Part 11

649 44 5
                                    

"OH, MY God!" bulalas ni Adrienne.

Ang sabi ni Sebastian sa kanya ay pupunta sila sa pamosong Portabaga Falls sa Sta. Praxedes. Naririnig na niya ang lugar na iyon pero ngayon pa lang siya makakapunta. Dumaan sila sa paliko-likong kalsada. At paakyat din iyon dahil nasa gilid sila ng bundok kaya naisipan pa niyang kumanta ng "The Long And Winding Road."

"Wow, Ayen, may boses ka palang itinatago. Hanapin mo si Paul McCartney. Buhayin ninyo ang Beatles."

"Nye-nye!" ngisi niya rito.

Itinodo ni Seb ang pagtapak sa accelerator upang maging malakas ang hatak ng makina sa matarik na kalsada. Nang makarating sila sa taas ay saka nito inihinto ang sasakyan.

"Ang ganda?" she said in a breathless tone. Hindi siya nakatiis at umibis siya ng sasakyan. "Ang ganda-ganda!"

"Ehem! Dito mo lang iyang makikita sa Cagayan," wika naman ni Seb na magkahalo ang pagmamalaki at paghahambog sa tinig.

Buhat sa kinatatayuan nila ay maasul na dagat ang natatanaw nila. Kagaya ng paghanga niya sa baybayin sa Patapat road, breathtaking view din ang namamalas niya ngayon. Hindi siya nakatiis at humakbang patungo sa cliff.

"Ayen, baka magkabisala ang paa mo riyan. Basag agad ang bungo mo riyan!" babala sa kanya ni Seb.

"OA ka naman. Sisilipin ko lang ang falls."

"Anong falls?" ani Seb. "Walang falls dito. Kita mong dagat at bangin ang nasa paligid mo, eh."

Umatras na siya ng hakbang dahil nakakalula nga pala ang lugar na iyon. "Akala ko'y ito na ang Portabaga?"

"Camalagauan ito. I'll tell you a local trivia. Dati, isang straight road iyong dinaanan natin. Napakatarik kaya kapag mahina ang panghatak ng sasakyan, hirap na hirap ang mga driver na marating itong itaas. Iyong mga bus driver, pinabababa pa talaga ang mga pasahero para gumaan iyong bus. So, naglalakad naman paakyat ang mga pasahero. Hingal-kabayo na sila pagdating nila dito sa itaas."

"Niloloko mo yata ako, eh?"

"No, I'm telling the truth. Nakasanayan na nila iyong ganoon. After short trekking, ito namang view na ito ang reward nila. O, di ba, ang ganda-ganda talaga? Nakakawala ng pagod."

Seryoso si Seb kaya naman napatango na lang siya. "Okay, na-convinced mo ako doon. Now, tell me, paano naman naging winding road iyan?"

"For safety measures. Pinabago na ng public works ang kalsada kasi nga dusa sa makina at driver. Kapag kasi hindi nakaya, siyempre, aatras pababa ang sasakyan. Delikado sa mga nakasunod sa kanya. At any rate, sabik pa rin ang mga tao na makarating dito sa itaas."

"Pero hindi ito ang Portabaga?"

"Ano ka ba? Hindi ka naman yata nakikinig sa tour guide mo, eh. Camalagauan nga ito. Balik na tayo sa kotse. Dadalhin na kita sa Portabaga."



MAGANDA DIN sa Portabaga. Bagaman hindi ito kasing-developed ng maraming resort sa Pilipinas ay wala namang maipipintas si Ayen. Para sa mga taong nature-lover, isang perfect destination ang Portabaga. Tila nagtayo lang roon ng cottage at pool upang mayroon ding ibang mas mapaglibangan ang bibisita roon. Pero kahit mamasyal lang sa paligid ay nakaka-relax na. Maraming wild ferns na nakakalat. May mga butterfly orchids din.

Halos solo nila ang lugar sapagkat hindi naman weekend. Umarkila si Seb ng cottage upang mapagpahingahan nila. Open cottage iyon. Yari sa anahaw na may bangko sa tatlong gilid. Sa gitna ay may mesang kawayan. Lupa ang sahig.

"Gusto mong maligo?" tanong sa kanya ni Seb.

