Prologue

4.6K 52 2
                                    

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

---

Napakunot noo ako dahil rinig na rinig ko ang boses ni Myla habang papaakyat sya sa hagdan, katanghaling tapat ang ingay na naman niya. Hindi ko nga lang din maintindihan ang mga pinagsasabi niya.

Talagang tumatakbo pa paakyat, baka masira lalo ang hagdan naming kahoy lang tyka baka mabwisit ang mga katabing kwarto namin sa tining ng boses niya.

Nagtutupi ako ng mga damit, pagkalingon ko ay nakita ko na siya. Tuwang tuwa ang babaita.

"Oh, chillax lang. Anong meron?" bungad na tanong ko sa kanya. Pinagpatuloy ko ang pagtutupi. Ang laki ng mga ngiti niya ah.

"Ateng, may bago tayong raket ulit!" nagtatatalon pa siya.

Nagulat naman ako sa sinabi nya.

"Ulit? Agad? Kahapon lang meron tayo ha. Sigurado ka?" Kailangan kong makasiguro. Hindi kasi ako makapaniwala dahil nitong mga nakaraang linggo, medyo matumal ang mga raket namin.

"Aba, mukha lang akong sinungaling pero honest 'to ha. Honest!" pagbibiro nya.

Napatayo na rin ako, naghawak kamay pa kami at naki-talon talon ako kasabay niya.

Tumigil sya. At hinihingal pa bago magsalita. "Teka te, alam mo bang jackpot din ito dahil tig-5k tayo! Bigtime yung may event." mas lalong nanlaki ang mga mata ko.

Nagsisisigaw pa kami sa tuwa. Naku, may pambayad na kami kay Aling Percy! Nung isang linggo pa kami sinisingil nun eh. Ngiting ngiti kaming dalawa ngayon.

Nagulantang naman kami nang may biglang kumatok na tila halos gibain ang pinto.

"Hoy, Topiana at Myla! Ano na? Nasaan na ang pambayad nyo sa upa?" malamang labas ang lalamunan ng sumisigaw na yon. Kilala ko naman kung sino.

Agad akong nagtungo sa may pintuan para pagbuksan si Aling matabang matanda-- este Aling Percy. Yung matandang yon talaga akala mo laging tatakasan.

Pagkabukas ko ay busangot na mukha niya ang bumungad sa akin at nakalahad ang kaliwang kamay habang nakasandal sa hamba ng pintuan.

Lumapit si Myla sa amin at marahang hinampas ang kamay ng matanda tapos ay inakbayan.

"Nako, Aling Percy naman! Relax lang magbabayad naman ho kami. Pramis, bukas may hawak na pera na yang magaganda mong kamay galing samin." talagang nambola pa itong isa, sanay na sanay e.

"Wag niyo nga akong pinaglololoko! Asaan na?!" galit na untag pa rin ng matanda.

Nagsalita na ako. "Pangako ho meron na po bukas. May raket ho kami ngayon."

"O siya- siya sge! Maniningil na muna ako sa iba. Siguraduhin niyong bukas meron na kayong maiaabot na pera kundi ora mismo mag-alsa baluta na kayong dalawa!" at tuluyan na nga siyang umalis. Napabuntong hininga naman ako. Buhay nga naman talaga.

Naglakad na ako pabalik sa kama at ilalagay ko na ang mga damit namin sa maliit na kabinet.

Tinabihan ako ni Myla. "Yung matandang yun talaga, akala mo kung sino! Buti na lang hindi na nagsalita ng kung ano ano tulad nung mga nakaraang araw."

Bumuntong hininga na lamang ulit ako.

"Putak ng putak. Baka ishupalpal ko yung money naten sa kanya bukas eh!" inawat ko na siya. Ang dami na namang pinagsasabi nito baka mawala ang swerte namin kung ganito kasama ang bunganga nitong isang kasama ko.

Natapos na ako sa ginagawa, buti na lang ay naisipang tumulong nitong isa. Buong akala ko ay papanoorin nya lang ako sa pag-aayos ng mga damit namin.

"Halika na dali, samahan mo muna ako kay Choleleng! Good mood yun kaya malamang libre ulit ako, papapalitan ko lang itong cutics ko." sabay taas nya ng dalawang kamay, pinagmasdan nya pa itong mabuti.

"Malay mo makabingwit ako ng mayaman doon!" natawa naman siya.

"Ano bang meron sa event na yun? Anong gagawin natin?" pagtatanong ko sa kanya dahil hindi nya pa pala nababanggit kung anong gagawin.

Binaling nya na ang atensyon sa akin.

"Darating ata yung anak ng amo nung kakilala ko kaya may pa-party. Alam mo na, ganon talaga kapag mga rich." Pumilantik pa nga ang kanyang kaliwang kamay banda sa noo.

"Magwawaitress lang naman tayo. Serve serve ng pagkain, you know." tumango tango na lamang ako. Naiimagine ko ng engrande iyong handaan.

Tumayo na sya at hinila ako. "Halika na baka mag-iba mood ni Choleleng!"

Mistaken OneWo Geschichten leben. Entdecke jetzt