Part 11 - Walkman

94 6 0
                                    

Kanina pa pinagmamasdan nina Aling Salvacion at Mang Antonio si Lenlen. Bagama't tutok ang dalagita sa inaaral na libro ay kapansin-pansin ang pagkatamlay nito.

"Ano'ng nangyayari sa anak nating 'yun?" usisa ni Salvacion habang nagkakayod ng biniyak na niyog.

Nilingon ni Mang Antonio ang asawa. "Siguro e iniisip na naman ni Lenlen 'yong pambili ng ticket sa concert."

Bahagyang ibinuka ni Aling Salvacion ang bibig pero itinikom niyang muli iyon. Nais niya sanang magkomento tungkol sa kawe-Westlife ng anak pero hindi na niya itinuloy. Alam niyang sasalungatin lang siya ng asawa.

Kumuha si Mang Antonio ng isang nilagang itlog at binalatan iyon. "Kung mayaman lang tayo, hindi makakadalawang sabi 'yang anak natin. Kaso hindi e," napapailing niyang sabi.

Walang isinagot si Aling Salvacion. Tinapos na lang niya ang pagkakayod.

•••

Tapos nang mag-review si Lenlen. Nilalaro-laro na lamang niya ang mga pahina ng aklat na Noli Me Tangere. Wala na sa aralin ang takbo ng isip niya.

Nasa walkman at nasa pambili ng ticket sa concert ng Westlife.

Kung tutuusin ay sapat na ang hawak niyang pera pambili ng walkman. Sobra pa nga. Masyadong naging mabenta ang yema niya nitong nakaraang araw. Dinagdagan pa niya ng polvoron kaya pati kabilang section ay bumili sa kaniya.

Sinipagan din niya ang pagsama sa ama sa pagbebenta ng lugaw. Inaabutan siya ni Mang Antonio ng barya pagkaubos nila ng paninda na siyang idinadagdag niya sa ipon.

Miss na miss na niya ang pakikinig ng music. Hanggang ngayo'y memoryado pa niya ang pagkakasunod-sunod ng Westlife tracks sa cassette tape na pagmamay-ari.

Iyon nga lang, ang bukod-tanging humahadlang sa kaniya para bilhin na ang nais na walkman ay ang paparating na concert ng Westlife. Kung gagastusin niya ang perang hawak ay babalik siya sa umpisa sa pag-iipon.

Isinara na niya ang libro at binitbit iyon papasok sa kuwarto.

•••

Malalim ang iniisip ni Bongbong habang nilalandas niya ang corridor sa kanilang mansion.

Napatigil siya. May dinukot siya sa bulsa.

Isang pink na walkman.

Kung ano ang nagtulak sa kaniya para bilhin iyon ay hindi rin niya alam.

Muli niyang isinuksok iyon sa bulsa. Akma siyang maglalakad nang mapukaw ang atensiyon niya ng bulto ng taong nakaharang sa kaniyang daan.

Ang kaniyang ama.

Sa makapangyarihang tinig ay sinabi nito, "Binibigyan kita ng hanggang bukas para makakuha ng tutor. Kung hindi, sapilitan kitang ipadadala sa Oxford Highschool para doon na tapusin ang sekondarya. Naiintindihan mo ba, Bongbong?"

Napatuwid ang binatilyo sa pagkakatayo. Ang maipatapon sa Oxford Highschool, ang paaralang katabi ng Oxford University ay ang huling bagay na gusto niyang mangyari.

Gagawin niya ang lahat makakuha lang ng tutor bukas. Kung walang-wala na talaga e papatulan na niya ang inaalok sa kaniya ni Rodrigo.

•••

"Pre, wag mong kaisipin. Mahal ka noon," biro ni Mar kay Bongbong. Kapapasok lang ng magbabarkada sa malaking gate ng school.

Hindi pinansin ni Bongbong ang kaibigan. Hanggang ngayon kasi ay bumabagabag sa kaniya ang banta ng ama.

Hanggang sa makapasok sila sa silid-aralan ay iyon pa rin ang iniisip niya.

Kinse minutos pa bago mag-flag ceremony kaya kani-kaniya na naman ang agenda ng mga kaklase nila.

Nagpapaligsahan sa pagmo-model sina Pipay at Sassa Gurl sa unahan. Todo suporta naman ang mga kaklase nila na panay ang hiyawan at palakpakan sa tuwing nagpo-pose ang dalawa.

Sa dakong likod ay nandoon ang ilang mga babaeng nagwawalis. Hindi mo mawawari kung bukal sa loob nila iyong ginagawa o gusto lang nilang sumipsip sa teacher.

Ang mga lalaki sa isang gilid ay nagpapaligsahan ng Yugi-oh. Nang makita iyon nina Mar, Rodrigo, at Jejomar ay nagsipuntahan ang mga ito roon. Naiwan mag-isa si Bongbong sa bungad ng pintuan.

Mayamaya ay napaskil ang tingin ni Bongbong sa row malapit sa bintana. Sa puntong iyon ay nakita niya si Lenlen. May sinasabi ito sa kaklase nilang si Mocha.

Tinagalan pa ng binatilyo ang pag-obserba sa dalawa. Saka lang niya na-realize na hindi lang nag-uusap sina Lenlen at Mocha. May itinuturo si Lenlen sa kaklase nila.

Pasimpleng umupo si Bongbong sa likod ng dalawa. Noon niya narinig na Geometry ang subject na itinuturo ng kanilang class president.

Kita man ang kalituhan sa mukha ni Mocha ay hindi nabakasan ng pagkayamot si Lenlen. Kapag sinasabi ni Mocha na hindi niya nakuha ang formula ay buong tiyagang itinuturo ulit iyon ng dalagita. Makikita ang determinasyon sa kilos nito na matuto ang kanilang kamag-aral.

Napapiksi si Bongbong sa desk na inuupuan. Tumuwid siya sa pagkakaupo. Lumiwanag ang kaniyang mukha.

Hihintayin lang niyang matapos sa pagtuturuan ang dalawa. Kakausapin niya si Lenlen.

Dreams Come True [BongLeni Fanfiction-On Hold]Where stories live. Discover now