Part 7

126 8 0
                                    

PINAGMASDAN ni Aera ang tatlong magkakatabing establisimento sa harapan niya. Sa left side ay isang beauty salon. Sa right side naman ay isang milk tea shop. At sa gitna ay ang dating car wash ni Mang Baste pero improved version na. Kasalukuyang may isang kotse na nililinis doon ang isang car wash boy.

Lahat ng iyon ay mga negosyo ni Polly. Kaya naman taas-noo ang beki habang ipinangangalandakan sa kanya ang pagiging isang successful "businesswoman" nito.

Mapera si Polly kaya naman nagawa nitong mabayaran ang hospital bill niyang hindi lahat ay sinagot ng health card at Philhealth kaya malaki pa rin ang kinailangang bayaran sa ospital.

Umabot sa four hundred sixty thousand pesos ang bill ni Aera sa ospital. Wala pang kalahati ang sinagot ng HMO at Philhealth. Kaya paglabas niya ay may utang siyang two hundred ninety thousand pesos kay Polly.

Confident naman si Aera na may ipon siya dahil matipid siyang tao at mahilig mag-save at malamang rin na may insurance siya at covered niyon ang accident. Kaya puwede rin niyang ma-reimburse ang nagastos sa ospital kaya paglabas sa ospital ay kinalkal agad niya ang mga gamit sa bahay para hanapin ang passbook at insurance.

Pero wala siyang nakitang insurance at ang laman ng kanyang passbook ay one hundred fifty thousand pesos lang. May nakita pa siyang isang ATM card na mukhang pinagbabagsakan ng sahod niya at sinubukan niyang hulaan ang pin code niyon. Nahulaan naman niya pero nanlumo siya nang makitang sampung libo lang ang laman ng ATM card.

Kaya ngayon ay may utang pa si Aera kay Polly at hindi ito pumayag nang sabihing babayaran na lang niya ang natitirang utang sa oras na bumalik na ang alaala niya. Ang sabi nito, since hindi na siya makakabalik pa sa trabaho dahil wala siyang kapasidad na maging accountant sa mga panahong iyon ay magtrabaho muna siya sa negosyo nito. Pagtrabahuhan daw niya ang utang niya para makabayad siya nang paunti-unti hanggang sa bumalik sa dating sarili.

Pumayag na lang si Aera dahil wala rin naman siyang mapagkukuhanan ng kakainin kung kinuhang lahat ng bruhang bakla ang pera niya.

"Papipiliin mo ba ako kung saan ko gustong magtrabaho?" tanong ni Aera sa beki. Tumuon ang tingin niya sa kanan. "Sa milk tea shop na lang. Turuan mo na lang akong magtimpla ng milk tea."

Eight years ago ay mayroon nang milk tea pero hindi pa ito ganoon kasikat. Hindi tulad sa kasalukuyang panahon na halos lahat ng maraanan ay may milk tea shop na.

Umigkas ang kilay ni Polly. "Anong papipiliin? Hindi kita pinapapili. Magtatrabaho ka sa lahat nang 'yan."

Napanganga si Aera. "Ha?"

"Monday and Tuesday, doon ka sa parlor. Magwalis-walis ka roon ng ginupitang buhok, magsa-shampoo ng customer, tatayo sa counter..." Itinuro nito ang milk tea shop. "Wednesday and Thursday, doon ka sa milk tea shop. Mag-a-assist ka kay Jelay sa pagtimpla ng milk tea at maglilinis ng shop. Friday and Saturday, dito ka sa car wash."

"Ano'ng gagawin ko sa car wash?"

"Ano pa? Eh, di maglilinis ng kotse!"

"Paglilinisin mo 'ko ng kotse?" hindi makapaniwalang pagkumpirma niya.

"Ano'ng gusto mo? Ikaw na lang ang ipanglinis sa kotse?"

Bumalik ang tingin ni Aera sa car wash boy na may hawak na malaking sponge na ikinukuskos nito sa car door.

Ni wala siyang nakitang kotse sa garahe niya. Wala siyang sasakyan kundi ang scooter na naibangga niya kaya malamang ay hindi rin siya marunong maglinis ng kotse. At saka sa ganda niyang iyon, gagawin lang siyang car wash girl ng malditang beking ito?

"Baka naman... puwedeng sa parlor na lang, saka sa milk tea shop ako—"

"Hindi puwede! Kung hindi ka papayag sa gusto ko, ibalik mo ngayundin ang perang ipinambayad ko sa hospital bill mo." Inilahad ni Polly ang palad habang may pagtataray ng kilay. "Kung hindi, idedemanda kita ng fraud."

Between An Old Memory And Usحيث تعيش القصص. اكتشف الآن