Makulimlim na langit ang bumungad sa aking pagdilat at malamig na hangin ang humahampas sa balat kong nakalantad habang ako'y nakahiga sa malagkit na putikan. Sinubukan kong bumangon ngunit hindi ko maramdaman ang aking katawan tila ako'y namanhid at hindi ko magawang igalaw ito. Ang malumbay na langit lamang ang kaharap ng aking mga paningin.
'N-Nasaan ako...' Bulong ko sa aking isipan, ni ang aking bibig ay hindi ko magawang ibuka at unti-unti na ring nanlalabo ang aking mga paningin.
"Ang iyong kamatayan ay ang magbibigay ng katahimikan sa demonyong binuhay ng iyong mga kapatid. " Isang malamig na boses ang aking narinig. Pinilit kong imulat ang mabibigat kong mga talukap.
Isang itim na imahe ang nakatingin sa akin, may hawak itong baril sa kanang kamay. Kapansin-pansin ang mga mata nitong kulay abo... Kasing kulay ng mga ulap na nagbabadyang pakawalan ang luha ng kalangitan. Tinutok niya sa aking ulo ang hawak na baril. Kumawala ang maiinit na mga luha mula sa aking mga mata dala ng takot.
"Paalam" malamig niyang saad, ipinikit ko ang aking mga matang napuno ng luha. 'Bakit...' Ang huling pagbulong sa aking isipan.
BOOM!
sa huling sandalii narinig ko ang boses na hiling kongnmaeinig sa huling pagkakataon at tuluyan nang ipinikit ang aking mga mata.
"Sigrid!"
"Sigrid!!"
"SIGRID! "
Automatikong napadilat ang mga mata ko at napaupo sa aking kama, mabilis ang aking paghinga at ramdam ang takot sa aking dibdib. Bumungad ang kadiliman sa aking silid at wala ni katiting liwanag sa aking kwarto. Kinapa ko ang cellphone ko sa bed side table at nang makapa ko ito ay agad kong binuksan. 2:45am, bungad sa pag liwanag ng screen ng aking cellphone. Masamang panaginip nanaman.
Napabuntong hininga ako't hinawakan ang aking noo't napagtantong basa ito. Pati ang leeg ko'y basa rin ng Pawis. Hindi 'to ang unang pagkakataon na naranasan ang ganitong klaseng panaginip, halos palagi akong nananaginip ng masama...ang kamatayan ko. Sa paulit-ulit kong napapaniginipan ay maraming tanong ang nabubuo sa aking isipan... Dahil lahat ng kaganapan sa aking panaginip ay tila totoo.
TOK TOK TOK
"Ate Sigrid?" Nabaling ang aking atensyon sa kinaroroonan ng pinto ng aking silid nang marinig ang tatlong katok kasunod ng naantok na boses ng aking kapatid. "Ate?" Pagtawag n'ya ulit.
Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking kama't kinapa ang switch ng lamp sa bedside table ko. Agad kong pinailaw ang maliit na lamp at deritsong tumungo sa pintuan. Bumungad ang naantok na pagmumukha ng 13 years old kong kapatid sa pagbukas ko ng pinto, naka blue na pjms at hawak-hawak n'ya kulay berde n'yang kumot.
