AlMie AU: "Wallpaper"

Start from the beginning
                                    

Naglakad na ako papunta sa counter para pumila, bago makapila sa dulo ay may nakasabay ako, "Una ka na po" sabi ko saka nilagpasan siya.

"Huh? Hindi ikaw na" napatingala ako sa lalaki at bahagyang nanlaki ang mata nang makita si Alistair, sandali akong napatulala sa kaniya. Hindi agad nag-sink in sa 'kin na siya ang nasa harapan ko. "H-Huh? A-Ano, ikaw na mauna, nauna ka naman eh" kinagat  ko ang ibabang labi dahil nahiya ako sa pag-utal ko.

"No, I insist. Ladies first, saka medyo madami ang o-order-in ko eh" ngumiti siya saka umusog para bigyan ako ng daan at ako na ang mauna sa pila.

Agad akong tumango at nauna na sa kaniya, napapikit ako at napahinga nang malalim.

Kumalma ka Jamie, nasa likod mo lang naman yung crush mo kaya kumalma ka!

Napahawak ako sa dibdib dahil sobrang bilis ng tibok ng puso ko, ngayon lang ako kinabahan nang ganito, hindi ako masiyado kinakabahan kapag may play kami dahil confident ako sa talent at memorization pero the fact that Alistair is just right behind my back???? How can I calm down? He's my freakin' crush for goodness sake!

Pasimple akong tumitingin sa likod, kunwari ay tumitingin ako sa mga dumadaan pero ang totoo ay sinisigurado ko lang kung nasa likod ko pa rin si Alistair. At sa tuwing makikita ko siya sa peripheral vision ko ay bigla akong aayos ng tayo saka pasimpleng ngingiti.

Please po, sana madaming bilhin yung nasa harap namin, sana mali yung order na ibigay sa kanila para matagal pa po kami dito. Minsan lang po ang pagkakataon na ito. Minsan lang po ako makalapit nang ganito sa crush ko.

Kakaisip ko kay Alistair at kakahiling na sana matagal pa kami dito ay hindi ko namalayan na ako na pala ang sunod. Pakunwari akong namimili sa Menu board kahit kabisado ko na rin naman iyon. Sinabi ko na ang order ko, naghintay muna ako sandali at humiling na sana matagalan sila sa pagkuha ng order.

Kaso ayaw yata akong patagalin dito dahil naibigay na agad ang order ko, dahan-dahan at mabagal kong kinuha ang tray, pinapatagal ko para hindi pa ako agad umalis.

"Miss mabigat ba? Gusto mo tulungan kita?" bigla akong napalingon kay Alistair na biglang nagsalita sa likod ko. "H-Huh?" natulala na naman ako sa kaniya dahil ang gwapo niya, umiwas ako nang tingin dahil parang nag-iinit ang mukha ko, nabuhat ko agad nang mabilis ang tray. "Kaya ko na, s-salamat"

Ngumiti sa 'kin si Alistair bago siya umusog para padaanin ako, dahan-dahan akong naglakad paalis, ilang hakbang pa ay lumingon ulit ako para tingnan siya, sinasabi na niya ang order niya sa cashier.

Mabilis akong naglakad pabalik sa table namin habang malawak na nakangiti. Sinalubong agad ako ng mapanuring tingin ni Millie, "Bakit ganiyan ka maka ngiti?" bungad niya pagkalapag ko ng tray.

"Paanong hindi ako ngingiti girl? Nakasabay ko lang naman sa pila si HUMMS guy, nakausap ko pa" impit akong tumili habang hinahampas si Millie. Hinampas din niya ako kaya napatigil ako, "Pwede bang kiligin ka nang walang kasamang hampas? Puro pasa na ako" inirapan niya pa ako, ngumuso lang ako saka tumingin ulit sa counter. "Girl, in love na yata ako? Sobrang green flag ni Alistair, siya na talaga ang tamang lalaki para sa ’kin" sabi ko. Nakangiti kong sinundan ng tingin si Alistair hanggang makaupo siya sa table nila.

"Hoy hinay-hinay sa pagtitig baka matunaw" hindi ko pinansin ang sinabi ni Millie at kumain na lang habang nakangiti. Kainis, may dahilan na naman ako para ngumiti habang nagsasandok ng kanin mamaya.

Ilang minuto pa matapos naming kumain ay nagmadali na kaming umalis ni Millie, maaga kasi lagi yung next subject teacher namin sinasakop pati yung Lunch break namin tapos mag-o-overtime pa. Pagkarating sa classroom ay nakahinga kami nang maluwag dahil wala pa ang terror teacher.

"Girl papasa nga ako ng picture ng visual aids sa science kanina, hindi ko na-picture-ran eh" sabi sa ’kin ni Millie. Dinukot ko ang bulsa ng palda pero wala doon ang cellphone ko kaya binuksan ko ang bag at hinanap doon. Bigla akong kinabahan dahil wala ang cellphone ko sa bag.

"OMG beh, wala yung cellphone ko, napahawak ko ba sa 'yo?" kinakabahan kong tanong, mas kinabahan ako no’ng umiling siya. "Saan mo ba nilagay? Saan mo huling ginamit o nakita?"

"Dinala ko pa 'yon sa cafeteria tapos OMG! Naiwan ko" napatayo ako kaagad sa upuan. "Gusto mo samahan kita?" tanong ni Millie. Umiling ako, "Bilisan mo ah baka biglang dumating si Ma'am Velasco" tumango na lang ako at mabilis nang tumakbo palabas papunta sa cafeteria.

Pagdating doon ay lumapit agad ako sa inupuan namin kanina pero wala doon ang cellphone ko, malinis na rin ang table namin. Lumapit ako sa counter at tinawag ang cashier, "Ate may nakita po ba kayong cellphone na may purple na case?" tanong ko agad.

"Oo neng pero naabot ko na 'yon sa may-ari ng cellphone" sagot ni Ateng Cashier

"M-May-ari po? Kanino po?" taka kong tanong dahil ako ang may-ari ng cellphone na 'yon, baka mali nang naabutan si Ate. "Inabot ko doon sa nasa wallpaper" Napaawang ang labi ko nang marinig ang sinabi niya.

BINIGAY NIYA SA TAONG NAKA-DISPLAY SA WALLPAPER KO???

"N-Nasaan na po siya Ate?" mas kinakabahan kong tanong, may nakakita nga ng cellphone ko naiabot naman sa maling tao. May tinuro si Ate sa bandang likod ko, "Iyan siya, sabi niya hihintayin daw niya yung kukuha ng cellphone"

Biglang kumabog nang mabilis ang puso ko, dahan-dahan akong napalingon sa likod. Bumungad sa ’kin si Alistair na nakaupo sa malapit na table at hawak ang cellphone ko. Hindi pa niya ako napapansin dahil busy siya sa pagtingin sa cellphone.

Huminga ako nang malalim bago dahan-dahang lumapit sa kaniya. "K-Kuya" mahina kong tawag. Napaangat ang tingin niya sa akin, no'ng una ay nakakunot ang noo niya pero mukhang na-gets niya agad kung bakit ako lumapit sa kaniya. "Sa 'yo ba itong cellphone?" tanong niya.

Dahan-dahan akong tumango, napayuko ako dahil sa hiya at dahil hindi rin ako makatingin sa kaniya. Inabot niya agad sa ’kin ang cellphone kaya agad ko ring kinuha iyon. "S-Salamat"

Tumayo na siya kaya akala ko ay aalis na agad siya, "You're Jamie right?" bigla niyang tanong. Tumango ako, "O-opo"

"I've watched your play last Friday and it was good especially you. By the way my name is Alistair but I bet you already know it."
Hindi ako nakasagot, naramdaman ko lang na mas lalong nag-init ang mukha ko, gusto ko na lang magpalamon sa lupa.

"Anyway, I need to go I still have class. Hinintay lang talaga kita." tumango ako, tumalikod na siya sa ’kin at naglakad pero bigla siyang tumigil at humarap ulit. "And also, I noticed that you only have one picture of mine that's why I took a selfie from your phone" ngumiti siya saka umalis na.

Nang mawala na siya sa paningin ko ay agad kong binuksan ang cellphone ko, iba na ang wallpaper na naka-display, selfie picture na niya. Binuksan ko ang gallery at nakita ang limang selfie niya doon, hindi ko alam kung kikiligin ba ako o mahihiya dahil nalaman lang naman ng crush ko na picture niya ang display wallpaper ko. Pinindot ko ang huling selfie ni Alistair at may napansing naka-doodle sa pinaka-picture.

'Can you be my SH Ball Date Jamie?'

゚。・*.゚☆✿◕ᴗ◕✿☆゚.*・。゚

Project LOKI AUs (Compiled)Where stories live. Discover now