Chapter III

13K 336 6
                                    

"Miss?" tawag ng guard nang hindi siya nakasagot.

"Pakisabi na lang po. Ako 'yung babaeng inalok niya ng trabaho kahapon."

Matapos ang ilang saglit ibinaba ng guard ang phone.

"Miss, nasa meeting raw si Madam. Bumalik ka na lang bukas."

"Naku, Manong guard, wala na po akong ipapamasahe bukas. Baka po pwedeng hintayin ko na lang si Madam."

"Sige, ikaw ang bahala. Pero hanggang diyan ka lang sa labas. Bawal ka sa loob."

"Okay lang po," aniya sabay senyas ng ayos sa matanda.

Matiyagang naghintay sa labas si Isay. Kung ano-ano ang ginagawa niya para lang hindi mainip. Naroong maglaro siya ng games sa cell phone niya, magbilang ng mga kotseng dumarating at makipagkulitan sa gwardiya. Gabi na halos nang lumabas ng building si Mrs. Lee. Pero sa kasamaang palad, nakaidlip na si Isay sa kinauupuan niya kaya hindi na niya napansin ang pagdaan nito.

"Manong Guard! Matagal pa ba?" tanong ng dalaga nang magising.

"Naku! Nakaraan na kanina pa."

"Ano po?!" Napasimangot ang dalaga. Hindi man lang kasi siya ginising ng mga guard. Bagsak ang mga balikat na naglakad siya palayo sa building.

"Grabe! Ang malas ko talaga," asar na sinipa niya ang niyuping lata ng softdrinks at aksidenteng tumama sa harapang salamin ng pulang kotseng nakaparada sa gilid ng kalsada.

Napakagat-labi siya. "Patay! Lagot na naman!" Akmang tatakbo siya nang marinig niya ang sigaw ng lalaki. Dali-dali itong bumaba ng kotse at ilang saglit pa ay nakalapit na ito sa kanya.

"Ikaw na naman?!"

Sa dami ng ilaw sa buong paligid kitang-kita niya ang pagkunot ng noo ng lalaki.

"Sorry! Hindi ko sinasadya," aniya sabay yuko.

"Hindi ako tumatanggap ng sorry lang. Bayaran mo 'yan!" anang lalaki sabay turo sa salamin na bahagyang nagasgas.

"Grabe ka! Hindi naman na-ano 'yang kotse mo, ah," hirit ng dalaga.

"Ano'ng hindi? Bulag ka ba, ha?" angil nito.

"Ah, basta. Hindi ako magbabayad. Wala naman akong ipambabayad sa'yo, noh."

"Sige, sa presinto ka na lang magpaliwanag," sabi ng lalaki na siya ring nakabanggaan niya kanina. Nang dinukot nito ang cell phone sa bulsa. Biglang kumaripas ng takbo si Isay.

"Hoy! Bumalik ka rito!" Agad na sumakay ng kotse ang lalaki at hinabol siya. Pero dahil sa maliit na eskinita siya dumaan, hindi na siya nasundan ng binata.

Hingal na hingal si Isay nang makabalik ng bahay. Sa sobrang pagod napaupo na lang siya sa hagdanan. Halos hindi na niya kasi maihakbang ang mga paa niya paakyat sa apartment. "Grabe, Isay! Ano ba namang kamalasan itong inaabot mo," tanong niya sa sarili.

"Isay! Nandiyan ka na pala," boses ni Aling Maria na noo'y nakatanaw sa kanya mula sa ibaba.

Mariing napapikit ang dalaga. "Ito pa ang isang disgrasya."

"Aling Maria, pasensiya na po, ah. Hindi ko po nakausap 'yung magiging amo ko, eh." Tumayo ang dalaga at naglakad pababa ng hagdan.

"Okay lang. Gusto ko lang ipaalam sa'yo na may lilipat na sa kwarto mo sa susunod na linggo. Pasensiya ka na, ha? Walang-wala talaga kami ngayon, eh."

