THE MORNING STAR

39 1 21
                                    

Title: The Morning Star (One-shot story)
Genre: Paranoramal/Romance
Author: Wiz Ligera

Paunawa:

Ang istoryang ito ay hindi sumasalungat sa turo ng Simbahan at mga nakasulat sa Bibliya. Ito po ay "Fiction" lamang at produkto ng imahinasyon ko bilang manunulat.

Sumilip ako sa silid kung saan nananatili ang lalaking higit pa sa edad ng kalawakan ko nang kaibigan. Habang pinagmamasdan siyang mahimbing na natutulog, napangiti ako nang mapansing bakas sa ekspresyon niya ang kapayapaan. Dahan-dahan akong lumapit upang mas matanaw ang napakagandang nilalang na palihim kong hinahangaan.

Nag-aalangan man na gisingin siya, ginawa ko pa rin dahil may pinaplano akong misyon na alam kong makabubuti para sa kanya. Ilang araw ko na itong pinag-isipan at ngayong Linggo, napagdesisyunan ko nang isakatuparan iyon.

"Bangon na!" paggambala ko sa pagtulog niya. Kaagad naman na bumukas ang mga mata niya nang dahil sa gulat at lakas ng boses ko.

"May sunog ba?" namumungay pa ang mga mata sa antok na tinanong niya. "Earthquake? Missile?"

"Wala naman! Rise and shine!" maligayang pagbati ko.

Nang hindi gumalaw sa kinahihigan ay nilapitan ko na siya at niyugyog. Imbis na kumilos ay hinila pa niya ang kumot at nagtalukbong.

"Hoy! Tumayo ka na riyan at maligo!" Inangat ko ang kumot palayo sa katawan niya at pinagsabihan. "Bawal ang tatamad-tamad!"

Isang pares ng asul na mga mata ang mataimtim na tumitig sa akin. Gumuhit ang pilyong ngisi sa labi niya kaya batid ko na may iniisip na naman siyang kalokohan.

"Mabigat ang katawan ko," pagrereklamo niya. Inilahad niya ang dalawang kamay na para bang nagpapakarga sa akin. "Buhatin mo nga ako. Pagkatapos, sabay na rin tayong maligo."

"Che! Maligo ka mag-isa! Kalaki-laki mong lalaki, magpapabuhat ka pa sa akin!"

"Hug na lang, please," paglalambing naman niya habang hinahatak nang mahina ang aking kamay.

"Hug ka riyan! Huwag ka ngang mangarap nang gising!" pagtanggi ko kasabay ng paghila sa aking kamay palayo sa kanya.

"Hindi mo pa talaga ako pinagbigyan," pagtatampo na niya. "Hug lang ang gusto ko, wala pa ngang kiss..."

Dismayado siyang bumangon at umupo sa kama. Napakamot na lang siya ng ulo dahil imbis na paglalambing din sana ang natanggap mula sa akin, nasungitan ko pa.

"Bakit ka kasi nagmamadali? Hindi ba, Linggo ngayon at bakasyon?"

"Kaya nga tayo aalis, kasi Linggo!" mabilis na pag-aya ko sa kanya. Inakbayan ko pa siya upang siguradong hindi makakatakas sa pinaplano kong lakad. "Mamamasyal tayo at gagagawa ng mabuti!"

"H-Ha?" Namutla bigla ang mala-gatas niyang kutis sa panukala ko. Halatang ninenerbiyos siya kapag usapang paggala na ang paksa. "Baka pwedeng sa ibang araw na lang?"

"Now na!" pagpupumilit ko habang sapilitan siyang inaakay sa may banyo upang maghanda na. "Kailan ka pa lalabas? Kapag katapusan na ng mundo?"

"Maaari ba?" kaagad niyang tugon. "Sandali, huwag mo akong hilain!"

Kumapit na siya sa mabigat na cabinet upang hindi ko madala sa palikuran at pwersahang maipasyal sa labas ng bahay.

"Ayaw ko talagang nakakasama ang mga tao. Para silang mga ipis, ang dami-dami, atsaka ang dudumi! Kulang na lang e lumipad sila at dumapo sa akin! Ayaw ko! Hindi ako sasama!" parang batang pag-ayaw niya sa nais ko na magtungo sa bayan.

Sinisikap ko man na magmukhang seryoso ay napahalakhak na ako sa kakatwang kilos niya, malayo sa nararapat sa isang makisig lalaki. Marahil, kung makikita siya ng mga kasamahang mandirigma noon na umaakto na katulad ng pasaway na paslit, ikahihiya nila siya bilang isang lider.

Paranormal One-shot StoriesOù les histoires vivent. Découvrez maintenant