimik na siyang tinalikuran.

Nahimasmasan naman siya sa ginawang pag-inom. Bagaman nang tinungo niya ang silid, may bigat pa rin ang mga hakbang niya.

Hindi niya alam kung alin ang sisimulang isipin. Isang bahagi ng utak niya ang nagdidikta na huwag maniwala kay Rosette. Nag-alok sa kanya ng kasal si Seb. At halos maiyak pa nga ito sa pagtatanong sa kanya. Nakapagplano na sila. Sa isang linggo ay luluwas sila ng Maynila. Isasama rin ni Seb sina Luis at Perlita upang pormal na kausapin ang mommy niya tungkol sa relasyon nila. At kung posible rin ay gagawin nang pamanhikan ang pagkikilalang iyon.

Pero paano kung hindi naman pala iyon totoo? Iyon ang sinasabi ng isang bahagi ng utak niya. Paano kung si Rosette ang nagsasabi ng totoo? Mahigit limang taon ang pinagsamahan ng dalawa. Gaano ba kadaling itapon ang mahabang panahong iyon?

Alam mo bang araw-araw, sinasabi sa akin ni Sebastian kung gaano niya ako kamahal?

Pero bakit sa kanya, hindi pa niya narinig si Sebastian na sinabi sa kanya ang ganoon? He proposed marriage, yes, pero wala siyang natatandaang pagkakataon na lumabas sa bibig nito na mahal siya.

Gusto niyang manatiling matapang. Gusto niyang maging balanse ang pananaw niya pero sa naisip na iyon ay biglang umatake ang insecurity sa kanya. She was always telling him she loved him pero bakit nga ba ni minsan ay hindi man lang nag-'I love you, too' sa kanya si Seb?

At naisip niya uli kung bakit nang sinabi sa kanya ni Seb na break na ito at si Rosette ay parang hindi naman nito iyon ininda. At nang tanungin niya ng tungkol doon ay hindi naman siya sinagot. Sa halip ay niloko pa siya sa pagkukunwaring natuka daw ng ahas!

Napapikit siya nang mariin. Ngayon ay hindi niya magawang tawanan ang alaalang iyon. Tumuturok sa puso niya ang matinding sakit. At nang maalala pa niya ang ibang sinabi ni Rosette, lalo na kung gaano kabulgar ang salita nito sa pagsasabi ng mga namamagitan sa mga ito ay parang matuturete ang kanyang utak.

There were a lot of kisses and touching between her and Seb. May mga ilan nga ring pagkakataon na natatangay siya nang husto at kung hindi ang binata ang mismong nagkokontrol ay hindi malayong tinawid na nila ang itinakda nilang limitasyong sa kanilang mga sarili.

At hindi lang iyon, Rosette was claiming she was pregnant.

Ibang usapan na kapag mayroong inosenteng madadamay. Gusto ng puso niyang ipaglaban ang relasyon nila ni Seb pero dapat nga ba niyang gawin iyon?

Sa kalituhan at labis na sama ng loob ay hindi na niya nakuhang umiyak kahit na nga ba ang tila pinipiga na ang puso niya sa nararamdaman. And she knew she had to think. Kahit na hindi niya masukat kung gaano siya kaligaya kapag kapiling niya si Seb ay ibang usapan na ngayong nagpakita sa kanya si Rosette.

Tila libu-libong anay ang pagdududang nabubuo sa isip niya. Mahal niya si Seb, sigurado siya roon pero ano nga ba ang matibay na panghahawakan niya na mahal din siya nito? Sapat na ba iyong alok nito sa kanyang kasal gayong hindi man lang nito sinabi sa kanya ni minsan na mahal nga siya nito?

Kumilos siya at nagbihis. Hindi niya alam kung iyon ang tama niyang gawin subalit hindi naman siya makapag-isip nang matino. Sukbit niya ng carryall bag ay lumabas siyang muli ng kuwarto.

"Manang Ising, may biyahe pa ho ba papuntang Maynila?"

Kumunot ang noo sa kanya ng matanda. "Bakit?"

"Uuwi na ho ako. Iiwan ko na lang ho muna iyong kotse. Baka ipakuha ko na lang sa isang driver. Iyong iba kong gamit, pakikarga na lang sa kotse kapag may dumating na dito na inutusan ko."

"Ayen, biglaan naman yata ang desisyon mo?"

Malungkot siyang ngumiti. "Tiyak ho kasing nag-aalala na sa akin si Mommy. Hindi ko nga naalalang tawagan buhat nang dumating ako dito. Masyado kasi akong nalibang."

"Hindi mo ba hihintayin man lang si Seb? Saka sina Catherine at Santi, tiyak magugulat ang mga iyon kung bigla ka na lang aalis."

"Manang, please, huwag na kayong magtanong," pakiusap niya rito. "Sa ngayon ho ay ito ang pinakatama na dapat kong gawin."

"Siya, kung iyan na ba ang gusto mo, di wala na akong magagawa. Wala nang biyaheng deretsong Maynila sa oras na ito. Sumakay ka na lang papuntang Tuguegarao o Laoag. Doon, marami ka nang masasakyan pa-Maynila kahit na anong oras. Mag-iingat ka, hija."

Itinawag siya nito ng tricycle na maghahatid sa kanya sa highway. Pagdating doon ay ilang minuto rin siyang nagtiis na nakatayo habang nag-aabang ng masasakyan. Hindi niya gustong mag-commute pero sa palagay niya ay lalo namang hindi tama na magmaneho siya. Malamang, hindi siya makapag-concentrate nang husto sa harap ng manibela. Magulong-magulo ang isip niya. At nasasaktan din siya.

"Hija, saan ang punta mo?" tanong sa kanya ng isang may-edad nang babae. Lumabas ito mula sa bakuran na katapat ng waiting shed. May itinapon itong supot ng basura bago lumapit sa kanya.

Napatingin siya rito. Kahit naman hindi niya ito natatandaan ay napilitan siyang ngumiti. "Luluwas ho."

"Ganoon ba? Iyong biyaheng Laoag na ang abangan mo. Kadaraan lang nu'ng papuntang Tuguegarao. Matatagalan pa siguro bago dumaan ang kasunod niyon."

"Salamat ho."

"Si Aling Miling ako. Hindi mo na siguro natatandaan. Iyong napagtanungan mo rin noong bagong dating ka."

"P-pasensya na ho kung hindi ko kayo agad nakilala."

"Wala iyon."

Sinamahan pa siya ng babae na mag-abang ng bus. Masarap din namang kausap si Aling Miling kaya nagpasalamat na rin siya na lumapit ito sa kanya. Hindi niya inaasahan na aabutin nang kalahating oras ang paghihintay niya. Ito pa mismo ang pumara ng bus para sa kanya.
"Salamat ho, Aling Miling. Tutuloy na ako," paalam niya dito bago sumakay ng bus.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouWhere stories live. Discover now