Inisa isa ko ng tingin ang mga kasamahan ko. Hindi lahat ng nakangiti ay mabait, hindi rin lahat ng ilang ay ang salarin. Bunso ako at minulat ako sa mundo ng kriminalidad sa murang edad. Hindi ko masasabing eksperto na ako sa pagbabasa ng tao pero kahit papaano ay alam ko kung paano hindi magbigay ng tiwala basta basta.

"Ma'am?"

Agad akong napalingon nang may tumawag sa akin. Maputing balat, itim na itim na buhok at nagtatanong na mga mata. Una kong napansin ay kung gaano ka-perpekto ang suot niyang itim na polo at maluwag na pantalon, tugma sa panahon pero hindi rin mahirap na masabi na hindi siya Filipino.

Koreano? O Hapon? Hindi... Mukhang Koreano dahil sa style ng buhok.

"Yes?" sagot ko, hindi sigurado kung nakakaintindi siya ng Tagalog.

Isang nakakasilaw na ngiti ang ginawad niya sa akin. Doon ko lang napansin ang maliit na kwadernong hawak niya. Tantya ko rin sa edad na mas matanda siya sa akin ng isa o dalawang taon.

"It's okay! Nakakaintindi ako ng Tagalog," panimula niya sabay lahad sa akin ng kamay. Tinitigan ko lamang iyon habang hawak hawak pa rin ang baril sa aking dibdib.

"Sung-Min, I'm a novel writer. Sinamahan ko girlfriend ko dito dahil isa siya sa mga organizer. I'm currently writing something related to your field. May ilang tanong lang akong gustong itanong sa iyo... Iyon ay kung ayos lang at hindi ako nakakaabala?"



2018

GANOON na lamang kalakas ang tibok ng puso ko nang bumalik ang kamalayan ko.

Unang bumungad sa akin ang magkahalong puti and pulang kisame na kupas na ang kulay. Doon ko lang naalala na nakatulog ako habang malalim na nag-iisip ng gagamiting kulay para sa memoir na commission ni Ryg.

Nasa art studio ako ni Ji-Eun. Sarado talaga ito ngayon, nag request lang ako na gamitin kaya solo ko ang buong lugar. Hindi ko naman kasi pwedeng gawin sa bahay ang memoir dahil una sa lahat, hindi kumpleto gamit ko roon at pangalawa, walang malawak na space.

Tamad na tamad kong inahon ang sarili ko mula sa pagka-kahiga sa sahig. Napagilid pa ako ng labi habang nakatingin sa blankong canvas at unti-unting nairita dahil wala pa rin akong maisip na maiguguhit.

Ah, hindi. Hindi ako iritable dahil wala akong maisip, iritable ako dahil sa dami kong naiisip ay hindi ko alam ang gagamitin ko. Kung itong ideya na ito ba ang iguguhit ko ay magiging sapat ba? Kung ito naman ay magka-kasya ba? Kailangan ko ring tantyahin.

Bumaba ang tingin ko sa journal na binigay sa akin ni Ryg. Apat na beses ko na itong binasa at dama ko sa bawat salita ang bigat na pinagdaanan ng taong nagsulat nito.

Iba talaga kapag personal ang isang sulat. Muli kong nilandas ang hintuturo ko sa kahabaan ng kobre ng journal at binuksan. Mula sa uri ng papel, ganda ng pagkakasulat, hanggang sa emosyon ng nakalimbag ay sinubukan kong gumawa ng isang imahe. 

Nagsimula sa isang napakalamig na lugar... May buhangin, may dagat, may hindi perpektong pamilya. Sa sobrang hindi pagiging perpekto nito ay nasira, pero naging malaya ang may akda. Samu't saring kamay na ang hinawakan niya, pero isang pares lamang ang hindi niya malilimutan.

Ginawa niya ang lahat para maging ligtas ang may ari ng pares ng kamay na iyon, pero nabigo siya. Doon niya lang kasi napagtanto na hindi rin siya ganoon kalakas pag-dating sa lamig, kailangan niya rin ng kalinga at seguridad.

At dumating nga ang pansamantalang init sa buhay niya. Hindi nakakapaso, hindi nakakasakal, hindi nakakasulasok. Naging natural ang araw araw, normal hanggang sa nagbunga.

When the Ink Dries (Zodiac Predators Series #3)Where stories live. Discover now