SUNDO

32 3 6
                                    

Title: SUNDO
Genre: Paranormal/Horror
Author: Wiz Ligera

"Ano ba, sumagot ka na!" naiiritang sinabi niya habang dina-dial nang paulit-ulit ang numero upang makontak ang asawa.

Umuulan pa naman nang malakas kaya naiinis na siya kung bakit hindi siya sinasagot. Hirap pa naman siyang makauwi dahil baha na sa kalye at wala ng dumadaang mga sasakyan. Nag-aalala na rin siya dahil kabuwanan na niya sa pagbubuntis at medyo sumasakit na ang kanyang puson. Kahit bumubuhos pa ang tubig sa labas, naglakas-loob na siyang lisanin ang opisina at mag-abang ng masasakyan dahil nawalan na siya ng pag-asang masusundo pa.

"Tsk! Nag-overnight na lang sana ako!" pagsisi rin niya nang wala ni isang sasakyan ang nagpasakay sa kanya. Punong-puno na rin kasi ng mga pasahero kaya malabong hintuan pa siya ng mga bus o jeep. Mas nainis siya sa asawa dahil pakiramdam niya ay pinabayaan siya nitong mag-isang bumiyahe.

Mag-a-alas diyes na nang may bakanteng taxi siyang napara. Laking pasasalamat niya at sa wakas ay makakauwi na siya.

"Kuya, sa Bulacan po ako uuwi," aniya sa may edad ng driver. "Medyo malayo, magdadagdag na lang ako ng bayad basta po isakay niyo na ako."

"Sige lang, sakay na!" maligayang pagpayag naman nito.

Nakahinga na siya nang maluwag nang makapasok na sa kotse. Nang dahil sa sobrang pagod, ilang sandali lang ay nakaidlip na siya sa kinauupuan. Naalimpungatan lang siya nang may marinig na bumusina.

"Matulog ka lang, malayo pa tayo," suhestiyon ng nagmamaneho ng taxi.

"Hindi na po," pagtanggi niya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla siyang kinabahan nang marinig ang busina. Pinilit niyang gisingin ang diwa at maging alerto kahit na antok na antok na siya.

Isasawalang-bahala na sana niya ang naramdaman subalit napansin na niyang paikot-ikot lamang sila sa isang lugar. Inakala niya na nag-iilusyon lamang siya pero nang obserbahan, dalawang beses pa nilang nadaanan ang puno ng acacia.

"Kuya, napadaan na yata tayo rito?" pagtatanong na niya.

Nanatiling tahimik ang kausap kaya napasandal na siya sa may bintana at nagmasid-masid. Nagduda na siya sa kinikilos ng lalaki lalo na nang muli ay napadaan na naman sila sa kanto na may malaking puno. Mula sa rearview mirror ng kotse, napansin niya ang mga panakaw na tingin ng driver.

"Pakibaba na po ako," panuto niya rito. Nangilabot na siya sa kakatwang titig nito sa kanya na tila ba kilala siya pero hindi naman niya mamukhaan. Mas natakot siya dahil talahiban pa ang tinatahak nilang daan at baka saktan pa siya ng estranghero.

"Pasensya na, pero hindi pwede," tugon nito sa kanya.

"Niloloko mo na ako, ibaba mo na ako ngayon din!" kinakabahang inutos na niya.

"Kailangan mong makaalala. Wala ka bang natatandaan sa lugar na ito, Cathy?"

"A-Anong pinagsasabi mo? Bakit alam mo ang pangalan ko?"

Paglingon ng kausap ay nakilala na niya kung sino ang nagmamaneho.

Malayo na ito sa lalaking nakilala niya. Sa pagkakaalala niya, maumbok ang mga pisngi nito, hindi katulad ng kausap na nahumpak na gawa ng edad. Malalim na rin ang mga mata nito nang dahil sa puyat at pagod.

"Inuuwi na kita..." malungkot nitong pahayag.

"S-Sino ka?" nauutal na paniniguro pa rin niya.

"Ako ang asawa mo, si Leo..."

"Imposible! Hindi kita maintindihan..." pagtanggi pa rin niya sa katotohanang unti-unti nang lumalantad sa kanya. Lumingon-lingon siya sa paligid pero kadiliman lamang ang natatanaw niya. Nakaramdam siya ng mainit-init na likido sa mga binti. Napangiwi pa siya nang kumirot ang tiyan na para bang may pumiga sa loob. Halos mapahiyaw siya nang makitang dinudugo na pala siya.

Paranormal One-shot StoriesWhere stories live. Discover now