Kabanata 2

118 11 8
                                    

Kabanata 2

SABAY kaming naglalakad sa ilalim ng maulap na kalangitan. Panay ang salita niya pero malimit ko lang ibuka ang bibig ko. Mas madalas ang pagtango at tipid na pagngiti ang ginagawa ko. Kahit gusto ko siyang maging kaibigan, hindi ako umiimik dahil may bahagi ko ang natatakot na baka hindi niya magustuhan kung anoman sasabihin ko.

"Mahilig ka bang makinig ng tugtog? " tanong niya.

"A-actually hindi . . ." Hindi ko magawang tumingin sa kaniya. "H-hindi ako gaanong nakikinig sa music . . ."

"E ano ang pinagkakaabalahan mo kapag wala kang ginagawa?"

"Mahilig akong mag-sketch."

Lumawak ang ngiti niya. "Puwede mo kaya akong ma-sketch minsan?" Tumango na lang ako.

Pagdating namin sa school, nagpaalam na siya dahil kailangan niya raw magpunta sa faculty na itinanong niya pa sa akin kung saan mahahanap. Ipinarada ko ang bisikleta sa bike parking rack saka tikom ang bibig na naglakad papunta sa classroom namin.

Panibagong araw na naman ng pagiging mag-isa. Pagpasok ko sa loob, nadatnan kong magulo ang klase. May mga naghahabulan, nakaupo sa lamesa, nagkukumpulan sa likod, at nagbabatuhan ng papel. Napakaingay at napakasayang tignan . . Pero hindi ako bahagi no'n.

Kahit nasa iisang kuwarto kami, para akong nasa ibang mundo. At ang mundo kong iyon ay masiyadong tahimik. Walang ingay at tawanan na nagbibigay-buhay gaya ng sa kanila. Inilabas ko ang sketchpad ko at sinimulang iguhit ang tagpo kanina sa labas kung saan kasama ko si Doll.

Nag-angat ako ng tingin ng dumating si Ma'am Garcia na siyang adviser namin. Bahagiyang namilog ang mga mata ko ng makita kung sino ang nakasunod sa kaniya—si Doll. Agad kong isinara ang sketchpad at itinago sa loob ng bag ko dahil sa hiya kung sakaling mapansin niya iyon at matanaw kung ano ang naka-drawing. Nakatingin ang lahat sa nagliliwanag na mukha ni Doll. Malawak ang ngiti niya at kumikinang ang mga mata habang pinapasadahan ng tingin ang bawat isa.

"Kumusta kayong lahat? Ako si Doll Ponce, nice to meet you all!" Hindi niya maitago ang excitement. Para bang gusto niya pang tumalon habang kumakaway.

"Pagpasensiyahan mo sana ang klaseng ito. Magugulo ang mga tao rito," ani ma'am.

Umabot sa tenga ang ngiti ni Doll. "Talaga po? Ibig sabihin pala hindi ako mahihirapang mag-adjust. Magulo rin ako e!" Malakas siyang tumawa na kalaunan ay sinabayan na ng lahat.

Habang pinagmamasdan ang masaya nilang mukha, alam ko na. Nakuha kaagad ni Doll ang puso nila . . . Ang puso naming lahat. Halata ang pagiging bubbly niya at magaan din sa pakiramdam ang vibe na dala niya. Kaya hindi kataka-taka na madali siyang nagustuhan ng klase. Akala ko hindi niya ako nakita dahil hindi ko naman siya napansing bumaling sa direksiyon ko pero nagulat na lang ako ng tabihan niya ako't kausapin.

"Hi, Naya," bati niya. "Tabi tayo, ha."

Nahihiya akong ngumiti at marahang tumango. Nang simulan ni ma'am ang discussion, panay ang mahinang pagbulong niya sa akin. Hindi siya nakikinig at panay lang ang kuwento tungkol sa iba't ibang bagay na hindi ko naman gaanong nasusundan. Hindi ko alam kung naisip niya ba na wala akong pakialam dahil halos hindi ako sumasagot kaya siya tumigil o napagod lang siya sa kakasalita.

Agad siyang napalibutan ng mga kaklase ko ng tumunog ang bell, sign na breaktime na namin. Para siyang isang celebrity na pinagkakaguluhan at gustong makilala ng lahat.

"Saang school ka galing?"

"Bakit ka nag-transfer?"

"Bakit dito mo naisipang lumipat?"

Itinaas niya ang dalawa niyang kamay, tila sumusuko saka natatawang nagsalita, "Isa-isa lang, mahina ang kalaban. Para niyo naman akong ini-interogate niyan e."

Gusto kong marinig ang sagot niya. Mukhang hindi naman ako napapansin ng mga kaklase namin kaya kinuha ko ang baon ko at tahimik na kumain sa tabi niya.

"Galing ako sa Cavite National High School. Dito ako nag-transfer sa SJU kasi wala lang . . . Ano lang, may kakilala ako na dito nag-aaral kaya dito na lang din ako. Masiyado akong tamad para pag-isipan pa kung saan ako papasok. Pare-pareho lang naman na merong mga estudiyante at teacher ang bawat eskuwelahan."

