Napangiti ako sa realisasyon na hindi na iyon ang paniniwala niya ngayon.

"Hindi ganoon ang paniniwala ni kuya Aseph."

Napatawa si ate muli. Kapag talaga ang asawa niya ang usapan, gumaganda ang mood niya. Imbis na malungkot at mamuhay sa mga alaala nilang dalawa ay binabandera niya at ipinagmamalaki kung gaano katalino at kapositibo si kuya Aseph.

Dalawang beses ko na-meet si kuya Aseph sa talambuhay niya. Una ay noong magkasama pa sila ni Kuya Gael sa trabaho, bago pa ako pumasok sa kampo. Pangalawa ay noong nag retire ako. 

Si Kuya Aseph ang pinaka naglakad at nag asikaso sa akin para maging maayos ang pag-alis ko sa serbisyo. Iyon ay dahil noong mga panahong iyon ay hindi maganda ang relasyon ni Kuya Gael sa kaniyang head agent  kaya wala siyang gaanong nagawa para sa akin.

"Hindi talaga," ani ni ate sabay patay ng telebisyon. "Masyadong maunawain si Aseph. Lahat ng direksyon, kahit walang patutunguhan ay tinitignan."

"Mahal mo naman?"

Napangisi si ate at napamasahe ng panga, "Matalino at gwapo, sino bang hindi?"

Nairolyo ko na lamang ang mata ko.

"Eh ikaw Gwen?" napa hm? ako nang bigla niyang inilipat ang tapika sa akin. "Agree ka ba sa death penalty?"

Napagilid ako ng labi. Sa bigla niyang pagbabago ng tapika, mukhang napansin na niya na hahaba ang usapan namin kung ipagpapatuloy pa namin ang tungkol kay kuya Aseph, kaya siguro inilipat na niya sa akin.

"Ako..." ani sa gitna ng pag-iisip. Sa huli ay napakibit balikat na lang ako. "Ewan ko."

Napaismid si ate sa sinagot ko, "Ewan mo?"

"Gitna siguro ako. May mga taong aaminin ko na deserve ang ganoong parusa, pero may mga taong hindi?" parang hindi siguradong sabi ko sabay inat. "Ewan ko. Hindi ko masabi. Sa field na pinasok ko, hindi na siguro nag ma-matter sa akin kung ang mga nabaril o napatay ko sa bakbakan ay inosente o hindi. Pero bilang isang normal na mamamayan? Hindi ko masabi." 

Tinitigan lang ako ni ate at napatingin sa kisame na para bang naroon ang sagot ko.

"Baka kasi wala kang dahilan para pag-isipan ang mga ganoon issue."

"Siguro," sabi ko sabay tango. "Malaki ang punto mo. Sige ganito na lang, bigyan mo ako ng scenario na mapapaisip ako na 'Ah, kailangan isa lang ang sagot ko' ganoon." 

Napatawa si ate sa sinuhestyon ko, muli siyang umupo sa tabi ko at hininaan ang aircon gamit ang remote. "Lumalabas ba ang pagka indecisive mo? Pero sige, gawin natin iyon."

Umiral ang katahimikan ng ilang segundo.

"Paano kung..."

Napatigil si ate. Ako naman ay tiyagang naghintay ng susunod niyang sasabihin. Base sa ekspresyon ng mukha niya, nagda-dalawang isip siya kung itutuloy niya o hindi.

Nang tumango ako ay napatikhim siya.

"Paano kung mapatunayan natin na hindi nga talaga nagpakamatay si tito?" 

Sa narinig ko ay na blanko ako. Okay, mukhang hindi siya magfi-filter at desidido talaga siya malaman ang sagot ko.

"Ibig sabihin lang noon, yung mga nag sinungaling sa pamilya mo ay may kinalaman sa nangyari,"  sa sinabi niya ay biglang lumabas ang imahe ng mukha ng mga taong nakiramay at nagsabi sa pamilya ko na nagpakamatay si papa.

Sa build-up ng tanong ni ate, alam ko na ang magiging tanong.

"Ano sa tingin mo ang mararamdaman mo? Gugustuhin mo ba silang mamatay o hindi?"

When the Ink Dries (Zodiac Predators Series #3)Where stories live. Discover now