Chapter 3: The Weird Job Offer

6 0 0
                                    

When you badly need money, it's okay to take on weird jobs, as long as your morality is not compromised.

Napanganga si Danica sa kanyang narinig. Agad kasing tinapos ng tumawag sa kanyang lalaki ang usapan nila nang sumang-ayon siya.

Teka, hindi ba 'yon scam? Anong deal? sa isip niya habang nagto-toothbrush sa maliit nilang banyo.

Medyo matagal na rin sila sa bahay na kanilang inuupahan ngayon simula nang mamatay ang kanilang ama. Lumipat sila sa mas maliit na lugar kaysa dati para mas makakatipid sila.

Dahil malapit lang naman ang address na iyon sa bangkong kanyang pinagtatrabahuhan ay naisip niyang subukan na lang na puntahan. Nag-text na lang siya kay Pita para kapag nagkataon na may masamang mangyayari sa kanya ay may nakakaalam kung saan siya huling matatagpuan. Hindi niya muna ipinagpaalam sa pamilya niya dahil hindi pa naman niya alam kung ano talaga ang deal na iyon at ayaw niyang mag-aalala kung sakali man.

Kasabay niyang kumain sa almusal si Dinara at ang ina nila at sabay silang aalis na magkapatid sa bahay katulad ng dati. Ang dalawang kambal naman ay mas maagang umaalis ng bahay dahil sa maaga ang klase ng mga ito kaya wala pang alas siyete ay naghihintay na ng masasakyan ang mga ito.

"'Nay, wala ka bang planong mag-asawa ulit? Hindi ka naman mukhang singkuwenta y singko," usisa ni Dinara. Ilang beses na rin nitong tinanong ang ina tungkol sa bagay na ito.

Sinamaan niya ng tingin si Dinara.

"Ba't ka ba paulit-ulit, Dinara, ha? Mahal nga ni Nanay si Tatay. Ikaw talaga!"

Napatawa ang ina nila na nagpatuloy lang sa pagkain.

"Eh, ikaw, 'Te? Kailan ka ba mag-aasawa? Sa susunod na birthday mo, lampas ka na sa kalendaryo," hirit pa nito at saka ngumisi. Ginagad talaga siya nito.

Muntik na siyang mabulunan dahil dito. Napasuntok siya sa kanyang dibdib at uminom na lang ng tubig pagkatapos. Pagkuwa'y sinapak niya sa batok ang kapatid na nasa tabi lang niya nakaupo.

"Aww!" ani Dinara na napasimangot at sapo ang batok.

"Iyan ang bagay sa 'yo. Puro ka na lang love life. Ikaw ba ay may nobyo na, ha? 'Di ba dapat pag-aaral ang inaatupag mo, ha?" sumbat niya rito.

"Hindi, 'Te. Wala akong love life. Concerned citizen lang ako sa love life n'yo ni Nanay. Siyempre, magkakaedad na rin kayo ay wala kayong partner. Paano kung nag-asawa kami nina Dreyfus at Darius? Paano na kayong dalawa?"

Laglag ang panga nilang mag-ina. Pero una siyang nakabawi. Sinapak na naman niya ito sa batok.

"Aray! Ate naman! Nakadalawa ka na, ah!" reklamo nitong nakabusangot.

"Kung walang mag-aasawa sa 'min na dalawa ni Nanay, eh 'di magkakasama pa rin kami. Loka ka talaga, ah! 'Tsaka... sa ganda ko ba namang ito hindi ako makakapag-asawa? May marami akong manliligaw, baka akala mo! Hindi ko lang pinatulan ang mga iyon dahil sa inyo na mga kapatid ko. Responsibilidad ko kayong makapagtapos ng pag-aaral. Inuuna ko 'yon kaysa love life ko!"

Napabuga ng hangin ang kapatid niya at lumabi. "Tsk! Kasalanan pala namin kapag hindi ka makapag-asawa, 'Te."

"Ngayon mo lang naisip iyan?" sarkastikang aniya.

"Mag-asawa ka na kaya sa taong 'to, 'Te?" mungkahi nito.

Sasapakin na naman sana niya ito pero sinalag na nito ang kamay niya.

"Tama na, 'Te, ha! Quotang-quota na ako sa pananapak mo, ah! Akala mo ba isa akong sanggano? Hindi ba tayo puwedeng mag-usap nang matino? Siyempre, ayoko namang magiging matandang dalaga ka. Dapat may anak kang mag-aalaga sa 'yo kapag tumanda ka na." Bumaling ito sa ina nila. "'Di ba, 'Nay?"

Taming the Naughty Bastard - Nobelista ExclusiveHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin