"Ginoong Oclamidos," aniya, "mabuti't BUHAY ka pa, ngunit buong akala ko'y pinagbabawal ka na ng Hari ng Silangang Serentos na bumalik pa rito."

Sa kanyang isinambit ay nagtaka ako. "Anong ibig mong sabihin?"

"Paumanhin, ngunit sa ilang linggong pagliban mo ay katumbas no'n ang pagpapatalsik sa'yo bilang opisyal na estudyante ng Academia. Inaasahan ko pa namang ipaalam ng Hari sa'yo ang tungkol rito."

Parang nanlumo ang mundo ko ng marinig ko mula sa kanya na ipinapatalsik na ako bilang estudyante ng Academia. Ang masakit pa, ipinaalam na 'to kay Haring Leo ngunit ngayon ko lamang naalam ang tungkol rito.

"Ngunit ako'y dinukot ng mga Pirata kaya ako'y nawala ng ilang linggo!"

"Hindi na namin kasalanan ang kapabayaan mo sa iyong sarili, Oclamidos. Mabuti pa't ihanda mo na ang iyong sarili para nalalapit mong araw bilang tagapagmana ng inyong kaharian. Adios," muli niyang wika at tuluyang naglaho sa paningin ko.

Hindi ko lubusang matanggap ang katotohanang hindi na ako magpapatuloy sa pagiging estudyante ko dito sa Academia. Tila hindi ko na maitutupad ang ipinangako ko sa aking sarili na magtatapos dito kasama ang mga kaibigan ko. Ang pangakong iyon ay naglaho dahil sa mga salitang binitiwan ni Guro Giz.

Ngunit, bakit si Guro Giz mismo ang nagsabi iyon sa akin? Nasaan si Master Yves? Siya ang dapat kong kausapin sa oras na ito!

Sina Rafaela, Raphael, Leia, Philip, at Xandrus—gusto ko na silang makita muli at tanungin kung bakit ganito na ang nangyari sa Academia, at kung bakit napasakin na ang kapangyarihan ni Xandrus.

Ayokong umalis dito na walang kaalam-alam sa kaganapan sa loob. Kailangan kong gumawa ng paraan upang makakuha ako ng atensyon.

Umatras ako ng ilang hakbang at tinanaw ang malaking tarangkan ng Academia. Nakabantay pa rin ang kawal sa loob mg force field at mukhang nag-aantay sa susunod kong gagawin.

Isang malalim na paghinga ang binitawan ko bago tumakbo ng kay bilis. Binangga ko ang aking sarili sa force field ng Academia at naramdaman ko ulit ang kumukuryente nitong enerhiya na nagpadaing sa akin.

Hingal na bumagsak ang aking sarili sa lupa. Pinagsasabihan pa ako ng mga tagabantay na itigil ang binabalak kong gawin ngunit pilit akong bumangon at umaatras muli.

Sa ikalawang pagkatataon, tumakbo ako at bumundol sa force field ng kay lakas. Tila naghihina na ako sa epekto ng nakakakuryenteng force field ngunit kasabay no'n ay ang pagtungog ng mga alarm sa loob.

Sana'y tumalab ang plano ko.

Balak ko sanang ulitin iyon ngunit bigla na lamang lumabas mula sa sirang tarangkahan ang mga tagabantay at sumugod patungo sa akin. Sa takot na baka mahuli nila ako ay nawasiwas ko agad ang aking mga kamay na siyang naglabas ng mga bolang apoy at lumipad patungo sa gawi nila.

Kahit naninibago ulit ako ay sinusubukan kong gamitin ang kapangyarihan ko katulad noon at kung paano ito gamitin ni Xandrus.

Kumalat ang apot sa paligid na siyang nagpapigil sa mga tagabantay na lumapit sa akin. Kinuha ko ang pagkakataon na tumakas mula sa paningin nila.

Saktong nakabukas pa ang force field na nilabasan ng mga tagabantay kaya dali-dali akong nagtungo doon at tuluyang nakapasok.

Nilagpasan ko ang mga puno hanggang sa nakarating ako sa sirang tarangkahan at pumasok rito. Akala ko walang bantay ngunit nahagip ako ng mga kawal sa may di-kalayuan.

"AYUN ANG MANANALAKAY!"

Iyon ang itinawag nila sa akin na ikinainis ko ngunit nagpatuloy lamang akong tumakbo upang hanapin ang mga kaibigan ko. Kasalukuyan pa ring tumutunog ang mga alarm kaya paniguradong nagkakagulo na ang lahat ngunit nang makarating ako sa parang ay tila nagulat ako sa aking nasaksihan.

