Ang Huling Patawad

14 1 0
                                    

Tila nakikiisa ang panahon sa gagawing desisyon ni Luna ngayong araw na ito. Tumingala ang nasabing babae sa itaas at pinagmasdan ang kalangitan. Ang langit ay kasing asul ng paboritong blusa ng kaniyang ina at ang mga ulap ay kasing puti ng kanyang paboritong unan sa kaniyang silid. Natamaan ng sinag ng araw ang kaniyang mukha habang hinihipan ng simoy ng hangin ang kaniyang buhok sa banayad na pamamaraan. Kalmado at tama lang ang klima sa araw na ito. Malinis at pormal ang kaniyang kasuotan na tilang nagpapakita na siya ay isang mahinhin at disiplinadong binibini.

Habang naglalakad sa tabi ng kalsada, pinagmasdan din niya ang mga nangyayari sa paligid. Pinagmasdan niya ang mga karaniwang ganap sa kalsada habang may ngiti sa labi. Ang trapiko sa daan na hanggang ngayon ay hindi nasosolusyunan. Ang ingay ng busina ng mga sasakyan na nasa kalsada at sigaw ng mga tsuper. Mga tindera na nasa gilid ng kalsada na nanghihikayat ng mga tao na bilhin ang kanilang tinda. Ang mga pulubi na nanglilimos sa may gilid ng tindahan.

Lahat ng tao na nasa gilid ng kaniyang daanan ay nakatutok sa kaniya ngunit hindi niya ito binigyan ng pansin at kinawayan pa niya ang mga ito. Kahit hindi niya kilala ang mga taong ito, ningitian pa rin niya sila. Hindi din makapigil ang iba at tinugunan ang kaniyang ngiti at pagkaway. Sa kaliwang balikat ay nakasabit ang isang tote bag na naglalaman ng mga importanteng bagay na may relasyon sa kaniyang gagawin sa araw na ito.

Sa 'di kalayuan, natanaw niya plaza na puno ng mga batang naglalaro. Napatigil siya sa kaniyang paglalakad at parang may hinahanap na importanteng tao. Nang magtama ang kanilang mga mata, napaiwas siya ng tingin sa taong makakasalubong niya at nagpakawala ng isang malalim na hininga. Inayos niya muna ang kaniyang mukha sa kinakatayuan niya. Nagpatuloy siya sa kaniyang paglalakad at tumungo sa pasukan ng parke.

Nang nasa tapat na siya ng pasukan ng plaza, binati kaagad siya ng malalakas na halkhak at sigaw ng mga batang puno ng sigla. Lumawak ang kaniyang ngiti nang makita ang mga batang nagtatakbuhan. Naalala niya ang kaniyang pagkabata nang pinagmasdan niya ang mga batang naglalaro habang lumalakad siya. Tumigil ulit siya sa kaniyang kinakatayuan ng muntikan niyang mabangga ang isang batang lalaki tumakbo sa tapat niya. Huminto ang batang lalaki at tumingala kay Luna. Mistiso ang batang muntikan niyang mabangga. Ang kaniyang matatabang pisnge ay pulang-pula dahil sa kakalaro at kakabilad sa araw. Pawis na pawis na ang bata ngunit gwapo parin siyang tignan. Tinitigan niya ang bata at napagmasdan na may kahawig siya sa taong makakasalubong niya sa araw na ito. Nagpalitan silang dalawa ng ngiti at ginulo niya ang buhok ng bata.

"France!" Natigil ang kanilang interaksyon nang tinawag ang bata ng kaniyang mga kalaro. Pinakawalan niya ang bata at tumungo sa taong kaniyang kakausapin.

Pinagmasdan ni Luna ang taong nakaupo sa upuan ng plaza habang binabasa ang dyaryong nakabaliktad. Napatawa siya ng bahagya sa estado ng tao at tumayo sa gilid nito. Napaubo ng bahagya si Luna sa gawi niya at nagtama ulit ang kanilang mga mata. Sa sandaling iyon, naramdaman ulit ni Luna ang pamilyar na pakiramdam nang una silang nagkita ng taong iyon. Ang damdamin na matagal na niyang hindi nadama. Ang damdamin na sinasabikan.niya sa mga nakaraang taon. Ang damdamin na minsa'y nagpaligaya sa kaniya kahit nag-iwan ito ng masasakit na ala-ala.

"Hindi ka talaga nagbago, Luna Garcia. Kahit kailan tulala ka parin." Napatawa ang tao at nagpatuloy magbasa ulit sa baliktad na diyaryo. Kumutya si Luna at inikot ang mata sa taong nagbabasa sa kaniyang harapan.

"Hiyang-hiya naman ako sa iyo, Francisco Marquez. Nakabasa ng diyaryong pabaliktad?" Tumawa ng bahagya si Luna sa kaniyang gawi. "Isa ka talagang alamat." Namula ang lalaki sa nasabi ni Luna. Habang si Luna naman ay hindi nakapagpigil ng pagtawa at humalakhak ng malakas. Tumabi siya sa kanan ni Francisco at ngumiti.

'Di kalaunan, tumawa ulit silang dalawa sa kanilang kalokohan habang tinitigan sila ng mga bata na parang nakikilabutan sa kanilang malalakas na tawa na nangingiba sa tawa ng mga batang nandoon. Mga ilang sandali pa ay kumalma na sila at umayos sa kanilang upo. Pinagpag ni Francisco ang kaniyang pantalon habang pinahid ni Luna ang mga maliliit na butil ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Sabay silang huminga at napatawa nang magpansin ang kanilang hindi inaasahang pagsabay.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 11, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Huling PatawadWhere stories live. Discover now