"Siguruhin mo lang na walang ibang babae, Sebastian!" tila nagbabanta pang wika sa kanya ni Rosette.

"Paano kung mayroon ngang iba?" Hindi niya alam kung bakit ganoon ang sinabi niya. Bigla ay naisip niyang tantiyahin kung hanggang saan ang kayang tanggapin ng babae.

Nanlisik ang mga mata ni Rosette. "Magsisisi ka, Seb. Magsisisi ka!"

Napasunod na lang siya ng tingin nang bigla siya nitong iwan. Halata ang pagdadabog nito sa tila nagmamartsang mga hakbang. At hindi maintindihan ni Seb kung dapat ba niyang ikabahala ang banta nito o magkibit na lang ng mga balikat.



EXCITED na binilisan pa ni Adrienne ang pagpapatakbo ng kotse niya nang makalagpas siya sa Claveria. Pinili niyang sa Ilocos region magdaan patungo sa Pamplona. Bagaman mas mahaba ang biyahe, alam niyang mas maganda naman ang tanawin doon.

Lalo na sa Patapat road na ayon sa daddy niya ay bahagi ng modernisasyong ipinagawa noong panahon ni Marcos upang pagdugtungin ang Ilocos Norte at Cagayan. Buhat sa kalsadang tila ibinitin sa gilid ng bundok ay dagat naman ang nasa kabila niya. She never get tired of looking that scenery. Iyon ang dahilan kaya sa halip na mag-Cagayan Valley Road siya sa parteng Bulacan at Nueva Ecija ay pinili niya ang daang iyon.

Sinulyapan niya ang digital clock sa dashboard. Mas maaga pa sa estimated time niya ang naging durasyon ng kanyang biyahe. Bukod sa mabilis niyang pagpapatakbo, isang beses lang din siya huminto upang magpagasolina at mag-CR. May baon naman siyang pagkain sa kotse. Ilang sandwiches din ang naubos niya habang nagmamaneho.

Hindi iyon aaprubahan ng kanyang mommy kung nagkataon na kasama niya ito. Iyon ang mga kilos na 'big no' pagdating kay Señora Isabel. But she wanted to live her life. Sawang-sawa na siya sa walang katapusang party na iniuutos ng kanyang ina na kailangan nilang daluhan.

Her mother was a high-class socialite. Obvious na iyon sa sirkulong ginagalawan nito. Bagama't hindi niya gustong sundan ang estilo ng buhay nito, proud din naman siya para sa ina. Iginagalang ito sa sirkulong iyon. Katunayan na ang walang patid na imbitasyong tinatanggap nito para sa kung saan-saang charity ball at social gatherings. Palagi rin itong laman ng society pages. At kahit kailan, hindi ito nagkaroon ng negative write-up.

She could live her mother's life kung gugustuhin niya. Pero wala roon ang interes niya. Actually, hanggang sa ngayon ay hindi pa nagma-materialize ang interest niya. She was an HRM graduate buhat sa pinaka-prestihiyosong pamantasan sa ibang bansa pero pagka-graduate niya, nanatili lang siya sa bahay. Hindi siya pinayagan ng ina na magtrabaho. Hindi raw nito matatanggap na makita siya na mismong anak nito na isa sa staff ng hotel na pinagdadausan ng party na dinadaluhan nito.

For three years buhat nang maka-graduate siya, alam niyang walang nangyayari sa buhay niya. Noong una ay gusto rin niya ang gustong mangyari ng kanyang ina. Masarap din naman ang walang iniintindi sa buhay. Hindi niya kailangang magtrabaho and yet, mabubuhay pa rin siya taglay ang luhong nakasanayan niya. But lately, natanto niyang sinasayang niya ang buhay niya. Lumilipas ang mga araw na walang nangyayari sa kanya maliban ang abangan ang latest collection ng mga fashion czars.