"Anong section nung kakilala mo? Bakit hindi ka roon?"

"College na iyon."

Napa-'ah' ang lahat. Meron din kasing college ang Saint Joseph's University. Kahit nga elementary at pre-school. Bukas sila sa kahit anong level ng pag-aaral. Tahimik lang akong nakinig sa kanila. May bahagi ko ang gustong marinig kung ano pa ang mga itatanong nila't isasagot niya.

"Ano naman ang pinagkakaabalahan mo kapag walang pasok?"

"Well, hindi naman talaga ako naaabala sa pag-aaral pero nagbabanda ako."

Bumilog ang mata ng mga nakapaligid sa kaniya.

"Ano ang position mo?"

Mayabang siyang ngumisi. "Vocalist." Napaurong sa hangin ang mga ulo nila, halatang hindi naniniwala. Umangat ang gilid ng labi ni Doll saka nagsalita, "Mga baliw ba kayo? Tatanong-tanong kayo riyan tapos hindi kayo maniniwala."

"Totoo ngang vocalist ka? Wala sa hitsura mo na marunong kang kumanta."

"Tsk, tsk, tsk. Judger ka a. Alam mo ba na hindi tamang jina-judge mo 'yung isang tao base sa hitsura niya? Baka kapag narinig mo akong kumanta maging number one fan na kita. Saka huwag mong mamaliitin ang singing skills ko . . . Lola ko ang nagturo sa akin."

Hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin pero ng banggitin niya ang salitang "lola" kita ko kung paano sandaling lumamlam ang ekspresiyon niya. May magtatanong pa sana sa kaniya pero inunahan niya iyon sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay at pagtayo.

"Tama na ang mga tanong, nagugutom na ako. Para niyo naman akong ginagawang artista niyan e. Ganito ba talaga ako kaganda para pagkaguluhan niyo?" Malawak ang ngisi niya.

Totoo yung sinasabi niya. Isang oras pa lang simula ng makilala siya ng klase pero napakagaan na kaagad ng loob nila sa kaniya. Alam kong hindi tama pero hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting kurot ng inggit. Ilang taon na nila akong nakakasama pero ni isang beses hindi ko naranasang i-approach nila. Nasa akin ba talaga ang problema kaya hindi ako makahanap ng kaibigan? Ano ba ang mali sa akin?

Nawalan ako ng ganang kumain. Tahimik akong yumuko sa gilid at hinintay na matapos ang break bago nag-angat ulit ng ulo. Pagbalik ni Doll, hindi ko siya matignan. Sinubukan niya akong kausapin pero hindi ko siya pinapansin. Hindi ko alam kung paano siya sasagutin lalo na't nahihiya ako dahil mediyo naiinggit ako sa kaniya kahit alam kong hindi tama.

Katagalan ay sumuko rin siya. Itinikom niya ang bibig niya at hindi na ako muling kinausap. Mariin kong naiyukom ang kamao kong nakatago sa pagitan ng mga hita kong natatakpan ng palda. Gusto kong umiyak. Paano kung iniisip niya na masama ang ugali ko dahil hindi ko siya pinapansin? Mariin akong napapikit. Pilit kong isinisiksik sa isip ko na "masiyado lang iyong maliit na na bagay para i-overthink" pero hindi ko mapigilan.

Natauhan ako ng biglang tawagin ng teacher namin ang buong pangalan ko. Nangangatal ang katawan kong nag-angat ng tingin para salubungin ang matalim niyang tingin.

"Are you with me?" tanong ni Ma'am Kristie.

Nakatingin na sa akin ang lahat. Agad akong tumango saka nanginginig ang kamay na binuklat ang science book sa kung anong page lang. Gusto ko ng umiyak. Naiinis din ako sa sarili ko. Bakit ba napakababaw ng luha ko? Napakaiyakin. Isang crybaby. Pinanghihinaan kaagad kahit sa isang napaka-minor na inconvenience lang.

"Okay ka lang?" rinig kong tanong ni Doll.

Tumingin ako sa kaniya. Hindi. Naiiyak ako. Gusto kong kainin na ako ng lupa ngayon, ang mga gusto kong sabihin pero hindi ko naibuka ang bibig ko. Sa halip, inalis ko ang mata ko sa kaniya at iniwang nakabitin ang tanong niya sa hangin. Inasahan ko na muli siyang mag-a-attempt na kausapin ako, at kung gagawin niya iyon ay papansinin ko na siya, pero hanggang sa nag-uwian ay hindi niya na ako inimik.

Tahimik niyang iniligpit ang mga gamit niya hanggang sa lapitan siya nina Shiela at Sophie. Nagsimula na namang lumawak ang ngiti sa bibig niya saka walang humpay na nagsalita hanggang tuluyan silang makalabas ng room. At ako, naiwang mag-isa at tahimik na nakasunod ang tingin sa kanila.

KaibiganWhere stories live. Discover now