Tula 2

3 0 0
                                    

Ako si makata
Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo ang isang kwento ng aking pinsala
Simulan natin sa pagbubukas ng mga tabing na tela
Na kung saan ang tanghalan ay hindi pamilyar sa akin, teka
Isinabak ako sa eksenang hindi ko alam
Biglaan
Natunghayan ko ang mundo ng wala pa akong muwang
Sa mga nangyayari ngunit kailangang gawan ng paraan
Hindi handa sa daloy dahil parang bangkang ano mang oras ay tataob na dahil sa malakas na mga alon
At hindi nabigyan ng sagwan upang ako ay hindi malamon
Ng reyalidad na.. Heto na
Kailangan kong labanan dahil nasa harap ko na
Nasa harap na ako ng mga taong maaaring humusga, ng madla
Pinilit ko naman na gawin ang lahat nang makakaya
Nang masanay ako ay biglang namatay ang mga ilaw sa tanghalan at naiwan akong mag-isa
Ang hirap pala
Ang mapunta sa sitwasyong hindi mo pa dapat kinasasadlakan
Walang masumpungan na liwanag
Sinamantala ng lungkot at ng malabong pagbabanaag
Ng mga taong biglang nawala sa entablado na dati ay kasama mo
Nadurog ako
Pinanghawakan ko ang pag-asang matatapos din ang dilim
Ngunit doon na narinig ang mga panghuhusga na sa akin ay ibinato
Hindi ko naramdaman ang presensya ng madla nung sinusubukan ko
Pinaluhod ako ng takot at pagkabigo
Sa tanghalang pinilit kong sabayan ang bugso
Ngunit aking narinig ang panghuhusga sa aking pagsuko
Ginawa ko naman kahit ang hindi pa dapat
Tinawid ang linyang hindi naman lapat
Ako si makata, at oo, ito ang ikinadurog ko
Hindi ako para sa lahat ng entablado
Ngunit pilit akong hinuli at walang sabi-sabing ikinandado
Sa kapalaran na hindi ko kailanman ginusto
Ang humarap at pilit naging handa para sa mapanghusgang mundo
Pilit nitong hiningi ang mga bagay na wala ako
Hanggang sa masagad ang pagod sa aking katawan, hindi siya nakuntento
Binuksan ang ilaw ng tanghalan
Kung kailan nasanay na ako sa nasandalang kadiliman
Patuloy ang pagbabago ng paligid ko ngunit hindi ako kailanman magiging handa
Oo, ako si makata
At hindi ako para sa mapanghusgang madla

Isang Daan at Isang mga Tula (Unspoken Poetry)Where stories live. Discover now