Kaya naisipan niyang magbakasyon. Bukod sa nami-miss niya ang ilang naging kaibigan niya sa Cagayan, naniniwala siyang matatagpuan niya ang purpose niya sa buhay sa pagbabakasyon niyang iyon.

Kaya nga hindi siya pumayag sa kagustuhan ng mommy niya na magbakasyon sila sa abroad. Wala naman silang gagawin doon kundi ang makipagsosyalan din sa mga kaibigan nito—at mag-shopping.

What she needed now was some soul-searching and recollection. At walang pinaka-ideyal na lugar para magawa niya ang nais niya kung hindi ang puntahan niya ang beach house nila sa Pamplona. Mayroon din namang ancestral home ang kanyang daddy sa kabayanan ng Pamplona subalit mas gusto niya sa Allasitan. Sa barangay na iyon ng Pamplona matatagpuan ang seaside. Isang malawak na property ang pag-ari ng kanyang papa doon sa mismong Sitio Pattiqui.

Napakunot ang noo niya nang makita ang tila pagsasalimbayan ng mga tao sa pagliko niya sa kanto patungong Sitio Pattiqui. Masikip ang daan doon palibhasa ay hindi naman iyon gaanong pasukin ng mga sasakyan. Pero sa pagkakataong iyon, hindi niya matiyak kung naligaw siya ng kantong nilikuan sapagkat mabigat ang traffic sa kalyeng iyon.

Tila walang patid ang hilera ng mga nakatigil na sasakyan. At naglisaw rin ang mga tao na kontodo-bihis.

Pinili niyang magtanong upang makatiyak na hindi siya naliligaw. "Manang, ito ho ang Sitio Pattiqui, di ba?"

"Wen! Bisita ka rin ba? Sundan mo lang iyang hilera ng nakaparadang sasakyan. Makakarating ka na sa kasalan. Hindi ka na umabot sa seremonya pero hanggang mamaya pa ang handaan."

"Kasalan?" nagtatakang tanong niya. "Saan ho ang kasalan? Sino ho ang ikinasal?"

Kumunot ang noo sa kanya ng babae. Sa wari ay mas nagtaka pa ito kaysa sa kanya. "Hindi ka papunta sa kasalan? Saan ka papunta?"

"Si Manang Ising ho ang pakay ko." Sinabi niya ang pangalan ng katiwala ng kanilang beach house. Alam niyang ang matandang babae ang nagmamantina niyon kahit na matagal na siyang hindi umuuwi. Dalawang beses sa isang taon, lumuluwas iyon upang makipag-ugnayan sa kanila.

"Ano ang kailangan mo kay Ising? Baka hindi mo iyon makausap ngayon. Abala iyon sa pagtulong sa handaan. Pati nga iyong solar ng amo niya ay ginamit na rin sa kasalan."

"Ho?" gulat na wika niya pero hindi ipinahalata ang umahong iritasyon. Property nila iyon, bakit ipinagamit ng katiwala nila nang hindi man lang sila sinasabihan?

"Siya, sa katabing lupa lang naman ang kasalan. Basta tuntunin mo lang iyang pila ng mga kotse. Hindi ka maliligaw. Teka, sino ka ba?"

"Si Ayen ho. Ayen Vargas."

"Vargas? Iyong anak ng nasirang Leo?" Lalong naging interesante ang mukha ng babae.

"Oho."

"Sus! Ka-ganda mo lalo ngayon, hija. Ako si Miling. Iyong biyuda ng dating kapitan dito. Kaibigan din ng ama mo ang namayapa kong asawa. Matutuwa tiyak si Ising kapag nakita ka. Pagpasensyahan mo na lang kung hindi kasing-tahimik ng dati itong lugar na ito. Alam mo naman, bihirang mangyari na dito magdaos ng en grandeng pagtitipon."

Ngumiti siya. "Sige ho. Salamat ho."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouKde žijí příběhy. Začni objevovat