Huminga ako nang malalim. "Hindi 'di ba? Kasi puro pag-aaway ang inatupag niyo. Si Seven ba tinanong niyo kung ayos lang siya? Hindi! Kasi imbis na mag-alala kayo, nagagalit kayo! Pinapagalitan niyo kami at sinisigawan nang hindi nalalaman ang kundisyon namin! Binuhos niyo 'yung lakas niyo para sigawan kami na sana ipinangyakap niyo na lang sa amin! Kahit yakap lang... yakap lang ng magulang... sige, kahit hindi niyo na tanungin kung ayos lang ba kami... kahit yakap na lang. Mahirap bang gawin 'yon?" humikbi ako. "Hindi namin masabi sa inyo 'yung problema namin dahil iniisip namin kayo! Dahil alam namin na makakadagdag lang kami sa problema niyo pero kahit isang beses! Kahit isang beses sa napakaraming panahon walang nagtanong sa inyo kung ayos lang ba ako!" humagulgol ako. Nanikip ang dibdib ko.

Umiyak si Mama at Papa pero mas nasasaktan ako.

"Papa... Mama..." humahagulgol kong sambit. "Muntik na akong magahasa! Pinagsamantalahan ako! Ni hindi niyo tinanong kung bakit namumula ang leeg ko at kung bakit may sugat ako sa labi! Hindi niyo ako masisisi kung hindi ko sinabi dahil ayokong makadagdag sa iisipin niyo pero ngayong sinaktan ko ang sarili ko! Ngayong muntikan na akong mawala saka kayo nagkaroon bigla ng pakialam? Ganoon ba, Mama? Ganoon ba, Pa? Mamamatay ba muna ako bago niyo ako mapansin?!" Kung hindi ako hawak ni Tyler, malamang bumagsak na ang mga tuhod ko sa sahig dahil sa panghihina.

"Simpleng "okay ka lang ba, anak?" wala! Kahit yakap man lang, wala! Kailan ba noong huli niyo akong niyakap? Hindi ko gusto ng kahit na anong materyal na bagay pero lulong kayo sa trabaho. Ang kailangan ko yakap niyo, Pa, Ma! Hindi ng sermon at pananakit!"

Niyakap ako ni Papa kaya mas lalo akong napahagulgol. "I'm sorry, Selene... Patawarin mo si Papa..." bulong niya habang umiiyak.

Tanging hagulgol na lang ang nagawa ko. Nilapitan ako ni Mama kaya kumalas sa akin si Papa.

Mas lalong bumagsak ang luha ko nang nanginginig ang mga kamay niyang hinaplos ang pisngi ko. Pinagmasdan niya ang mukha ko at hinaplos naman ang buhok ko. Maya-maya lang ay humagulgol siya at bigla akong niyakap.

"I'm sorry! I'm sorry, anak. Patawarin mo ako... p-patawarin mo ako, Selene..."

Hindi na ako nakasagot. Tanging hagulgol na lang ang nagawa ko dahil naubusan na ako ng salita.

Nang kumalma kami ay sinabi kong sa bahay na ako magpapahinga. Wala akong kinakausap. Nasa kwarto lang ako at hindi lumalabas.

Makalipas ang tatlong araw ay medyo naging maayos na ako pero nanatiling malamig ang pakikitungo ko kay Mama at Papa. Bumaba ako at pumunta sa kusina para uminom ng tubig.

"Selene, alam kong... alam kong may pinagdadaanan ka pero... hindi na namin kaya 'to..." ani Mama kaya napatigil ako sa paglalakad.

"Maghihiwalay na kami ng Papa mo."

Mapait akong napangiti. Pinunasan ko ang bibig ko gamit ang likod ng palad at nagtuloy-tuloy na sa paglalakad papunta sa kwarto.

Pumunta ako sa balcony at nakita ko roon si Chance. Agad siyang napaayos ng upo nang makita ako.

"Sa wakas! Lumabas ka rin! Okay ka na ba?"

Ngumiti ako at tinalikuran siya para itukod ang  dalawang siko ko sa railings ng balcony. Tumingala ako at bumungad sa akin ang mga bituin.

"Alam mo... iyan din ang tanong ko sa sarili ko. Ayos nga lang ba talaga ako?" mahinang sambit ko.

"Kumain ka na ba? Libre kita, ano gusto mo?"

Umiling ako. "Wala naman akong gana."

"Alam ko pero kailangan mong kumain," aniya.

"Kakain pa ba? Mamamatay din naman," pagbibiro ko.

Loving the Half Moon (Formentera Series #1)Where stories live. Discover now