Ang tanging laman lang ng utak ko ay ang makalayo sa kanila. Ni hindi ko nga alam kung nakatakas na rin ba ang Ihi-boy na ‘yon!


“Aahhhh!” huling sigaw ko bago bumagsak ang katawan sa lupa.


“Aray.”


Unti-unti kong ginalaw ang mukha kong nasubsob sa isang sapato---sapatos?

High-cut Converse shoes?!

Napakurap-kurap ako bago muling tinitigan ang sapatos.


Agad kong hinila ang katawan ko patayo at itinaas ang tingin sa may-ari nito. 


Hala siya! Hindi nga ako nagkakamali!


Si Franco!

Si James Franco Velazques ang may-ari ng sapatos!

“F-franc-o?”


Hindi nga ako nagkakamali dahil siya nga! Ang team leader ng Varsity Team. 1st year highschool pa lang siya pero hindi mo iyon mahahalata sa kaniya dahil ang tangkad niya at ang pogi-pogi niya pa!


Sa likod niya ay naroon ang dalawang lalaking tila mga kaibigan niya rin ang nagpipigil ng tawa.


“Ako nga,”  malamig na pagbigkas niya.



Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, “at ang lakas naman ng loob mong isubsob ang mukha mo sa sapatos ko.”


Napaatras ako nang bahagya sa naging tugon niya.


Ang paghanga ko sa kaniya ay animo’y biglang naglaho. Bakit ganyan siya makasalita? Baka nakakalimutan niya, oo, crush ko siya pero ate niya pa rin ako sa campus na ‘to!


“S-sorry,” maluha-luha kong sambit.


Para akong sinukluban ng langit at lupa ngayon. Kung tutuusin, ito na ang pinapangarap ko, ang mapansin at makausap si Franco, pero taliwas ang nararamdaman ko.


Ganyan pala siya kawalang respeto?


“Look! May laway mo pa oh!” Tinuro niya iyong kaliwang sapatos.


Iniyuko ko ang tingin ko rito at muling ibinalik sa kaniya.


“Asa’n na ang panyo mo? Pampunas man lang dito!”


Nanginginig na ang kamay ko. Napalunok pa ako dahil parang hindi ko ma-absorb na iyong ultimate crush ko ay wala palang mabuting asal!


Parang sinasaksak ang puso ko ng bawat salitang lumalabas sa kaniya. Badtrip na badtrip ang dating niya na parang matigas na pader na mahirap banggain!


Idagdag mo pa ang kahihiyang inaabot ko dahil halos nagiging pulutan na ulit kami ng tingin ng mga tao.



Inilagay ko ang kamay ko sa bulsa ng aking palda para kunin iyong panyong dala ko. Nag-iisang panyo pa naman itong ibinurda sa akin ni Mama. Pero wala na akong magagawa, isa siyang James Franco Velazques.



James Franco Velazques na noo’y crush ko... pero mukhang hindi na ngayon.


“Anong ginagawa mo?!” sigaw ni Franco sa lalaking nagpunas ng kaniyang sapatos.


Napatigil ako sa pagdukot ng panyo nang biglang may dumating na lalaki at pinunasan ang sapatos nito. Nakatalikod siya sa akin kaya’t hindi ko makita kung sino siya.


“Oh ayan malinis na.”



Tumayo ang lalaki at napatakip ako ng bibig ko.


“Jonathan?”


Tumingin ito sa akin bago ibinaling muli ang tingin kay Franco.


“Bukod sa babae ang kausap mo, ate mo pa rin ‘yan. Matuto kang magbigay-galang. Hindi porque ikaw ang pinakamagaling sa larangan ng basketball dito sa eskwelahan, eh may karapatan ka ng banggain ang lahat. Tandaan mo, bago ka palang dito,” pangaral niya kay Franco na para bang wala ni kaonting bahid ng pagkatakot.




Tama naman siya. Bago lang dito si Franco at senior niya kami.


Pero ang hindi ko maintindihan..eh bakit ‘to ginagawa ni Jonathan? Hindi ba pinagkamalan ko na siyang magnanakaw? Bakit niya ako tinutulungan at inaalis sa kahihiyan?


Gayong siya nga ay heto, hindi pa rin nakakapagpalit ng pantalon!


--

Tumayo na ako sa kama at napagpasyahang simulan na ang araw. Masyadong napahaba na naman ang pag-aalaala ko sa unang eksena namin ni Akin.


Ibang klase talaga ito si Jonathan ano? Gagawin ang lahat, para makatulong sa iba.


Niligpit ko na ang hinigaan ko at umupo muna saglit sa kama.


May hinahantay pa kasi ako.


Siguro tama sila ano? ‘Yong taong sobrang kinaiinisan mo, sila pa ‘yong taong inilaan para sa’yo.


Saglit kong tinitigan ang singsing na ibinigay niya sa akin. Medyo may kaluwangan nga lang ito, pero hindi naman siya natatanggal sa daliri ko.


Ako na ata ang pinakamaswerteng babae sa mundo, dahil meron akong isang Akin.


Napabuntong-hininga ako ulit. Ito na ba talaga ang tinatawag nilang ‘True Love?’


Nagulat ako nang biglang may nahulog na maliit na batong nakabalot sa papel mula sa bintana.


Tumayo ako at pinulot ito nang nakangiti.


Ito, ito ‘yong hinihintay ko.


Ganito ka-sweet si Akin.


Araw-araw niya ako pinapadalhan ng sulat bago siya pumunta sa flower shop kung saan siya nagtatrabaho.


Ikanga niya, mahilig daw ako sa basketballista kaya raw ako na-inlove kay Franco, kaya ayan, araw-araw mula pa dati, nagpapashoot siya ng bato na may sulat dito sa bintana ng kwarto ko.


No’ng una nakakainis, kasi nabasag niya ‘yong flower vase ko, pero habang tumatagal, mas nakukuha niya iyong tamang timing sa paghagis ng bato at tiyak na dumideretso sa puso ko ang mga salitang laman nito.


Magandang umaga sa pinakamaganda! ‘Wag kalilimutang ngumiti ha? Bawal daw ang pangit ikasal, sige ka. Minahal, mahal at mamahalin ka.”

   

                                                           -Akin-

     

KundimanNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