Gumuhit ang mapait na ngiti sa mga labi niya atsaka siya tumango. Ano pa nga ba'ng magagawa niya? Eh, nakapagdesisyon na ito.

Nangingilid ang luha ni Isay habang hinihintay ang maluto sa mainit na tubig ang cup noodles na magsisilbing hapunan niya. Mula nang tumuntong siya sa Maynila, wala pang nangyayaring maganda sa buhay niya. Lumuwas siya, sa paniniwalang madali siyang makakahanap ng trabaho. Pero paubos na ang dala niyang pera hindi pa rin siya nakakahanap ng matinong mapapasukan. Twenty six years old na siya pero hanggang ngayon wala pa rin siyang regular na trabaho. Puro part time lang ang nakukuha niya. Kaya hindi rin sumasapat sa panggastos niya araw-araw. Ang dami niya pa namang naipangako sa tatay niya. Mabuti na lang pala at hindi niya pa ito naiiutang ng tricycle na pamasada. Dagdag pa 'yon sa aalalahanin niya 'pag nagkataon.

Wala sa loob na inabot niya ang cell phone niya at muli niyang tinawagan ang numero ng babaeng nag-aalok sa kanya ng trabaho.

"Hello!"

Muntik na niyang mabitiwan ang cell phone nang biglang sumagot ang babae. Umaayos siya nang pagkakaupo bago siya sumagot.

"Hello. Good evening, Ma'am. Ako po si Isay, 'yung inaalok niyo po kahapon ng trabaho. Natatandaan niyo pa po ba ako, Ma'am? 'Yung babae po na nagpupulot ng papel sa harapan po ng building ng Lee Corporation, kahapon?"

"Yeah, I remember you. Ano? Interesado ka ba?"

"Yes po, Ma'am. Yes na yes po," excited niyang sagot.

Malaki ang pagkakangiti ni Isay nang ibaba niya ang cell phone. "Yes!" aniya sabay suntok sa hangin.

Ngingiti-ngiti pa siya habang kumakain ng noodles. Sa mga sandaling 'yon sigurado na siya na may matino na siyang mapapasukan.

Matapos nilang magkita ng bago niyang amo. Binayaran ni Isay ang utang niya kay Aling Maria. Nakatanggap kasi siya nang paunang bayad mula sa amo niya. Stay in siya sa condo unit ng anak ni Mrs. Zenaida, kung saan siya magtatrabaho. Siya ang kinuha nito para personal na mag-asikaso sa pangangailangan ng anak nitong lalaki. Medyo masungit at pihikan daw ang anak nito sa pagkain kaya todo ang bilin nito sa kanya. Kung tutuusin housemaid at yaya ang dating niya, na pina-social lang dahil sa taas ng offer. Thirty Thousand Pesos ang offer, tatanggi pa ba siya? Ni hindi nga umaabot ng Sampung Libong Piso ang kita niya noon sa trabaho niya sa probinsiya. At isa pa, wala rin naman siyang mapasukang matinong trabaho simula noong lumuwas siya. Ang totoo nawi-weirduhan siya kung bakit ganoon kataas ang offer ni Mrs. Lee. Siguro talagang galante lang ito.

Kasalukuyan na siyang naglilinis ng bahay nang marinig niya ang pagpindot sa passcode. Agad siyang tumigil sa ginagawa at naglakad siya papunta sa pinto.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa monitor ang lalaking papasok. Hindi siya maaring magkamali. Iyon ang lalaking ilang beses na niyang nakakabangga. "Ano'ng ginagawa niya rito?"

Magtatago sana siya. Pero nabuksan na ng lalaki ang pintuan. Agad na napakunot ang noo nito nang makita siya.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" buo ang boses na tanong nito. Agad itong lumapit sa kanya at hinawakan siya sa braso.

"Paano kang nakapasok sa bahay ko?" muling tanong nito.

Hindi agad nakasagot ang dalaga.








Mr. Sungit BossWhere stories live. Discover now