Lahat ng mga guro at estudyante ay nagtipon-tipon at parang bang may inaantay ngunit sa kay daming mga matang nakatingin sa akin ay mukhang ako ang inaantay nilang dumating.

"Tignan nyo ang lapastangang nanalakay sa ating Academia!" ani ni Guro Giz na siyang nasa pinakaharapan ng mga nagtipon sabay turo sa aking kinatatayuan.

Kita ko ang gulat sa mga mukha nila na parang bang kailanman ay hindi ako ang minsang nakakasalubong nila tuwing oras ng klase.

"Siya! Siya ang may pakana ng pagwasak ng mga gusali dito sa Academia at sa paglagay ng ating buhay sa kapahamakan dulot ng kanyang kapangyarihan!"

Sa aking pagmasid muli sa paligid ay saka ko lang napansin na may mga nawasak na gusali ngunit lingid pa rin sa aking kaalaman ang dahilan ng mga ito. Ngayon naman ay ako ang pinagbibintangan ni Guro Giz.

"Oclamidos, hindi ko inaasahan mula sa iyo na magagawa mong lapastangin ang sarili mong Academia," wika ni Guro Calyspo.

Nagsimulang magsipagbulungan ang mga estudyante ngunit sa gitna ng kumpulan ay may humakbang na tatlong malilit na estudyante. "Hindi totoo iyan!"

Iyon ang pagsigaw bigla ni Chang at aakma sanang tumakbo sa akin ngunit pinigilan silang tatlo ng mga Guro. Tila pilit nilang tumakas nang hawak-hawak ang kanilang mga balabal ng mga Guro.

Sa kabila ng sayang naramdaman ko saglit nang makitang ligtas ang tatlong bubwit, pangamba at pagtataka naman ang pumalit ulit sa aking isipan.

Hindi ko mahagilap si Mastey Yves.

Pati mga kaibigan ko.

Si Xandrus.

Sina Tito Markus at Tita Kyla.

Ang ibig sabihin ba nito ay Guro Giz na ang namamahala ng Academia? Paanong nangyari iyon?

Sa gitna ng tensyon ay hindi ko namalayang pinaligiran na pala ako sa aking likuran ng mga kawal ng Academia. Hindi ko inaasahan ang biglang pagdami nila sapagkat hindi kasinglaki ng isang kaharian ang paaralang ito upang magkaroon ng ganito kadaming kawal.

"Sumuko ka na, taksil. Lumisan ka na dito sa Academia dahil ang mga katulad mo ay hindi nararapat na mag-aral dito kung maghahasik ka lamang mg lagim at—"

"Kailanma'y hindi ko balak na maghasik ng lagim sapagkat nasa panig ako ng liwanag,  Guro," ngayo'y tumutol na ako sa pinagsasabi niya.

"Hangga't hindi ko naririnig mula sa bibig ni Master Yves na tapos na ang pagiging estudyante ko rito, hinding-hindi ko paniniwalaan ang bawat salitang bibitawan mo, Guro."

"Hindi mo ba ako gagalangin bilang bagong tagapamahala ng Academia? Binabanggit mo palang ang pangalan ni Yves ay nakakawalang-respeto na sa akin, sapagkat naituwid ko na ang mga katiwalian sa panunungkulan ng dating tagapamahala."

Tama nga ang hinala ko. Siya ang pumalit kay Master Yves kaya siya ang nangunguna ngayon rito.

"Mga kawal, paalisin ang lapagtangang iyan," sabi niya saka sumunod sa utos ang mga kawal sa paligid ko.

Bigla namang may lumipad na sibat patungo sa aking gawi kaya't napalabas ako ng bolang apoy sa dis oras upang subukang pigilin iyon. Kasabay no'n ay ang paglakas ng mga bulung-bulungan ng mga estudyante pagtapos masaksihan ang ginawa ko.

"Susubukan na niya ulit na sirain ang Academia! Pigilan siya!"

Sa utos ni Guro Giz ay nagsipaghakbang ang kawal pati ang mga naging Guro ko palapit sa akin. Kailanma'y hindi ko inaasahang kakalabanin ako ng pinakamamahal kong Academia.

Wala akong laban sa kanila.

Balak ko na sanang sumuko nang may usok na sumulpot sa harap ko. Nakatayo sa aking tapat ay si Philip. "Jai."

Sa kanyang paghawak sa akin ay bigla akong nakaramdam ng hilo. Pagkatapos no'n, napagtanto kong wala kami sa loob ng Academia at nasa ibang lugar na kami.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Where stories live. Discover now