Capitulo Ocho

139 12 4
                                    




Capitulo Ocho





"LABIS na akong nangangalay, Florenzo! Hindi ba pwedeng tumayo muna ako. Masakit na ang likuran ko!"

"Sandali na lamang. Malapit na akong matapos."

"Kanina mo pa sinasabi na tayo'y malapit nang matapos. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo tapos." Sinubukan kong lumingon kay Florenzo ngunit pinagtaasan niya ako ng boses.

"Huwag kang gumalaw. Mababago ang posisyon ng iyong katawan."

"Pero me duele la espalda."

"También a mí me duele. Ngunit hindi ko naman sinasabi sa iyo kanina."

Pasimple akong huminga ng malalim. Pigil-pigil ang aking sarili na sugurin si Florenzo at bigyan siya ng malalakas na hampas. Bakit ba ako pumayag na maging modelo sa pinipinta ni Florenzo. Nahihirapan tuloy ako ngayon. Halos isang oras na akong nakaupo sa upuan na ito. Ang sabi ni Florenzo, ang tema ng kanyang pinipinta ay realeza. Nagpagawa pa si Florenzo ng tiara upang aking isuot ngayon. Isipin ko raw na isa ako prinsesa. "Ngayon pa lang, ayaw ko na maging prinsesa."

"Anong sabi mo, Anastasia? Hindi ko narinig ang iyong sinabi."

"Wala." Nagsisisi na akong pumayag ako. Ito ang ikinaiinisan ko sa tuwing pinipinta ang aking larawan o ang aming retrato de familia. Labis na nakakapagod at nakakangalay. Bukod pa roon ay tunay na nakakabagot dahil minsan ay hindi pa kami pinapayagan ng pintor na magsalita. Sandali akong tumingin sa baba at pagbalik ko sa tingin ko sa salas, halos mapatalon ako sa gulat. "Dios mio, Florenzo! Bakit ba ang hilig mo manggulat?" Paano naman kasi'y nasa harapan ko na ang ginoong kanina ko pa kinaiinisan dahil sa bagal magpinta. Kaunti na lamang at aalis na talaga ako rito kapag ako'y labis nang nainis sa kanya.

"Alam kong pagod ka na. Sandali na lamang ito, Anastasia. Kaunting tiis na lamang." Masuyo niyang hinaplos ang aking pisngi. "Matatapos na rin ako't makakapagpahinga ka na. Manatili ka lamang sa iyon puwesto. Después de esto, te trataré con tu restaurante favorito. Te lo prometo." Nakikita ko sa mga mata niya ang pagsusumamo na huwag ko siyang iwanan dito. Na tila ba'y sinasabi niya na alam niyang anumang oras ay aalis na ako at huwag ko sanang gawin iyon.

Bumuntong hininga ako bago tumango. Hindi ko alam kung ano bang mayroon sa ginoong ito at nagagawa na niyang mapapayag ako sa mga bagay-bagay gaya nito. "Bilisan mo na lang at huwag mong ipapako ang iyong pangako. Aasahan kong dadalhin mo ako sa paborito kong kainan."

Ngumiti si Florenzo at mahinang pinisil ang aking ilong. "Oo, pangako." Nagmadaling pumunta sa harap ng lienzo. Kinuha niya ang pincel at nagsimula nang magpinta. Ako naman ay umayos ng tindig upang matapos na si Florenzo sa kanyang ginagawa. Sa susunod ay hindi na ako papayag na maging modelo ni FLorenzo sa kanyang mga ipipinta. Huli na ito.

"Kay ganda ng panahon ngayon, hindi ba?"

"Mas maganda ka sa panahon."

Natigilan ako sa sinambit ni Florenzo. Hindi ko mawari kung iyon ba'y totoo o biro lamang. Tumikhim ako. "Magandang maglibot kapag ganito ang panahon."

Una Eternidad en el CorazonWhere stories live. Discover now