"Ayoko. Mukhang ang lamig ng tubig." Pinagmasdan niya ang falls na nasa gawing kanan ng cottage na pinili nila.

"Maano naman. May rayuma ka ba?"

"Wala. Kaya lang madali akong masipon kapag masyadong malamig ang tubig. Maupo na lang tayo dito. Magkuwentuhan tayo."

"Okay," ani Seb at naupo sa tabi niya. "Anong topic ang pag-uusapan natin?"

"Kahit ano. Mag-isip ka ng topic. Then mag-iisip din ako."

"Alam ko na. Tell me kung hanggang kailan ang bakasyon mo dito. Saka kung bakit out of the blue ay naisipan mong magbakasyon."

"Hindi ba nasabi ko na nga kanina ang dahilan? I'd like to do some thinking. Gusto kong malaman kung ano nga ba ang purpose ko sa buhay ko. My life is boring. Gusto kong gumawa ng bagay na rewarding."

"Bakit hindi ka magtrabaho?"

"Ayaw ni Mommy. Pinag-aawayan lang namin palagi."

"Di, sumama ka sa mga sosyalang pinupuntahan niya."

Ngumiwi siya. "Hindi iyon ang buhay ko. Kahit na for a good cause pa iyong mga iyon, hindi ko maramdamang masaya ako doon."

"Mag-artista ka. Masaya ang buhay-showbiz."

Tiningnan niya ito. "Hindi ako papasa doon. Wala akong talent umarte."

"You're good in singing. Ulitin mo ngang kantahin iyong 'The Long And Winding Road'."

"Huwag mo akong bolahin. I can sing, all right but I can't do it the professional way. Wala akong stage presence. Saka hindi papayag si Mommy. Baka mabaliw iyon kapag nagkaroon ako ng negative write-up."

"Puro ka naman pala "hindi papayag si Mommy," eh. Sa kanya mo na lang din itanong kung ano ang gagawin mo sa buhay mo."

"Ano ka ba? Kaya naririto ako, eh. Mag-iisip ako. HRM graduate ako. May knowledge din ako sa resort operation. Malay mo, i-develop ko ang Sitio Pattiqui. We have a nice beach there."

"Yes. Pero hindi iyong tapat ng mga property natin. Biglang lalim ang dagat doon. Iyong mga five hundred meters from us, puwede pa. Gradual na ang lalim doon. at hindi mo na iyon property."

"Ano ka ba? Huwag mo naman akong i-discourage agad. One of those things lang naman iyon. Puwede pang magbago ang isip ko."

"Malabo ang ganyan. Mabuti pa mag-asawa ka na lang."

Nanlaki ang mga mata niya. "What? Mag-asawa na lang? As in lang? Para namang kasing-dali lang iyon ng pagpili ng bibilhing sapatos."

"Madali lang iyon sa iyo kung gugustuhin mo. Don't tell me wala kang boyfriend?"

"Wala nga. Let's say, wala pa nga."

"Hindi ka pa naka-isa man lang?"

"I don't regard them as my boyfriend. Hindi naman seryoso, eh."

"I can't believe it."

"It's true. Wala pa akong nakikitang lalaki na naiisip kong ipapakilala ko kay Mommy. But she had an eye for Marco. Anak iyon ng isang amiga niya. Inirereto sa akin."

"Meaning good shot. Nakapasa pala sa standard ng mommy mo."

"It's not the point. Kaibigan lang ang turing ko sa kanya."

"Para kang showbiz."

"Wait, kuwento mo na lang sa akin kung bakit kayo nag-break ni Rosette. Saka bakit parang hindi ka naman masyadong affected?"

"Si Kris Aquino ka yata, eh. Gusto mong pag-usapan ang life ko."

"Sige na, kunwari, showbiz ka rin."

"Okay. Ganito kasi iyon, Kris." Ngumisi sa kanya si Sebastian at saka siya tinitigan.

"Ano na?" untag niya nang hindi pa ito magsalita pagkaraan ng ilang sandali. "Bakit mukha ka nang natuka ng ahas diyan?"

"A-Ayen," he gasped. "N-natuka nga ako ng ahas."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouWhere stories live. Discover now