Paciana

96 4 5
                                    

PACIANA

ABALA PA ako sa kusina nang marinig ang pagtugtog ng gitara sa loob ng simbahan—hudyat na patapos na ang misa. Napabilis tuloy ang paghalo ko sa nilulutong sopas sa takot na baka mauna pa silang matapos kaysa sa ginagawa kong pagluluto.

"Ciana!" Galing sa pintuan, narinig ko ang pabulong na tawag ni Luisa. Hindi kasi siya puwedeng mag-ingay dahil may misa. Manipis lang ang pader na humaharang sa kusina at sa loob ng simbahan kaya kapag napalakas ang boses niya, siguradong pagagalitan siya. "Ciana, sasama ka mamaya? Puwede naman daw sabi ni pastor, eh!"

Hindi ko siya pinansin. Mamaya na ang usap, Luisa. Hindi pa ako tapos!

Lumaki ang uwang sa pinto para sa pagpasok niya. Sinarado niya muna ito bago umambang lalapit sa akin. Kinabahan ako dahil baka marumihan ang damit niya kaya mabilis akong humakbang palapit sa kanya.

"Umalis ka rito, Luisa! Bumalik ka na sa loob," mahina kong sinabi.

Wala siya dapat dito dahil hindi pa tapos ang misa. Naririnig ko pa ang tunog ng gitara sa loob bilang pagtatapos kaya dapat nandoon siya.

"Hindi ako aalis dito hangga't hindi mo sinasabi sa akin na sasama ka mamaya!" Humalukipkip siya at ngumuso. "Hahayaan mo na lang bang ma-OP ako roon?"

Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "OP?"

Umirap siya at bumuntong-hininga. "Out of place, Ciana! Jusko!"

Huminga ako nang malalim bago binalingan sandali ang aking niluluto. Patapos na rin yon kaya mahina na ang apoy. Hindi naman iyon masusunog kung mawala ang tingin ko saglit.

"Hindi ka naman nandoon para makihalo sa kanila. Magbibigay ka lang ng pagkain."

"Iyon na nga, eh! Magbibigay lang ng pagkain kaya bakit ayaw mong sumama?" reklamo niya.

Tumitig ako sa kanya nang ilang segundo habang iniisip ang aking dahilan.

Ngayon ang araw ng mission trip namin kaya aalis ang lahat ng manggagawa ng simbahan upang magbigay ng pagkain at damit sa mga nasalanta ng bagyo.

Imbes na sumama, mas pinili kong maiwan na lang dito sa simbahan at tulungan ang mga tagapangalaga na maglinis. Wala namang mabigat na dahilan kung bakit ayaw kong sumama. Sadyang hindi lang talaga ako sanay sa lugar na maraming tao.

Mas kumportable akong tumulong nang walang nakakakita. Mas kumportable akong nandito lang sa loob ng simbahan.

Kaya sa mga mission na sinasagawa ni Pastor Edwin, palagi kong pinipilit na dito na lang ako. Minsan nga'y gusto kong gumawa ng dahilan pero ayaw ko namang magsinungaling. Sinasabi ko na lang na tutulong na lang ako sa paglilinis dito sa simbahan.

"Dito na lang ako, Luisa." Punong-puno 'yon ng pakikiusap kaya sana mapagbigyan niya ako. "Tutulungan ko pa ang mga tagapangalaga na maglinis."

"So, hahayaan mong ma-OP ako roon? Iiwan mo ang bestfriend mo, Ciana?"

Ito ang unang beses ni Luisa na sasama sa mission. Hindi naman kasi siya parte ng simbahan. Volunteer lang siya kasama ang kanyang pamilya kaya kailangan niyang sumama.

Hindi tulad ko, mayaman itong si Luisa. Sa katunayan, ang pamilya niya ang pangunahing sponsor ng mission na ito. Vice mayor ang tatay niya rito sa San Felipe kaya bukod sa mayaman, makapangyarihan din ang kanilang pamilya.

Paano ko ito naging kaibigan? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit pagkatapos niya akong makita noong unang beses na nagsimba siya rito, kinausap niya ako at kinaibigan. At hindi lang 'yon, ginawa pa niya akong bestfriend.

Like A Boat Tossed On The Raging SeasWhere stories live. Discover now