CHAPTER EIGHT

Magsimula sa umpisa
                                    

"Nagkita na pala kayo ng Papa mo." Turan ni Tita Rosa na hindi nililingon si Papa.

Halata sa mukha ni Tita Rosa na parang nag-aalangan itong kausapin si Papa. Parang galit parin siya dahil sa nagawa nito sa Mama ko noong maliit pa ako.

"Rosa, can we talk outside?" Tanong ni Papa kay Tita.

Hindi nagsalita si Tita Rosa at lumabas na lamang ito sa kwarto. Sumunod naman sa kanya ang aking Ama.

Hindi ko na inusisa pa kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa. Pero kung tungkol man iyon sa pagkuha sa akin ng aking Ama, sana'y pumayag si Tita Rosa. Alam naman niya kung gaano ako kasabik na magkaroon ng isang magulang.

Pero kung hindi man papayag si Tita Rosa, sana'y payagan niya nalang ang Papa ko na bumisita sa amin paminsan minsan. Gusto kong makabuo ng isang magandang alaala kasama si Papa kahit wala na si Mama. Alam kong magiging masaya siya kapag nalaman niyang muli kaming nagkasama.

———

Paglabas ko kinabukasan sa ospital ay dumiretso kami sa bahay ni Tita Rosa. Hinatid kami roon ng sasakyan ni Papa. Hindi na rin nagtagal si Papa dahil may aasikasuhin pa raw ito tungkol sa residency niya dito sa Pilipinas.

Pagdating sa bahay ay hindi namin nadatnan si Tito Hermes. Hindi rin alam ni Tita Rosa kung saan ito nagtungo.

Hanggang ngayon ay hindi alam ni Tita Rosa ang totoong nangyari. Ang alam lang niya ay nabangga ako ng sasakyan ni Papa.

Tama na rin siguro na hindi niya malaman ang kahayupang ginagawa sa akin ng asawa niya. Ayokong maiwang mag-isa rito si Tita Rosa kung sakaling kunin man ako ng Papa ko.

"Jinuel, halika muna dito." Tawag ni Tita Rosa sa akin. Lumapit naman ako sa kinauupuan niya.

"Bakit po?" Tanong ko.

Napabuntong hininga muna si Tita Rosa bago sumagot. "Alam ko, gustong gusto mo nang makasama ang Papa mo. Gusto man kitang tutulan sa magiging desisyon mo, malaki ka na at may sarili ka ng desisyon sa buhay. Pero kung ako ang tatanungin, ayaw ko." Saglit na tumigil sa pagsasalita si Tita Rosa. Humugot ito ng mahabang paghinga. "Hanggang ngayon ay nasasaktan parin ako sa pagkawala ng Mama mo. Pero nangako siya na babawi siya sa'yo." Pagtatapos nito na pinipigilan ang pagtulo ng luha.

"A-ano pong ibig niyong sabihin, Tita?"

Lumingon sa akin si Tita Rosa na may pangingilid ng luha. "Gusto kang kunin ng Papa mo. Gusto ka niyang makasama dito sa Pilipinas. Dito na siya maninirahan."

Bigla akong napangiti sa sinabi ni Tita Rosa. Parang nagalak ang puso ko na malaman na dito na maninirahan ang Ama ko. Sa wakas ay makakasama ko na ito. Mapupunuan na rin ang puwang na kulang sa puso ko.

Pero mas masaya sana kung narito lang si Mama. Kumpleto sana kaming tatlo.

"G-gusto mo bang sumama na sa kanya?" Tanong nito sa akin. Mabilis akong tumango. Napabuntong hininga naman si Tita Rosa at umiwas ng tingin sa akin. "M-mabuti na rin siguro iyon. Atleast, malayo ka na sa Tito Hermes mo. Hindi ka na niya masasaktan." Sabi pa nito at tumayo upang magtungo sa aking kwarto. Sinundan ko naman si Tita Rosa roon na isa isang nilalagay ang mga damit ko sa bag.

"Tita, kahit naman po na kay Papa na ako, hinding hindi parin kita iiwan. Pupuntahan kita dito para bisitahin."

Lumingon sa akin si Tita Rosa at niyakap ako. "S-salamat, Jinuel. 'Wag kang mag-alala, bibisitahin rin kita paminsan."

———

"We're here." Masayang sabi ni Papa pagtigil namin sa isang brown na pinto.

Hindi ko napigilan ang mapa-nganga nang buksan ni Papa ang pintuan. Maliit lamang ang pintuan sa labas, pero sa loob naman ay parang palasyo. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nakakita ng ganito kagandang bahay.

The Boys of Barangay SantolanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon